top of page

September to Remember: Sining at kultura ng Espanya, tampok sa Maynila

Sari Story

September 10, 2026 at 6:43:26 AM

Larawan ng mga libro at papel

Poster mula sa facebook page ng Instituto Cervantes

Instituto Cervantes / facebook page

Ngayong Setyembre, masisilayan sa Maynila ang makulay na sining at kultura ng Espanya sa pamamagitan ng serye ng mga art, literary, language, at cultural events. Pormal nang inilunsad ng Embassy of Spain in the Philippines, kasama ang Instituto Cervantes at ang Cultural and Education Offices nito, ang natatanging lineup ng mga aktibidad ngayong buwan na naglalayong pukawin ang interes ng publiko, ipagdiwang ang kultura at kasaysayan, at isulong ang makabuluhang talakayan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.


Para sa mga mahilig sa libro, wika, sining, o mga adbokasiya para sa sustainable cities, may iba’t ibang aktibidad na maaaring puntahan ngayong Setyembre. Narito ang mga tampok na kaganapang maaaring abangan:


1. Pagdiriwang ng pagkukuwento at Hispanic culture

Venue: SMX Convention Center


Petsa: Setyembre 9–13


Sinimulan ang mga aktibidad ngayong buwan sa isang pagdiriwang ng mga libro, wika at Hispanic literature. Para sa mga pamilya, batang mambabasa, at book lovers, nag-aalok ang booth ng Instituto Cervantes ng iba't ibang aktibidad na magpapakilala sa mundo ng panitikan.


Maaaring manood ang mga bisita ng animated storytelling sessions, sumali sa creative workshops, subukan ang kanilang kaalaman sa interactive quizzes, at makilahok sa mga talakayan tungkol sa mga libro. Mayroon ding demonstration classes para sa mga nais matuto ng Spanish at magkaroon ng unang karanasan sa paggamit ng wika.


2. Pagdidisenyo ng kinabukasan ng mga lungsod

Venue: Ayala Museum


Petsa: Setyembre 15


Tatalakayin naman sa aktibidad na “Makati: Urban Recipes for a City’s Survival” ang ilan sa pinakamalalaking hamon na kinakaharap ng mga lungsod, kabilang ang climate resilience at urban survival. Pagtitipunin ng Spanish Embassy ang mga kilalang personalidad mula sa larangan ng design, architecture, at urban development para sa isang panel discussion.


Kabilang sa mga panelist sina Spanish architect José Luis Vallejo, Filipino urban planner Paulo Alcazaren, at creative economy expert Paolo Mercado. Pangungunahan naman ang talakayan ni architect at urban heritage conservationist Michael Manalo. Layon ng session na magkaroon ng cross-cultural dialogue tungkol sa kung paano makakaangkop at patuloy na uunlad ang mga modernong lungsod sa gitna ng lumalaking environmental challenges.


3. Speed dating—para sa mga wika

Venue: One Ayala


Petsa: Setyembre 19


Bilang bahagi ng pagdiriwang ng European Day of Languages, magiging sentro ng linguistic diversity ng Europa ang One Ayala.

Tampok dito ang “Speak Dating,” isang mabilis at interactive na aktibidad kung saan maaaring sumali ang mga kalahok sa maiikling language sessions kasama ang mga native speaker mula sa iba't ibang bahagi ng Europa. Maaari silang matuto ng mga conversational phrases, makakuha ng kaalaman tungkol sa iba’t ibang kultura, at makaranas ng tunog at ritmo ng halos 20 wika.

Hindi kailangan na may malawak na karanasan sa pag-aaral ng wika—sapat nang may bukas na isip at interes na matuto para sumali rito.


4. Pagbibigay-lakas sa boses ng kababaihan sa global design

Venue: Casa Azul, Intramuros


Patuloy namang pinagdurugtong ng makasaysayang Intramuros ang kasaysayan at modernong inobasyon sa pamamagitan ng exhibit na “Diseñadoras (Re)diseñando el mundo” o “Female Designers: Re-designing the World.” Tampok dito ang mga obra ng 12 Spanish female designers na kinikilalang visionary sa kanilang larangan.


Saklaw ng exhibit ang iba't ibang aspeto ng design, kabilang ang typography, product design, branding, fashion, jewelry, textile research at mga makabagong biomaterials.



Mga ongoing exhibition na maaaring bisitahin

Para sa mga nais magsagawa ng art crawl sa Maynila, makikita rin sa iba't ibang landmark sa lungsod ang mga cultural project na bunga ng pakikipagtulungan ng Spain sa ng mga lokal na institusyon:


Tagpuan by Boa Mistura — Fort Santiago: Isang permanenteng malakihang floor at wall mural na nagbibigay ng bagong anyo sa pampublikong espasyo sa loob ng makasaysayang kuta.


Buen Camino — San Agustin Museum: Isang visual journey na tumatalakay sa heritage, pilgrimage, at mga landas na pinagsasaluhan ng mga tao.


Melodías del pensamiento by García de Marina — Casa Azul, Intramuros: Isang conceptual photography exhibition na ginagawang visual poetry ang mga ordinaryong bagay sa paligid.


Embracing the Wind, Cradling the Water by Cristina Mejías — UP Vargas Museum: Isang maselang pag-aaral sa space, form, at movement.


Returning to Manila: The Galleon Trade in Maps — Museo del Galeón: Inilalahad sa exhibition, na inihanda kasama ang Instituto de Historia y Cultura Naval at Archivo Histórico de la Armada, ang mga rare map na nagpapakita ng makasaysayang rutang pandagat na nag-uugnay sa Manila at sa global trading network.


Mula sa pag-aaral ng bagong wika sa pamamagitan ng “speed dating,” pakikilahok sa talakayan tungkol sa sustainable urban architecture, hanggang sa pag-iikot sa makasaysayang Intramuros para tuklasin ang contemporary design, nag-aalok ang cultural program ng Spain ng panibagong paraan upang maranasan at mas makilala ang Maynila ngayong Setyembre.


bottom of page