Sunod-sunod na malalakas na pagsabog, narinig sa Riyadh, Saudi Arabia
Reuters /Jana Choukeir Timour Azhari; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
November 8, 2026 at 5:15:33 AM
Saudi-Sinabi ng koalisyong pinamumunuan ng Saudi Arabia na lumalaban sa grupong Houthis sa Yemen na naharang at nawasak nito ang dalawang ballistic missile na pinakawalan ng grupong kaalyado ng Iran patungo sa Riyadh nitong Linggo, matapos marinig ang malalakas na pagsabog sa kabisera ng Saudi Arabia.
Naglabas ng alerto ang Saudi Civil Defense sa rehiyon ng Riyadh ilang sandali bago narinig ang mga pagsabog, ayon sa isang saksi ng Reuters. Kalaunan, inanunsyo ng mga awtoridad na wala nang panganib.
Sinabi rin ng koalisyon na naharang at nawasak nito ang dalawang cruise missile sa Riyadh at sa katimugang rehiyon ng bansa.
Tuluyan nang nasira ng panibagong labanan sa pagitan ng magkabilang panig ang tigil-putukang namagitan ang United Nations (UN) noong 2022. Nagsimula ang interbensiyon ng Saudi Arabia sa Yemen noong 2015, nang pangunahan nito ang isang koalisyon ng mga Arabong bansa upang ibalik sa kapangyarihan ang kinikilalang pamahalaan ng Yemen matapos agawin ng mga Houthi ang kabisera nitong Sanaa.
Naging bahagi ang muling paglala ng labanan sa mas malawak na digmaan sa Middle East na nagsimula matapos ang mga pag-atake ng United States (US) at Israel laban sa Iran noong Pebrero.
Mula nang muling sumiklab ang labanan noong Hulyo, tinarget ng mga Houthi ang mga paliparan, daungan at pasilidad ng langis ng Saudi Arabia gamit ang mga missile at drone. Samantala, nagsagawa naman ang Saudi Arabia ng mga airstrike laban sa mga target ng Houthi sa Yemen.
Naganap ang pinakahuling insidente isang araw matapos sabihin ng ministeryo ng kalusugan ng Yemen na kontrolado ng mga Houthi na hindi bababa sa 33 katao ang nasawi sa mga airstrike ng Saudi Arabia malapit sa Sanaa. Sinabi ng mga awtoridad ng Saudi Arabia na iniimbestigahan nila ang insidente.
Ulat nina Jana Choukeir at Timour Azhari; ini-edit nina William Mallard at Christopher Cushing/Reuters.

