top of page

Sunog sa kagubatan, banta sa pinakamatandang cave paintings sa mundo sa Indonesia

Abdul Rachman Muchtar / Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 23, 2026 at 9:31:51 AM

Larawan ng isang rock painting

Isang dibuho ng baboy sa bato sa isang kuweba sa Maros-Pangkep, lalawigan ng South Sulawesi, Indonesia, noong Oktubre 12, 2026.

National Research and Innovation Agency/Handout mula sa Reuters

MAROS-PANGKEP, Indonesia — Nanganganib ang pinakamatandang mga dibuho sa kuweba sa mundo na matatagpuan sa isla ng Sulawesi sa Indonesia dahil sa init at usok mula sa pinakamalalang sunog sa kagubatan ng bansa sa loob ng mahigit isang dekada. Ayon sa mga mananaliksik, maaaring mapabilis ng mga ito ang pagkasira ng mga likhang-sining na mahigit 67,000 taon na ang tanda.


Nilalabanan ng Indonesia ang pinakamalalalang sunog sa kagubatan at mga lupain nito mula noong 2015, habang pinatataas ng matinding El Niño ang temperatura at binabawasan ang pag-ulan, dahilan upang maging bulnerable sa sunog ang mga kagubatan at lupang pit.


Bagama't pinakamalubha ang epekto ng kalamidad sa mga isla ng Sumatra at Borneo, kumalat din ang mga sunog sa isla ng Sulawesi, kabilang ang South Sulawesi, kung saan matatagpuan sa mga kuweba ng apog ang pinakamatandang sinaunang sining sa mundo.


Sa isang kuweba sa Maros-Pangkep sa South Sulawesi, natukoy ng mga mananaliksik mula sa Griffith University sa Australia na ang isang likhang-sining na nagpapakita ng mga pigurang kahawig ng tao na nakikipag-ugnayan sa isang baboy ay hindi bababa sa 51,200 taon na ang tanda. Samantala, sa isang kuweba sa isla ng Muna, sa labas ng Sulawesi, natukoy na hindi bababa sa 67,800 taon na ang isang mapulang bakas ng kamay na ginawa sa pamamagitan ng pag-spray o paglalagay ng pigment sa paligid ng kamay.


Malapit sa kuweba sa Maros-Pangkep, nagsisikap ang mga bumbero na apulahin ang mga sunog habang tinatakpan ng usok ang kapansin-pansing tanawin ng mga karst formation—mga anyong-lupang nabuo mula sa apog—na tampok sa pambansang parke at UNESCO Global Geopark na nakapaligid sa kuweba.


Ayon sa bumberong si Muhammad Ikfar na mahigit isang linggong nagliyab ang mga sunog malapit sa lugar noong unang bahagi ng buwang ito at umabot sa layong 800 metro (2,625 talampakan) mula sa kuweba.


Mahigit 270 ektarya (667 akre) ng pambansang parke ang nasunog mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 18, ayon kay Ikfar.


“Ang una at pinakamapaminsalang epekto ay ang init. Kahit hindi direktang umabot sa mga dibuho ang apoy, maaari pa rin nitong sirain ang mga ito dahil binabago nito ang temperatura sa paligid ng mga dibuho at pinabibilis ang proseso ng pagkasira  (The first and most destructive effect is the heat. Even without direct fire touching the paintings, it could ruin them because it changes the temperature around the paintings and accelerates the process of corrosion),” pahayag ni Basran Burhan, isang arkeologo mula sa Griffith University.


Nagdudulot din ng uling ang usok.


“Nag-iiwan ito ng uling sa mga dibuho at tumatakip sa mga ito, kaya nagiging malabo at mahirap makilala ang mga larawan (They create soot on the paintings and cover them, so that the paintings will become blurred and difficult to identify),” aniya.


Noong Huwebes at Biyernes, patuloy na nagsisikap ang mga bumbero na apulahin ang mga sunog sa iba pang bahagi ng parke, ayon kay Ikfar. Dagdag niya, tuyo ang mga kondisyon sa lugar at wala pang pag-ulan.


“Kung hindi tayo kikilos agad at walang isasagawang mga estratehikong hakbang upang mabawasan ang epekto ng insidenteng ito, mawawala sa atin ang isa sa mga pinakakahanga-hangang patunay ng kasaysayan ng sangkatauhan sa Maros-Pangkep (If we don't do something about this quick, if there isn't any tactical mitigation efforts for this incident we will lose one of the most amazing evidence of human history in Maros-Pangkep),” sinabi ni Burhan. “At malaking kawalan iyon (And that is a great shame),” dagdag niya.


bottom of page