top of page

Sunog sa makasaysayang bulwagan sa France, nagpaalala sa sunog sa Notre Dame Cathedral

Clotaire Achi / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 19, 2026 at 2:54:15 AM

Larawan ng nasusunog na Limoges City Hall

Nasusunog ang city hall ng Limoges sa gitna ng mga protesta sa Limoges, France noong Oktubre 17, 2026. Kinuha ang larawan mula sa video na nakuha sa social media.

Lucas Destrem / Reuters

LIMOGES, France – Nagimbal ang mga residente ng Limoges nitong Linggo sa nasunog na city hall ng lungsod, isang magarbong gusaling neo-Renaissance na itinayo noong ika-19 na siglo. Nakaligtas ito sa dalawang digmaang pandaigdig ngunit sinunog ng isang grupo ng mga nakamaskara sa gitna ng pinakamalalang kaguluhang yumanig sa France nitong mga nakaraang taon.


Walang nagawa ang mga tao nang masaksihan nila noong Sabado ng gabi ang pagkalat ng apoy sa bubong ng gusali hanggang sa bumagsak ang tore ng orasan nito. Nagbalik sa alaala ng marami ang pagbagsak ng tore ng Notre Dame Cathedral sa Paris nang masunog ito noong 2019.


“Dinurog nito ang puso ko. Para kong muling nasaksihan ang nangyari sa Notre Dame, pero sa pagkakataong ito, ang sarili naming bayan ang nasunog (It broke my heart. I saw Notre Dame all over again, except this time it was our town),” ani Francoise Faurie, na nakasaksi sa paglamon ng apoy sa city hall ng Limoges.


Nakatakda sanang ipagdiwang ng pamilya ni Faurie ang binyag ng kaniyang apo sa city hall makalipas ang isang buwan. “Anong klaseng bansa ang tinitirhan natin? Ano ang maiiwan natin sa ating mga anak? (What kind of country are we living in? What are we leaving our children?)” aniya. “Walang dahilan para sirain ang gusaling iyon. Maaari kayong magharap ng mga kahilingan at may karapatan kayong magprotesta, pero wala kayong karapatang gumamit ng dahas (There's no reason to touch that building. You can have demands, you have the right to protest, but not the right to violence).”


MALAWAK NA PINSALA


Sinabi ni Maurice Barate, ang local prefect, na bumagsak ang bubong sa mga palapag sa ibaba. Tanging ang kanlurang bahagi ng gusali ang nakaligtas, habang malaking bahagi ng panlabas na estruktura ang nawasak.


Tinawag niyang isang “kalamidad sa pamana ng kasaysayan” ang pagkawasak ng gusali, na kinikilalang makasaysayang monumento at binuksan noong 1883. Hango ang disenyo nito sa city hall ng Paris. Umabot sa 43 metro (141 talampakan) ang taas ng gitnang tore ng orasan at kampanaryo nito mula sa liwasan sa ibaba.


“Hindi katanggap-tanggap na sinunog ang city hall! (It's inadmissible to have burned down the town hall!)” ani Gilbert, isang residente ng lungsod. “Dapat parusahan ang mga gumawa nito. Dapat sila mismo ang magbayad sa pinsala. Hindi dapat gobyerno ang sumagot sa gastos (Those who did this need to be punished. They need to pay out of their own pocket, it's not for the state to pay).”


Inilarawan naman ni Guillaume Guerin, ang alkalde ng lungsod, kung paano agad na nalupig ng ilang daang kataong nagkakagulong grupo ang lokal na pulisya. Aniya, binasag ng mga ito ang mga bintana at gumamit ng pambasag na pinto upang mapasok ang pangunahing entrada ng gusali.


“Hindi ko matanggap ang lawak ng paghahanda, organisasyon at pagpaplano sa likod ng pag-atake sa city hall kahapon (The logistics, the organisation, the premeditation behind yesterday’s attack on the town hall is something I find unbearable),” sinabi niya sa mga mamamahayag.


Ayon kay Guerin, kulang ang bilang ng mga pulis na nakatalaga upang protektahan ang gusali dahil ipinadala ang mga tauhan ng pambansang pulisya sa protesta sa mga lansangan.


“Wala akong kahit isang tauhan ng pambansang pulisya na nakatalaga upang protektahan ang city hall (I had no single national police officer to protect the town hall),” dagdag ng centre-right mayor. “Hindi maganda ang kalagayan ng bansang ito. Napakasama ng kalagayan nito, at isang alkalde mula sa isang maliit na lungsod sa probinsiya ang nagsasabi nito sa inyo (This country is doing badly, this country is doing very badly, and it’s a small provincial mayor telling you so).”


Nagtipon ang mga tao sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan habang sinisiyasat ng mga eksperto ang pinsala sa gusali.


Ipinahayag ni Edith Lorcen, isang retiradong nurse, ang kaniyang pagkagulat sa kalupitan ng mga nasa likod ng pag-atake.


“Nasusuklam ako. Nasasaktan ako (I'm disgusted. I'm hurting),” ani Lorcen. “Pero walang maidudulot na mabuti ang pagdaragdag ng galit sa galit (But it does nothing to add hate on top of hate).”


bottom of page