top of page

Sinuspinde ng US Coast Guard ang paghahanap sa mga sakay ng medical aircraft sa karagatan ng Nantucket Island

Sari Story

October 5, 2026 at 5:17:36 AM

Larawan ng eroplano ng US Coast Guard

Isang eroplano ng US Coast Guard ang nagsasagawa ng paghahanap sa mga tao matapos matagpuan ang mga labi ng isang medical transport aircraft sa karagatan sa labas ng Nantucket Island, Massachusetts, US, Oktubre 3, 2026.

US Coast Guard / Handout sa pamamagitan ng Reuters

BOSTON — Sinuspinde ng US Coast Guard ang paghahanap sa anim na taong sakay ng isang medical transport aircraft na bumagsak sa karagatan sa labas ng Nantucket Island sa Massachusetts.

 

Ayon sa mga opisyal, apat na Canadian at dalawang mamamayan ng Bermuda ang sakay ng eroplano na patungo sa Logan International Airport sa Boston.

 

“Hindi madaling desisyon ang pagsususpinde ng paghahanap (Suspending a search is not an easy decision),” pahayag ni Rear Admiral Matthew Lake, commander ng Northeast District ng US Coast Guard, noong Linggo.

 

Sinabi ng Coast Guard na matapos nilang matagpuan ang mga labi ng Gulfstream jet noong Sabado ng gabi, nagsagawa sila noong Linggo ng paghahanap sa mga pasahero at tripulante gamit ang mga sasakyang panghimpapawid at sasakyang pandagat.

 

Ang eroplano, na nakarehistro sa Canadian air medical transport provider na Latitude Air Ambulance, ay umalis sa Bermuda alas-12:41 ng madaling araw noong Sabado, ayon sa datos mula sa flight-tracking website na FlightAware.

 

Nag-post naman ang lokal na istasyon ng telebisyon na Boston 25 ng audio recording kung saan tinanong ng air traffic controller ng Logan ang piloto ng Gulfstream kung nagdedeklara ito ng emergency. Walang tugon ang piloto.

 

Sa isang pahayag noong Linggo, sinabi ng Latitude na batay sa impormasyong ibinahagi ng mga awtoridad at sa pagtatapos ng search-and-rescue phase, napipilitan silang harapin ang masakit na katotohanang itinuturing nang nasawi ang apat na miyembro ng kanilang team, ang pasyente at ang kasama nitong miyembro ng pamilya na sakay ng Heartbeat 104.

 

Sinabi ng Latitude na makikipagtulungan ito sa US National Transportation Safety Board, Transportation Safety Board of Canada at iba pang awtoridad sa mga pagsisikap na mabawi ang mga labi at sa imbestigasyon sa sanhi ng pagbagsak ng eroplano.

bottom of page