top of page

Singapore, paiigtingin ang mga hakbang laban sa transboundary haze bilang 2027 ASEAN Chair

Reuters / Jun Yuan Jong; Isinalin ng Sari Story Network

November 4, 2026 at 3:10:37 AM

Larawan ng isang tao malapit sa breakwater sa Marina East

Naglalakad ang isang tao malapit sa breakwater sa Marina East habang natatanaw sa malayo ang mga sasakyang pandagat na nababalot ng haze. Nabawasan ang visibility sa buong Singapore dahil sa usok mula sa mga sunog sa kagubatan sa rehiyon. Kuha ito noong Oktubre 17, 2026.

Reuters / Kokkai Ng TPX IMAGES OF THE DAY

Makikipagtulungan ang Singapore sa mga miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang palakasin ang pagpapatupad ng kasunduan laban sa transboundary haze o polusyon sa hangin na tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa, kapag ito na ang namumuno sa regional bloc sa susunod na taon. Ito ang sinabi ni Singapore Minister for Sustainability and the Environment Grace Fu nitong Martes.


Makikipagtulungan din ang Singapore sa iba pang miyembro ng ASEAN upang maitatag ang ASEAN Coordinating Centre for Transboundary Haze Pollution Control sa Indonesia, ayon kay Fu.


Bilang tugon naman sa mga katanungan sa Parliament, sinabi ni Fu na makatutulong ang naturang coordinating center upang mapalakas ang kooperasyon at koordinasyon ng mga bansa sa pangangasiwa sa mga sunog sa kagubatan at lupain, gayundin sa pagharap sa transboundary haze.


Gayunman, magkakabisa lamang ang kasunduan kapag niratipikahan na ito ng anim na miyembrong bansa ng ASEAN.


Dagdag pa ni Fu, makikipagtulungan ang Singapore sa iba pang mga bansa upang tugunan ang mga pangunahing sanhi ng transboundary haze, kabilang ang wastong pangangasiwa sa mga peatland o lupang mayaman sa naipong organikong materyal at ang mga alituntunin sa pagsusunog ng mga pananim.


Ayon naman sa meteorological service ng Singapore, malaki na ang ibinaba ng antas ng haze sa bansa kasunod ng paghina ng Southwest Monsoon. Mas inaasahan na rin ang mahina at pabago-bagong direksiyon ng hangin na maaaring magtulak palayo sa usok. Inaasahan din ang mas maraming pag-ulan sa Nobyembre.


Samantala, nakatanggap ang Singapore ng matitinding batikos mula sa Jakarta, Indonesia, na bahagyang may kaugnayan sa tensiyon bunsod ng mga wildfire na nagdulot ng makapal na haze sa rehiyon noong nakaraang buwan.


Nagpahayag din ng alegasyon ang isang dating opisyal ng Indonesia, ngunit walang inilabas na ebidensiya, na may papel umano ang sovereign wealth funds ng Singapore sa babala ng index provider na MSCI na posibleng ibaba nito ang rating ng mga stock ng Indonesia.


Nagbabala rin ang Indonesia sa mga Muslim pilgrims na iwasang dumaan sa Singapore sa kanilang paglalakbay. Bukod dito, binawasan din nito ang suplay ng gas sa city-state.


bottom of page