top of page

Pope Leo, muling sumakay sa popemobile matapos ang operasyon sa baga

Joshua McElwee/Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 21, 2026 at 12:28:50 PM

Larawan ni Pope Leo

Muling pinangunahan ni Pope Leo ang kanyang lingguhang pangkalahatang pagtitipon sa St. Peter’s Square sa Vatican noong Oktubre 21, 2026, matapos sumailalim sa operasyon sa kanyang kanser sa baga.

Yara Nardi/Reuters

Muling nagtungo si Pope Leo sa St. Peter’s Square nitong Miyerkules, kung saan kumaway siya sa mga peregrino at nagbasbas ng mga sanggol mula sa bukas na popemobile sa kanyang unang pangkalahatang pagtitipon sa Vatican mula nang sumailalim sa operasyon sa baga walong araw na ang nakalipas.


Nakatayo sa likurang bahagi ng sasakyan ang 71-anyos na Santo Papa, na nangakong unti-unting babalik sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo. Habang umiikot sa liwasan, kumaway siya, ngumiti at huminto upang makipag-usap sa mga peregrino.


Inalis sa operasyon noong Oktubre 13 ang ibabang bahagi ng kanang baga ni Leo. Na-diagnose din siya na may lung adenocarcinoma, na pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga.


Nagdulot ng pagkabigla ang diagnosis ng Santo Papa, na pinakabatang nahalal sa loob ng ilang dekada at nanungkulan lamang noong Mayo 2025. Nagtaas din ito ng mga tanong tungkol sa magiging direksyon ng kanyang pamumuno sa Simbahang Katolika.


Isinagawa ang pagtitipon nitong Miyerkules sa karaniwang ayos nito. Ito ang unang pangkalahatang pagtitipon na pinangunahan ng Santo Papa mula noong Oktubre 7. Nagsimulang dumating ang mga tao ilang oras bago ang nakatakdang pagsisimula nito bandang 9:45 ng umaga (0745 GMT), habang may mahinang ambon sa ilalim ng makulimlim na kalangitan at may mga dalang payong ang mga dumalo.


“Ang una kong nais sabihin sa inyo ay salamat sa inyong suporta at mga panalangin (The first thing I want to say to you is thank you for the support and prayers),” sinabi ni Leo sa kanyang pambungad na pananalita para sa 50-minutong pagtitipon. Hindi niya tuwirang binanggit ang kanyang kalagayan sa kalusugan.


“Salamat sa Diyos sa Kanyang pagkabukas-palad (Thanks be to God for his generosity),” sinabi ng Santo Papa sa malinaw na tinig habang naghiyawan ang mga tao sa liwasan. “Muli nating pagtibayin ang ating pagtitiwala sa kabutihan at awa ng Diyos (Let's renew our trust in the goodness and mercy of God)”.


HINDI PA TIYAK NA ISKEDYUL NG SANTO PAPA


Matapos umikot sa liwasan nitong Miyerkules, nagbigay si Leo ng sermon sa wikang Italyano. Ang tanging malaking pagbabago sa mga naunang pagtitipon ay ang pagbati niya sa iba pang wika. Pito lamang ang ginamit niya sa halip na siyam.


Ayon sa mga doktor ni Leo, matagumpay na naisagawa ang operasyon nang walang komplikasyon. Gayunman, hindi pa nila isiniwalat ang laki ng tumor o kung kumalat na ang sakit sa mga kalapit na kulani, na siyang mahahalagang salik sa magiging takbo ng kanyang paggaling.


Wala pang ibinigay na impormasyon ang Vatican tungkol sa iskedyul ni Leo lampas sa Miyerkules.


Nakatakdang bumisita ang Santo Papa sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17. Isa ito sa pinakamabibigat na iskedyul ng paglalakbay na inihanda para sa isang pinuno ng Simbahang Katolika sa loob ng ilang dekada, ngunit hindi pa malinaw kung matutuloy ito ayon sa plano.


Sinabi ng pangunahing siruhano ni Leo na maaari nang lubusang gumaling ang Santo Papa sa oras ng biyahe. Gayunman, ipinahiwatig ng kalihim ng estado ng Vatican na maaaring kailanganin niyang baguhin ang bilis at dalas ng kanyang mga gawain upang makatulong sa kanyang agarang paggaling.

bottom of page