Pope Leo, nanawagan para sa pagwawakas ng karahasan sa Yemen sa kauna-unahan niyang pampublikong talumpati matapos maoperahan
Isinalin ng Sari Story Network
October 26, 2026 at 1:28:28 AM
VATICAN CITY — Nanawagan si Pope Leo nitong Linggo na wakasan na ang karahasan sa Yemen. Iginiit niya ito sa kanyang mensahe sa mga mananampalataya mula sa bintana sa St. Peter’s Square, wala pang dalawang linggo matapos niyang sumailalim sa operasyon dahil sa lung cancer.
Sinabi ng 71-anyos na Santo Papa na partikular siyang nababahala sa humanitarian situation sa lungsod ng Taiz sa timog-kanlurang bahagi ng Yemen, kung saan nahihirapan ang mga residente dahil sa kakulangan ng pagkain, tubig at serbisyong medikal.
Kumaway at ngumiti ang Santo Papa sa mga taong nagtipon sa plasa matapos siyang makarating sa bintana nang walang tulong. Ito rin ang lugar kung saan inanunsyo niya noong Oktubre 11 na sasailalim siya sa operasyon upang alisin ang isang maliit na tumubo sa kanyang baga. Ito ang unang malaking pangamba sa kanyang kalusugan mula nang maging Santo Papa.
“Taos-puso akong nananawagan na itigil na ang labanan upang mamuhay nang mapayapa ang mga mamamayan ng Yemen at ng buong rehiyon (I'm making a heartfelt appeal for the hostilities to stop, so that the people in Yemen and across the entire region can live in peace),” pahayag niya sa matatag at malinaw na tinig.
Sinabi rin ng Santo Papa na ipinagdarasal niya ang mga nasawi at nasugatan sa “teroristang pag-atake laban sa mga mananampalatayang Orthodox” sa Hamoud Church sa Jordan nitong Biyernes.
“Kasama ko sa panalangin ang komunidad na iyon at ang buong bansa, na kilala sa mapayapa at magalang na pagsasama-sama ng mga taong may magkakaibang relihiyon (I'm close to that community and the entire country, which is known for the peaceful and respectful coexistence of different religions),” ani ng Santo Papa.
Hinimok din ni Pope Leo ang lahat na samahan sa panalangin ang isang pagtitipon ng mga lider ng iba't ibang relihiyon na layuning isulong ang kapayapaan. Gaganapin ito sa lungsod ng Assisi sa Italy sa Martes.
Dadalo sana dapat ang Santo Papa sa naturang pagtitipon, ngunit kinansela niya ang kanyang pagbisita sa payo ng mga doktor upang bigyang-daan ang kanyang paggaling, ayon sa Vatican nitong Biyernes.
Noong Oktubre 13, inalis sa pamamagitan ng operasyon ang ibabang bahagi ng kanang baga ng Santo Papa matapos siyang ma-diagnose na may adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng lung cancer.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng mga doktor na hindi na niya kailangan ng karagdagang therapy, na nagpapahiwatig na hindi kumalat ang kanyang tumor.

