top of page

Pope Leo nagtungo sa Argentina ni Milei sa gitna ng tensiyon sa pagtitipid at digmaan sa Iran

Joshua McElwee / Leila Miller; Isinalin ng Sari Story Network

November 9, 2026 at 1:29:42 AM

Larawan ni Pope Leo

Kumakaway si Pope Leo sa kanyang pagdating upang dumalo sa isang prayer vigil sa Centenary Stadium, sa unang pagbisita ng isang papa sa Uruguay mula noong 1988. Bahagi ito ng kanyang 12-araw na paglalakbay sa South America. Kuha ang larawan sa Montevideo, Uruguay, noong Nobyembre 7, 2026.

REUTERS / Yara Nardi

MONTEVIDEO — Tutungo si Pope Leo sa Argentina sa Linggo, bilang ikalawang bahagi ng kanyang 12-araw na pagbisita sa South America. Inaasahang magbibigay ng talumpati ang kauna-unahang papa na isinilang sa Estados Unidos sa harap ni Argentine President Javier Milei, isang tagapagtaguyod ng libertarianismo na itinuturing na malapit na kaalyado ni Donald Trump.


Posibleng magbigay-diin ang talumpati sa mga tensiyon sa pagitan ng Vatican at ni Milei. Binatikos ng Simbahang Katolika ang programa ng pagtitipid ng pangulo dahil pinakamahirap na mamamayan ang higit na naaapektuhan nito. Mariin din namang sinuportahan ni Milei ang digmaan sa Iran, na binatikos ng Santo Papa at ikinagalit ni Trump.


Bahagi ang pagbisita sa Argentina ng ambisyosong paglilibot ni Pope Leo sa tatlong bansa na magtatapos sa Nobyembre 17. Galing siya sa Uruguay, kung saan hinimok niya ang mga bansa sa South America na sama-samang tugunan ang mga suliranin sa rehiyon at magpakita ng halimbawa sa kahalagahan ng matiyagang diplomasya sa halip na labanan.


Ang 71-anyos na papa, na nagsasagawa ng isa sa pinakamabibigat na paglalakbay sa ibang bansa ng isang pinuno ng Simbahang Katolika nitong nakalipas na mga dekada, ay sasailalim sa pagbisita wala pang isang buwan matapos operahan dahil sa kanser sa baga. Siya ang kauna-unahang pinuno ng Simbahang Katolika na bibisita sa Argentina mula noong 1987 at maglilibot sa apat na lungsod hanggang Miyerkules.


MASUSUSING SUSURIIN ANG TALUMPATI NG PAPA


Naging pangulo si Milei noong 2023 matapos ang ilang taong pamumuno ng mga Peronista. Nagsagawa siya ng kampanya gamit ang isang chainsaw bilang simbolo ng malawakang pagbabawas sa gastusin ng pamahalaan na ipinangako niyang ipatutupad upang maisaayos ang pananalapi ng bansa.


Karaniwang maingat at diplomatiko ang pananalita ni Pope Leo sa mga pamahalaang pambansa tuwing bumibisita siya sa ibang bansa. Gayunman, nitong mga nakaraang panahon ay naging mas matapang ang kanyang tinig sa pandaigdigang entablado, partikular sa pagpuna sa direksiyon ng pamumuno sa daigdig.


Hindi inaasahang direktang pupunahin ng papa si Milei sa pamamagitan ng pagbanggit sa kanyang pangalan. Gayunman, posibleng tumukoy siya sa mga patakaran ng pamahalaan o mga pandaigdigang pangyayari sa kanyang mga pahayag, na masusing susuriin ng mga tagamasid sa politika.


"Anumang pahayag ni Leo, lalo na tungkol sa kahirapan, mga limitasyon ng pamilihan o mapanghamong retorika sa politika, ay maaaring ituring na di-tuwirang pagpuna kay Milei at magpalakas sa umiiral na pagtutol sa mga hakbang ng pamahalaan (Any interventions by Leo, particularly on poverty, the limits of markets or confrontational political rhetoric, could be read as implicit criticism of Milei and amplify existing opposition to the government's approach)," ayon kay Nicolas Watson, managing director ng advisory firm na Teneo.


Ipinagtanggol ni Milei ang kanyang programa ng pagtitipid bilang tanging paraan upang makontrol ang inflation. Sa ilalim ng kanyang kampanyang pang-ekonomiya, bumaba ang taunang antas ng inflation mula sa mahigit 200 porsiyento tungo sa 33 porsiyento.


Gayunman, ipinakikita ng mga survey na bumaba ang kanyang popularidad bago ang halalan sa susunod na taon, habang nahaharap ang mga Argentine sa pagbabawas ng subsidiya, pagtatanggal ng mga kawani sa pampublikong sektor at pagsasara ng mga negosyo dahil sa paghihigpit ng badyet ng mga sambahayan.


BIBISITA ANG PAPA SA BILANGGUAN AT SENTRO PARA SA MGA TAONG MAY KAPANSANAN


Sa loob ng 18 buwan niyang panunungkulan bilang papa, mariing nagbabala si Pope Leo tungkol sa mga panganib ng artificial intelligence, hinimok ang mga pinuno sa buong mundo na makitungo nang mas makatao sa mga imigrante, at nanawagan ng pagkilos upang matugunan ang climate change. Dahil sa mga panawagang ito, nagkaroon siya ng mga hindi pagkakasundo kay Trump at iba pang mga pinuno.


Ayon kay Fortunato Mallimaci, isang sosyologo sa ahensiya ng pananaliksik na Conicet ng Argentina, magdudulot ng pagkakaisa at bagong sigla ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa sa mga mamamayang nakararamdam na hindi sila kabilang sa programang pang-ekonomiya ni Milei.


Kabilang sa mga nakatakdang puntahan ng Papa sa Argentina ang isang sentro ng pangangalaga para sa mga taong may kapansanan at isang bilangguan. Binibigyang-diin nito ang kanyang layuning bigyang-pansin ang mga grupong madalas na naisasantabi sa lipunan.


Ayon kay Jorge Silanes, direktor ng relihiyosong gawain sa Pequeño Cottolengo Don Orione care center na tatanggap sa Papa sa Lunes, higit na mahalaga ang pagbisita ni Pope Leo dahil nabawasan ang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga taong may kapansanan bunsod ng pagbabawas sa gastusin ng pamahalaan, habang nananatiling laganap ang kahirapan.


Kilala si Milei sa sunod-sunod na pang-iinsulto sa pinalitan ng Santo Papa na si Pope Francis, isang Argentinian na hindi na nakauwi sa kanyang bansa sa loob ng 12 taon niyang panunungkulan bilang Papa. Sa kabila ng pagtawag niya kay Francis na "isang hangal," kalaunan ay sinikap ni Milei na ayusin ang kanilang ugnayan at binisita ang yumaong papa sa Vatican.


"Walang mapapala si Milei sa pakikipag-away kay (Leo) (Milei doesn't win anything by fighting with (Leo))," ayon kay Veronica Gimenez Beliveau, isang sosyologo sa University of Buenos Aires.


Maaari aniyang makinabang si Milei kung maipakikita niya na maayos ang pamamalakad sa bansa at sa kanyang administrasyon.


Ulat nina Leila Miller at Joshua McElwee, may karagdagang ulat ni Lucila Sigal. Inedit nina Lucinda Elliott, Rod Nickel at Alistair Bell / Reuters.


bottom of page