top of page

Pope Leo, nakabalik na sa Vatican matapos operahan dahil sa kanser sa baga

Joshua McElwee / Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 18, 2026 at 7:53:47 AM

Larawan ni Pope Leo

Naglalakad si Pope Leo sa unahan ni Stefano Margaritora, ang pangunahing surgeon na nagsagawa ng kaniyang operasyon, habang palabas ng Gemelli Hospital matapos operahan sa baga at ma-diagnose na may kanser sa Rome, Italy, noong Oktubre 17, 2026.

REUTERS/Yara Nardi

ROME – Lumabas na sa ospital sa Rome si Pope Leo nitong Sabado ng hapon at bumalik sa Vatican, apat na araw matapos sumailalim sa operasyon dahil sa kanser sa baga.


Naglakad nang walang tulong ang 71-anyos na Santo Papa patungo sa naghihintay na sasakyan, at huminto pa upang makipag-usap sa mga bumati sa kaniya sa labas ng Gemelli Hospital sa Rome.


Nauna nang sinabi ng kaniyang mga doktor na maaari na siyang umuwi matapos isagawa ang pinakahuling pagsusuri sa dugo at pagkuha ng mga larawan ng kaniyang dibdib.


Inoperahan si Pope Leo noong Martes upang alisin ang ibabang bahagi ng kanang baga. Inaasahang muli siyang haharap sa publiko sa Linggo sa pangunguna niya sa lingguhang panalangin kasama ang mga peregrino sa St. Peter's Square, ganap na alas-12 ng tanghali (10 a.m. GMT).


Na-diagnose ang Santo Papa na may lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga.


Nagdulot ng pagkabigla ang naturang diagnosis, lalo't kilala ang Santo Papa na medyo bata pa at masigla, at nahalal lamang noong Mayo 2025. Nagbunsod din ito ng mga tanong tungkol sa magiging direksiyon ng kaniyang pamumuno bilang Santo Papa habang hinaharap ang karamdaman.


Ayon sa kaniyang mga doktor, matagumpay na naisagawa ang operasyon at walang naging komplikasyon.


Gayunman, hindi pa nila inilalantad ang laki ng tumor o kung kumalat na ang sakit sa mga kalapit na kulani (lymph nodes), na mahahalagang salik sa pagtukoy sa magiging lagay ng kaniyang kalusugan.


bottom of page