Pope Leo, nagpaabot ng pakikiramay kay Cardinal Tagle sa pagpanaw ng kanyang ama
Sari Story
September 9, 2026 at 6:43:36 AM
MAYNILA — Nagpaabot ng pakikiramay si Pope Leo XIV kay Cardinal Luis Antonio Tagle at sa pamilya nito kasunod ng pagpanaw ng kanyang ama na si Manuel Tagle Sr.
Sa mensahe ng Santo Papa para sa Pilipinong kardinal nitong Martes, sinabi niyang labis niyang ikinalungkot ang pagpanaw ng ama ni Cardinal Tagle.
“Ipinapanalangin ko ang kanyang walang hanggang kapahingahan. Tinitiyak ko ang aking espirituwal na pakikiisa sa lahat ng nagluluksa sa kanyang pagpanaw, taglay ang tiyak na pag-asang nagmumula sa muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo (Praying for his eternal rest, I assure my spiritual closeness to all who mourn his loss in the sure hope which draws its strength from the resurrection of our Lord Jesus Christ,” sabi ng Santo Papa.
Nagpaabot din siya ng apostolic blessing kay Cardinal Tagle at sa lahat ng nagmamahal at nagpapanatili ng alaala ng kanyang ama, na isa aniyang pangako ng konsolasyon at kapayapaan para sa pamilya.
Pumanaw noong Linggo si Manuel Sr., na mas kilala bilang “Tatay Maning,” sa edad na 96.
Nasa Rome noon ang 69-anyos na kardinal nang pumanaw ang kanyang ama at humiling siya ng mga panalangin para sa walang hanggang kapahingahan nito. Nakauwi na sa Pilipinas si Cardinal Tagle.
Naiwan ni Manuel Sr. ang kanyang asawang si Milagros at mga anak na sina Luis Antonio at Manuel Jr.
Inanunsyo ng Diocese of Imus na hanggang ngayong Setyembre 9 ang burol at viewing sa Casas Hall sa Bishop’s House sa Imus. Isasagawa naman ang funeral Mass alas-10 ng umaga sa Setyembre 10 sa Imus Cathedral.
Si Cardinal Tagle ay kasalukuyang pro-prefect ng Dicastery for Evangelization sa Vatican. Bago ito, nagsilbi siya bilang Arsobispo ng Maynila.

