top of page

Pope Leo, sinimulan ang 12-araw na pagbisita sa South America isang buwan matapos sumailalim sa operasyon sa baga

Joshua McElwee; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 6, 2026 at 9:02:18 AM

Lawaran ni Pope Leo

FILE PHOTO: Umalis si Pope Leo sa Gemelli Hospital matapos sumailalim sa operasyon sa baga at ma-diagnose na may kanser sa Rome, Italy, noong Oktubre 17, 2026.

Yara Nardi/Reuters

VATICAN CITY — Nagsimula nitong Biyernes ang 12-araw na malawakang pagbisita ni Pope Leo sa South America na inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong tao. Ito ang pagbabalik ng unang papa na isinilang sa Estados Unidos sa isang rehiyong matagal nang kuta ng Simbahang Katolika at kung saan ilang dekada siyang nanirahan bilang misyonero.


Bibisitahin ni Leo, 71, ang Uruguay, Argentina at Peru hanggang Nobyembre 17, isang buwan matapos sumailalim sa operasyon dahil sa kanser sa baga. Itinuturing itong isa sa pinakamabibigat na biyahe sa ibang bansa na isinagawa ng isang lider ng Simbahang Katolika sa nakalipas na ilang dekada.


Ayon sa Vatican nitong linggo, ganap nang gumaling ang papa mula sa kaniyang operasyon at walang karagdagang pag-iingat na ipatutupad para sa pagbisita. Sa biyahe, inaasahang lalakbay siya nang humigit-kumulang 31,000 kilometro sa 10 lungsod at magbibigay ng 36 na talumpati.


Isinilang si Leo sa Chicago ngunit ilang dekada ring nanirahan sa Peru at naging mamamayan nito. Itinuturing niya ang pagbisita bilang “pagbabalik sa tahanan, sa mga lugar kung saan siya matagal na nanirahan at lubos na naging malapit sa kaniyang puso (homecoming to places where he spent a long time and to which he feels closely connected)," ayon kay Matteo Bruni, tagapagsalita ng Vatican.


Sa kaniyang lingguhang pagtitipon kasama ang mga peregrino sa St. Peter's Square nitong Miyerkules, sinabi ni Leo na umaasa siyang “patatagin ang pananampalataya, muling magbigay ng pagasa at muling palakasin ang diwa ng pag-ibig at paglilingkod sa kapwa (strengthen the faith, renew hope, (and) rekindle the fire of charity)". sa kaniyang pagbisita.


INAASAHANG TATALAKAYIN NG PAPA ANG KAWALAN NG KATATAGAN SA REHIYON


Aalis si Leo sa Rome madaling-araw nitong Biyernes at inaasahang darating sa Uruguay alas-4:30 ng hapon (7:30 ng gabi GMT). Mananatili siya sa bansa hanggang Linggo at bibisita sa tatlong lungsod bago magtungo sa Argentina sa loob ng tatlong araw at sa Peru sa loob ng anim na araw.


Matapos mariing batikusin nitong mga nakaraang buwan ang direksiyon ng pamumuno sa mundo, inaasahang tatalakayin ni Leo ang mahahalagang usapin sa mga pamahalaan ng tatlong bansa sa mga talumpating mahigpit na susubaybayan. Pangungunahan din niya ang mga misa sa malalaking pampublikong lugar, bibisita sa isang bilangguan sa Argentina at magtutungo sakay ng helicopter sa malalayong komunidad sa kabundukang Andes sa Peru.


Sa Linggo, magbibigay si Leo ng talumpati sa harap ni Argentine President Javier Milei, isang kanang-panig na libertarian na itinuturing na malapit na kaalyado ni US President Donald Trump. Binatikos ni Trump ang papa noong unang bahagi ng taong ito matapos punahin ni Leo ang digmaan sa Iran.


Sinabi ni Bruni na tatalakayin sa mga talumpati ng papa ang iba't ibang suliraning kinakaharap ng kontinente, kabilang ang pagkasira ng kalikasan, pagpupuslit ng mga armas at kawalan ng katatagang pampolitika sa rehiyon.


“Daladala ng papa ang mensahe ng pagkakaisa at pagkakabuklod, at panawagang kilalanin ang isa't isa bilang mga miyembro ng iisang pamilya (The pope brings a message of communion and unity, an invitation to recognise one another ... as members of one same family)," aniya.


Bumisita sa Peru noong 2018 ang yumaong si Pope Francis, ang sinundan ni Leo sa puwesto at tubong Argentina, ngunit hindi na siya nakabalik sa kaniyang sariling bansa. Huling bumisita ang isang papa sa Argentina at Uruguay noong huling bahagi ng dekada 1980.


Sinabi ng mga opisyal ng Argentina na tinatayang pitong milyon katao ang dadalo sa mga aktibidad na pangungunahan ni Leo.


WALANG KARAGDAGANG MEDIKAL NA PAG-IINGAT NA IPATUTUPAD ANG VATICAN


Matagal nang may pinakamalaking bilang ng mga Katoliko sa buong mundo ang Latin America, ngunit unti-unting nababawasan ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa rehiyon dahil sa mabilis na paglago ng mga grupong evangelical. Nahihirapan din itong tumugon sa mas progresibong pananaw ng lipunan at sa paglaganap ng mga indibidwal na paraan ng pagsamba.


Umaasa ang mga lokal na lider ng Simbahang Katolika na muling pasisiglahin ng pagbisita ni Leo ang pananampalataya sa buong rehiyon at makatutulong din sa pagpapanumbalik ng tiwala sa Simbahan matapos masira ang reputasyon nito dahil sa mga iskandalo ng pang-aabuso.


Ibinunyag ng Vatican na magkakaroon ng ilang pagpupulong si Leo sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso ng mga klerigo ng Simbahang Katolika sa kaniyang pagbisita, ngunit wala pa itong ibinibigay na karagdagang detalye.


Ginamot si Leo noong Oktubre dahil sa lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga. Ayon sa kaniyang mga doktor, nanatili lamang sa isang bahagi ng katawan ang sakit at hindi na niya kakailanganin ng karagdagang gamutan.


Sinabi ni Bruni na sapat na ang paggaling ni Leo kaya hindi na mangangailangan ng karagdagang medikal na hakbang habang nasa biyahe.


Sinabi ng mga eksperto sa medisina sa Reuters na ang pahintulot ng mga doktor ni Leo na bumiyahe sakay ng eroplano ay nagpapahiwatig na mababa ang panganib ng mga komplikasyon mula sa kaniyang operasyon. Ipinapakita rin umano nito na ganap nang lumawak muli ang inoperahang baga at naghihilom nang maayos ang mga sugat nang walang senyales ng impeksiyon.


Gayunman, iminungkahi nilang maaaring mangailangan si Leo ng mga pahinga upang makayanan ang masinsinang iskedyul ng kaniyang pagbisita. Maaari rin umanong gumamit siya ng karagdagang suplay ng oxygen kung kinakailangan, lalo na sa mga pagbisita niya sa matataas na lugar sa kabundukang Andes sa Peru.


—Joshua McElwee; karagdagang pag-uulat nina Lucinda Elliott sa Montevideo, Cassandra Garrison sa Mexico City at Marco Aquino sa Lima; inedit ni Alexandra Hudson/Reuters


bottom of page