top of page

Secretary Angara: Kritikal na pag-iisip at regulasyon, kailangan para sa kaligtasan at media literacy ng mga mag-aaral

Philippine News Agency; Isinalin ng Sari Story Network

October 27, 2026 at 1:20:48 AM

Larawan ni DepEd Secretary Sonny Angara

Iginiit ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na kailangan ng digital media regulation sa mga kabataan sa isang panayam sa Philippine Conference on Children and Media 2026 sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City nitong Lunes.

PNA / Robert Oswald P. Alfiler

MAYNILA – Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara nitong Lunes ang kahalagahan ng kritikal na pag-iisip at mga regulasyon sa pagsusulong ng kaligtasan ng mga mag-aaral at pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa wastong paggamit at pagsusuri ng media.


Ito ay kasabay ng pagdalo ni Angara sa Philippine Conference on Children & Media 2026, na inorganisa ng National Council for Children’s Television (NCCT) sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City.


Sa kanyang talumpati, ipinunto ni Angara ang pangangailangang magpatupad ng mga flexible na hakbang at pagbabago sa mga programa upang maprotektahan ang mga bata laban sa karahasan, pagsasamantala, mental health challenges, at iba pang negatibong epekto ng media.


“Inihahanda ba natin ang ating mga mag-aaral para sa media environment na aktuwal nilang kinabibilangan ngayon? O inihahanda natin sila para sa kapaligirang kinalakihan natin? Dapat tayong maging sapat na flexible para maiangkop ang ating kurikulum, mga estratehiya sa pagtuturo at mga polisiya habang patuloy na nagbabago ang media (Are we preparing our learners for the media environment they actually inhabit today? Or are we preparing them for the environment we grew up with? We must be flexible enough to adopt our curriculum, our teaching strategies, and our policies as the media evolves),” pahayag niya.


“Lalong lumalabo ang pagkakaiba ng tradisyonal na media at social media, kaya dapat sapat na flexible ang ating mga polisiya upang kilalanin ang realidad na ito (The line between traditional and social media is becoming increasingly blurred, and our policies must be flexible enough to recognize that reality),” dagdag pa ng kalihim.


Upang maisulong ang kaligtasan at media literacy ng mga kabataan, sinabi ni Angara na ipinatupad ng Department of Education (DepEd) ang mga regulasyong naglilimita sa paggamit ng mga mobile phone at iba pang electronic gadget sa loob ng mga paaralan sa ilalim ng DepEd Order No. 006, series of 2026.


Mayroon na ring module tungkol sa Media and Information Literacy sa kurikulum ng basic education ng DepEd.


“Itinuturo natin ito, sa palagay ko, sa high school. Pero sa tingin ko, panahon na para ituro ito nang mas maaga dahil kahit ang mga mas batang bata ay mas marami nang alam tungkol sa social media (We teach it, I think, in high school. But I think it’s time to bring it much earlier kasi ‘yung mga bata pa lang e know much more about social media), ani Angara.


Gayunman, hinikayat ni Angara ang mga stakeholder at komunidad na tulungan ang mga bata para malinang ang kanilang kritikal na pag-iisip sa paggamit at pagkonsumo ng media.


“Turuan silang kuwestiyunin ang kanilang nakikita, beripikahin ang kanilang naririnig, at pag-isipang mabuti ang kanilang ibinabahagi (Teach them how to question what they see, verify what they hear, and to think critically about what they share),” saad niya.

“Ang layunin ay hindi lamang ilayo ang teknolohiya sa silid-aralan. Layunin din nitong matiyak na kapag ginamit ang teknolohiya sa silid-aralan, pag-aaral pa rin ang nasusunod at hindi libangan o ang mga algorithm na nais ipasunod ng malalaking kumpanya sa ating mga anak (The goal is not simply to keep technology out of the classroom; it is also to ensure that when technology enters the classroom, learning remains in control, not entertainment and not the algorithms that big companies want our children to follow),” giit pa ni Angara.


Bukod sa pangangailangan para sa mas mahusay na mga programa tungkol sa media at isang kurikulum na madaling maiangkop sa mga pagbabago, sinabi ng kalihim na nagsusulong din ng mga reporma ang mga mambabatas sa Kamara at Senado upang maprotektahan ang mga bata sa iba't ibang online platform.


Layunin ng mga panukalang ito na tugunan ang mga panganib na may kaugnayan sa teknolohiya at digital media, gaya ng online grooming o unti-unting pagkuha ng tiwala ng mga bata upang pagsamantalahan sila, at panghihikayat sa mga kabataan na sumali sa mga marahas na ekstremistang grupo. Binibigyang-pansin din ang mga panganib na ito kasunod ng mga insidente ng karahasan kamakailan sa mga paaralan.


Binanggit ni Angara na apat sa mga batang nasasangkot sa batas (children in conflict with the law o CICL) na may kaugnayan sa insidente ng pamamaril kamakailan sa isang paaralan sa bansa ay konektado sa mga online network na kinabibilangan nila.


“Para itong isang fraternity. Para bang dumaraan sila sa mga ritwal bilang bahagi ng pagtanggap sa grupo. Tinatanggap sila at sinasabihan na kung hindi sila gagawa ng mga marahas na gawain, hindi sila tatanggapin o mapo-promote sa loob ng grupo (It’s like a fraternity, it’s like they are subjected to rites of passage. They are welcomed, then they are told that if they do not perform acts of violence, they will not be accepted, or not be promoted within the group),” aniya.


Nanawagan din si Angara sa mga magulang na subaybayan ang kanilang mga anak at aktibong magtakda ng mga kinakailangang limitasyon sa paggamit ng teknolohiya.


“Ang kabalintunaan, hinahayaan natin silang magtagal sa kanilang mga gadget at social media. Ibig sabihin, sa online na mundo—kung saan dapat ay mas mahigpit at mas mapanuri tayo sa paggabay sa kanila—doon mismo tayo nagkulang. Pero siyempre, hindi pa huli ang lahat (Ironically, we left them on their devices, on social media. Meaning, where we should be less liberal and more discerning and discriminating in our supervision, which is the online world, is precisely where we fell short. But of course, it’s not too late),” ani Angara.


Sinabi niya na mahalaga ang pakikilahok ng mga magulang sa paggabay sa isang henerasyon ng mga bata at kabataang nakararanas ng overstimulation dahil sa media at teknolohiya, kasabay ng pagtaas ng mga kaso ng karahasan, pagkabalisa at depresyon.


Layunin ng kumperensiya ng NCCT na pagsama-samahin ang mga stakeholder, mambabatas, institusyong nagsasagawa ng pananaliksik at akademikong pag-aaral, mga grupong nangangalaga sa mga bata, mga kinatawan ng malikhaing industriya, guro, magulang at mag-aaral, bukod sa iba pa. Pangunahing nitong nais isulong ang paglikha at pagpapalabas ng mga programang angkop sa edad, pangangailangan at antas ng pag-unlad ng mga bata.


Nagsimula ang programa noong Linggo at magtatagal hanggang Oktubre 28.


bottom of page