Pope Leo, pinayagang bumiyahe sa South America nang walang dagdag na hakbang pangkalusugan na kailangan
Reuters / Isinalin ng Sari Story Network
November 5, 2026 at 2:14:38 AM
Nasa mabuting lagay ang kalusugan ni Pope Leo at handa na siyang bumiyahe ngayong linggo para sa isang masusing pagbisita sa tatlong bansa sa South America, wala pang isang buwan matapos niyang sumailalim sa operasyon sa baga dahil sa cancer. Ito ang kinumpirma ng mga opisyal ng Vatican nitong Martes, at sinabing hindi na kailangan ng karagdagang medikal na pag-iingat para sa biyahe.
Aalis si Pope Leo, 71, sa Biyernes para sa 12-araw na pagbisita sa Uruguay, Argentina at Peru. Inaasahang kabilang ito sa pinakamabibigat na iskedyul ng paglalakbay ng isang Santo Papa sa nakalipas na ilang dekada. Noong Oktubre 13, sumailalim siya sa operasyon upang tanggalin ang ibabang bahagi ng kanang baga.
"Nasa mabuting lagay ang kalusugan ng Santo Papa (The pope is in good health),” ayon kay Vatican spokesperson Matteo Bruni sa isang press briefing.
"Hindi ito isang permanenteng kondisyon. Ang pinag-uusapan natin ay isang bagay na pinapagaling dahil ito ay resulta ng isang operasyon (We're not talking of a permanent condition. We're talking about something that you heal from, because it is surgery),” dagdag niya.
Nagdulot ng pagkabigla ang pagkakadiskubre ng cancer ni Pope Leo, na naging Santo Papa noong Mayo 2025. Nagbunsod din ito ng mga tanong tungkol sa magiging direksiyon ng kanyang pamumuno sa Simbahang Katolika habang hinaharap niya ang karamdaman.
Sinabi naman ni Archbishop Paul Gallagher, kalihim ng Vatican para sa ugnayang panlabas, noong nakaraang linggo na ang isyu sa kalusugan ng Santo Papa ay may hatid na bahagyang malaking pagbabago sa pananaw ng mga Katoliko tungkol sa kalusugan ni Leo at sa magiging takbo ng kanyang pamumuno.
WALANG KARAGDAGANG MEDIKAL NA PAG-IINGAT PARA SA BIYAHE
Ginamot si Pope Leo para sa lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng cancer sa baga.
Ayon sa kanyang mga doktor, kinumpirma ng pagsusuri sa mga tisyu na tinanggal sa operasyon na nasa isang bahagi lamang ng baga ang cancer at hindi na niya kailangan pang sumailalim sa karagdagang gamutan.
Sinabi ni Bruni na sapat na ang paggaling ng Santo Papa kaya hindi na kakailanganin ang karagdagang medikal na pag-iingat sa kanyang paglalakbay.
Makakasama pa rin niya ang mga medical personnel ng Vatican na karaniwang bumibiyahe kasama ng Santo Papa. Gayundin, kasama pa rin sa kanyang convoy ang mga ambulansiyang nakatalaga sa mga pagbisita niya sa ibang bansa, gaya ng mga naunang biyahe.
"Palaging may mga doktor, nars, at ilang pangunahing kinakailangang pasilidad (There's always doctors, there's always nurses, there's always certain basic conditions),” ayon kay Bruni.
"Hindi na ako magbibigay ng karagdagang detalye dahil hindi naman ito kinakailangan ng kasalukuyang sitwasyon (I am not going to go into greater detail because the situation does not require it),” dagdag niya.
Sinabi naman ni Maria Montserrat Alvarado, bagong pinuno ng malawak na tanggapan ng komunikasyon ng Vatican, sa nasabing briefing na nakakamangha ang tibay at lakas ng pangangatawan ni Pope Leo.
"Wala akong dapat ikabahala (I would have no fear),” aniya.
"Malaki ang kumpiyansa ng kanyang mga doktor (His doctors are very confident),” dagdag niya.
MGA EKSPERTO, NAGSABING MABABA ANG PANGANIB NG KOMPLIKASYON SA KALUSUGAN NG SANTO PAPA
Sa kanyang paglalakbay mula Nobyembre 6 hanggang 17, inaasahang bibiyahe si Pope Leo nang humigit-kumulang 31,000 kilometro sa 10 lungsod at magbibigay ng 36 na talumpati.
Muling tiniyak ng Vatican nitong Martes na walang anumang pagbabago sa naunang itinerary ng biyahe, na kinabibilangan ng 12 biyahe sa eroplano at dalawang biyahe sa helicopter.
Sa Peru, bibisita ang Santo Papa sa Cusco, isang lungsod na matatagpuan sa kabundukan ng Andes, may taas na 3,399 metro mula sa lebel ng dagat. Sa ganitong kataas na lugar, maaaring makaranas ang mga biyahero ng altitude sickness o mangailangan ng karagdagang suplay ng oxygen.
Sinabi ng mga medical expert sa Reuters na ang pagpayag ng mga doktor ni Pope Leo na bumiyahe siya sakay ng eroplano ay nagpapahiwatig na mababa ang panganib ng komplikasyon mula sa kanyang operasyon. Ipinahihiwatig din nito na ganap nang lumawak muli ang kanyang inoperahang baga at naghihilom nang maayos ang mga sugat mula sa operasyon nang walang palatandaan ng impeksiyon.
"Sa palagay ko, hindi haharap si Pope Leo sa anumang partikular na panganib at hindi rin niya kailangang sumunod sa mga espesyal na pag-iingat para sa kanyang paglalakbay (I don't think the pope will face any particular risks or need to take any specific precautions for his trip),” saad ni Dr. Serena Ricciardi, espesyalista sa kanser sa baga sa San Camillo Forlanini Hospital sa Rome.
Sinabi naman ni Dr. Antonio Passaro, pinuno ng thoracic oncology sa European Institute of Oncology, isang ospital na nagsasagawa rin ng pananaliksik sa Milan, na ang isinagawang operasyon sa Santo Papa ay hindi naman mismo hadlang sa pagbiyahe sakay ng eroplano o sa muling paggawa ng mabibigat na aktibidad.
"Ang mahalagang isaalang-alang ay hindi lamang ang mismong operasyon kundi higit sa lahat ang kalidad ng paggaling at ang kakayahan ng katawan ng pasyente na kumilos nang normal (What matters is not only the procedure itself, but above all the quality of the recovery and the person's functional condition),” ayon kay Passaro.
Dahil sa masinsinang iskedyul ng paglalakbay, kabilang ang mga lugar sa Peru na mataas ang lokasyon, malamang na payuhan ng mga doktor si Pope Leo na maglaan ng oras para magpahinga at gumamit ng karagdagang oxygen kung kinakailangan, giit ni Passaro.
"Natural lamang na ang isang masalimuot na paglalakbay na may maraming biyahe sa eroplano at pananatili sa matataas na lugar ay nangangailangan ng ilang pag-iingat, lalo na pagdating sa sapat na suplay ng oxygen sa katawan, pamamahala sa pagkapagod, at paglalaan ng sapat na oras para magpahinga (Naturally, a complex trip involving numerous flights and time spent at high altitude requires certain precautions, particularly regarding oxygenation, fatigue management, and the need for adequate rest periods),” paliwanag niya.
-Ulat ni Joshua McElwee; Inedit ni Rod Nickel / Reuters

