Pope Leo, unti-unting babalik sa mga tungkulin matapos ang operasyon sa baga
October 18, 2026 at 7:53:47 AM
Nangako si Pope Leo nitong Linggo na unti-unti siyang babalik sa kanyang karaniwang mga gawain bilang pinuno ng 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo. Ito ang kanyang unang pampublikong pagharap mula nang sumailalim siya sa operasyon dahil sa kanser sa baga limang araw na ang nakalipas. Binati niya ang mga taong nagtipon sa St. Peter’s Square.
Sumailalim sa operasyon ang 71-anyos na Santo Papa nitong Martes upang alisin ang ibabang bahagi ng kanang baga. Dahil dito, lumakas ang mga haka-haka kung paano maaaring makaapekto ang kanyang karamdaman sa kanyang 17-buwang pamumuno bilang Santo Papa.
Ngumingiti mula sa bintana ng Apostolic Palace sa Vatican, kinausap ni Leo nitong Linggo ang mga peregrinong nasa ibaba sa malinaw at matatag na tinig. Pinasalamatan niya ang mga tao sa buong mundo sa kanilang mga panalangin at sinabing unti-unti na siyang babalik sa kanyang karaniwang iskedyul.
“Matapos malampasan ang maselang yugtong ito ... unti-unti na akong babalik sa aking mga gawain, sa tulong ng Diyos at ng inyong mga panalangin (Having overcome this delicate phase ... I will now gradually resume my activities, always with the help of God and your prayers),” pahayag ni Leo.
Pinalabas sa Gemelli Hospital sa Rome nitong Sabado ang Santo Papa. Mag-isa siyang nagtungo sa bintana ng palasyo at isinagawa ang kanyang lingguhang pananalangin sa tanghali gaya ng nakagawian.
Hinimok din niya ang mga peregrinong naghihintay sa ibaba sa kabila ng maulap na panahon na isantabi ang pansariling ambisyon at maglingkod sa Diyos nang “walang kompromiso (without compromise).”

