Rescue center sa Indonesia, tumatanggap ng mas maraming orangutan habang patuloy ang mga wildfire
Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
October 16, 2026 at 12:22:24 PM
FILE PHOTO: Bitbit ng isang rescuer at beterinaryo mula sa wildlife foundation na Yayasan Inisiasi Alam Rehabilitasi Indonesia (YIARI) ang isang orangutan matapos itong sagipin mula sa isang plantasyon ng palm oil na naapektuhan ng mga wildfire sa Barangay Laman Satong, Ketapang Regency, West Kalimantan, Indonesia, noong Setyembre 30, 2026. Nagsimula noong Hulyo ang matitinding wildfire na pangunahing tumutupok sa mga isla ng Borneo at Sumatra at posibleng magpatuloy hanggang Nobyembre, ayon sa babala ng pamahalaan. Pinalalala ang mga sunog ng matinding El Niño weather pattern.
Victor Fidelis Sentosa/Reuters
KETAPANG — Sa mga kagubatan ng Borneo sa Indonesia, tumatanggap ng mas maraming orangutan ang isang rehabilitation center habang nilalamon ng pinakamalalang wildfire sa bansa sa nakalipas na isang dekada ang kagubatang tirahan ng mga hayop na nanganganib nang tuluyang maubos.
Nagsimula noong Hulyo ang matitinding wildfire na pangunahing tumutupok sa mga isla ng Borneo at Sumatra, at posibleng magpatuloy hanggang Nobyembre. Ayon sa pamahalaan, pinalalala ang mga sunog ng matinding El Niño weather pattern.
“Sa tingin ko, sa ngayon, halos katulad ito ng mga sunog noong 2015 (I think so far this looks quite similar to the 2015 fires),” ani Karmele Llano Sanchez, co-founder ng Yayasan Inisiasi Alam Rehabilitasi Indonesia (YIARI), na mahigit 20 taon nang nagtatrabaho sa Indonesia. “Posibleng sa mga susunod na buwan, maapektuhan din sila (ang mga orangutan) dahil sa kakulangan ng pagkain at espasyo, pagliit ng kanilang tirahan, at gutom (It's possible that in the months to come, they (the orangutans) will also be affected by not having enough to eat, not having enough room, enough habitat, and starvation).”
Sa buong mundo, tatlong species ng orangutan ang matatagpuan lamang sa Borneo at Sumatra.
Ayon kay Heribertus Suciadi, tagapagsalita ng YIARI, kasalukuyang inaalagaan ng organisasyon sa Ketapang, lalawigan ng West Kalimantan sa Indonesia, ang 90 orangutan matapos makapagsagip ng 49 mula noong Agosto.
Sa nakalipas na tatlong taon, nasa tatlo hanggang lima lamang na orangutan kada taon ang naililigtas ng center, dagdag niya.
Binalot ng mga sunog at makapal na usok ang ilang bahagi ng Borneo, na kinabibilangan din ng mga estado ng Sarawak at Sabah sa Malaysia. Kumalat din ang mapanganib na smog sa Singapore at sa Malay Peninsula, dahilan upang magsara ang ilang paaralan at dumami ang mga kaso ng sakit sa paghinga.
Si Sampurna, isang orangutan na nakita ng Reuters noong Agosto, ay natagpuang naghahabol ng hininga at namimilipit sa lupa sa isang plantasyon ng palm oil.
Namatay si Sampurna noong Agosto 30, ayon sa forestry ministry noong nakaraang buwan. Sinabi ni Sanchez, na nagsagawa ng necropsy o pagsusuri sa katawan ng hayop matapos itong mamatay, na pumanaw si Sampurna wala pang 12 oras matapos itong masagip. Maitim na maitim din ang mga baga nito dahil sa mga problema sa paghinga, na inihalintulad ni Sanchez sa kalagayan ng mga baga ng taong matagal nang naninigarilyo.
Mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, umabot sa humigit-kumulang 202,000 ektarya (500,000 acre) ng lupain sa Indonesia ang natupok ng mga sunog. Wala pang inilalabas na opisyal na datos para sa mga sumunod na buwan, ngunit tinataya ng mga non-government organization na hindi bababa sa 600,000 ektarya pa ang nasunog mula noon.
Noong 2015, halos 960,000 ektarya ang natupok ng mga sunog, batay sa datos ng forestry ministry.
“Sa pangkalahatan, ang nakikita natin ay ang mga orangutan na nabubuhay sa maliliit na bahagi ng kagubatan ay unti-unting nawawalan ng tirahan dahil patuloy na lumiliit ang mga natitirang bahagi ng kagubatan (I think in general, what we see is that these orangutans that were surviving in these fragments of forest, and the forest fragments are becoming smaller and smaller and smaller),” ani Sanchez.
MGA OPERASYON SA PAGSAGIP
Kapag nakatatanggap ng ulat tungkol sa mga nakitang orangutan, gumagamit ng drone ang mga boluntaryo ng YIARI upang matukoy kung aling mga lugar ang sinalanta ng sunog at kung may mga orangutan na naninirahan doon, ayon kay Heribertus.
May dalang mga pampakalma ang mga rescuer at bumibiyahe nang ilang oras patungo sa mga nasunog na kagubatan upang hanapin ang mga orangutan. Kung minsan, gumagamit sila ng lambat upang mahuli ang mga hayop bago dalhin ang mga ito sa ligtas na lugar.
Mahigit 200 kawani ang nagtatrabaho sa foundation, kabilang ang mga bumbero at beterinaryo.
“Maraming lugar ang nakararanas ng sunog. Dahil dito, napipilitang lumipat ang mga orangutan sa mga plantasyon (Fires are occurring in many areas. As a result, the orangutans are being displaced into plantations),”ani Relly Susanto, isang patroller ng YIARI.
Sa isang araw noong Agosto, makikitang naglilipatan sa mga puno at gumagapang sa mga baging ang mga orangutan sa YIARI center, habang kumakain ng prutas ang mga batang orangutan sa tabi ng kanilang mga ina.
Bagama't hindi rin ligtas ang center sa usok, hindi naman ito kasalukuyang nanganganib na direktang maapektuhan ng sunog. Ang ilan sa mga nailigtas na orangutan ay naibalik na rin sa kagubatan sa mga lugar na mas ligtas.
Sa ngayon, sapat pa ang kapasidad ng YIARI upang tumanggap ng mga orangutan, ayon kay Sanchez. Gayunman, dahil wala pang senyales na humuhupa ang mga sunog, hindi niya matiyak kung hanggang kailan nila ito kakayanin.
“Mahirap tantiyahin kung ilan pang orangutan ang kailangang sagipin (It's difficult to quantify how many orangutans will need to be rescued),” aniya. “Isa sa mga ikinababahala namin ay kung magkakaroon kami ng sapat na kapasidad upang mailagay sa pasilidad ang lahat ng mga orangutan na aming maililigtas (One of our concerns is whether we'll have enough capacity to really get all of these rescued orangutans into the facility).”

