Pope Leo, muling bibisita sa kinilalang tahanan sa South America tour
Reuters Marco Aquino; Isinalin ng Sari Story Network
October 28, 2026 at 9:24:40 AM
FILE PHOTO: Tanawin ng Plaza de Armas de Zana habang ginugunita ng mga Peruvian si Pope Leo bilang paring misyonero na tumulong sa pagpapakain sa mga pamilyang nagugutom, naghatid ng tulong matapos ang mga pagbaha, at nakasama ng mga refugee noong mga taon niya sa Peru, bago ang pagbisita niya sa Peru at iba pang bansa sa South America sa Nobyembre. Zana, lalawigan ng Chiclayo, Peru, Agosto 31, 2026.
Reuters / Angela Ponce
Sa paghahanda ni Pope Leo sa pagbabalik sa South America sa susunod na linggo, marami sa mga Peruvian ang nag-aalalaala sa kanya bilang paring tumulong magpakain sa mga pamilyang nagugutom, naghatid ng tulong matapos ang mga pagbaha, at nakibahagi sa buhay ng mga migrante sa bansang kalaunan ay itinuring niyang sariling tahanan.
Nang mawalan ng laman ang mga lansangan sa hilagang Peru dahil sa pandemya at hirap na hirap sa paghahanap ng makakain ang maraming tao dahil sa isa sa pinakamahabang quarantine sa mundo, tumulong si Bishop Robert Prevost, ang pangalang ginamit ni Leo noon, na magtatag ng isang kusinang pampakain noong 2020 sa maliit na bayan ng Zaña.
“Binigyan niya kami ng halimbawa ng pagkakawanggawang makatao, at naghanda kami ng ‘aguadito con fe’ (He gave us an example of human charity, and we prepared the 'aguadito con fe).” paggunita ni Betty Burga Campos, dating tagapagluto, na tumutukoy sa tradisyonal na sabaw na may kanin, karne at gulay na ipinamahagi ng mga boluntaryo.
Umalis si Prevost sa Peru patungong Roma makalipas ang tatlong taon matapos siyang italaga ni Pope Francis na mamuno sa tanggapan ng Vatican na nagrerekomenda ng mga kandidato para sa paghirang bilang mga obispo sa buong mundo.
Mula sa pagiging misyonero at obispo sa dulong hilaga ng Peru, naging kardinal si Leo at kalaunan ay papa. Sa edad na 71, nakatakda siyang bumalik sa bansang pinagkakakilanlan niya bilang mamamayan at kung saan niya nabuo ang ilan sa mga ugnayang humubog sa kanyang ministeryo, ilang linggo matapos sumailalim sa operasyon para sa kanser sa baga. Kinumpirma ng Vatican nitong Lunes na tuloy ang kanyang paglalakbay sa South America mula Nobyembre 6 hanggang 17.
Sa buong hilagang Peru, nagsasagawa ng pagkukumpuni sa mga simbahan ang mga pamahalaang panrehiyon, habang naghahanda naman ang mga residente ng mga pagdiriwang para sa kanyang pagbisita. Kabilang din sa kanyang biyahe ang mga naunang paghinto sa Uruguay at Argentina.
Para sa maraming Peruvian, hindi mga titulo sa Vatican ang pangunahing naaalala nila sa pinunong ipinanganak sa Chicago ng Simbahang Katolika, kundi ang kanyang mga botang putikan, mahahabang biyahe sa masungit na hilagang bahagi ng bansa at ang aktuwal na pagtulong niya sa mga tao.
“Para na siyang Peruvian, maging sa paraan ng kanyang pagsasalita. Halos wala na ang kanyang Amerikanong punto (He had become Peruvian, even in the way he spoke. He no longer had much of that American accent).” sabi ni José Manuel Zamora Romero, isang pari sa Lambayeque na maraming taon nang nakakakilala sa kanya.
Ayon sa Pew Research Center, bumaba mula 76% tungo sa 67% ang bahagi ng mga nasa hustong gulang sa Peru na kinikilala ang kanilang sarili bilang Katoliko sa loob ng dekada hanggang 2024. Madalas iugnay ang pagbaba nito sa mga pagbabago sa lipunan at kawalan ng tiwala sa mga institusyon, kasunod ng mga taon ng kawalang-katatagang pampulitika na nagbunsod sa Peru na magkaroon ng siyam na pangulo sa loob ng isang dekada.
ISANG OBISPONG LAGING NASA BIYAHE
Dumating si Prevost sa Peru noong 1985 sa edad na 30. Matapos ang ilang taong pananatili sa Estados Unidos at Roma kasama ang kanyang orden na Augustinian, bumalik siya sa Peru noong 2014 at naging obispo ng lungsod ng Chiclayo noong 2015. Noong 2023, ipinatawag siya ni Pope Francis sa Vatican. Ginawa siyang kardinal ni Francis sa huling bahagi ng taong iyon, at nahalal siyang papa noong 2025.
Sa buong sona ng mga sakahan sa hilagang Peru na nasisikatan ng matinding sikat ng araw, naaalala ng mga residente at pari ang isang lingkod ng Simbahang laging kumikilos at naglalakbay.
Para sa magiging papa, “hindi hadlang ang mga distansiya; mga pagkakataon ang mga ito (the distances were not limits, the distances were opportunities),” ayon kay David Farfán, isang pari sa Zaña, na kabilang sa mga bayang bibisitahin ng papa.
Marami ang nakaaalala kay Prevost na nakasakay sa kabayo patungo sa mga liblib na komunidad sa Andes. Naalala naman ng iba ang pagmamaneho niya mismo nang daan-daang kilometro sa masungit na hilagang bahagi ng Peru.
“Ang libangan niya ay magmaneho (His hobby was driving),” sabi ni Zamora Romero. “At alam kong tinuruan niyang magmaneho ang ilang pari para makakuha sila ng lisensiya... at lahat sila ay pumasa sa pagsusulit (And I know he taught some priests to drive so they could get their licenses ... and they all passed the test).”
Lalong nakita ang praktikal niyang paraan ng pagtulong tuwing may mga krisis.
Nang lumubog sa baha ang hilagang Peru noong 2023 dahil sa matinding pagbaha na iniugnay sa penomenong pangklimang El Niño, kumalat sa social media ang mga larawan ni Prevost na lumulusong sa tubig na hanggang tuhod, suot ang botang goma, habang tumutulong sa paghahatid ng ayuda.
Kapag may mga likas na sakuna, “nasa unahan siya upang maihatid ang tulong na kailangan ng mga mamamayan (he was on the front lines to bring the help that the population needed).” sabi ni Rev. Jorge Villegas ng Chiclayo, kung saan gugugol ang papa ng dalawang buong araw.
Itinuro ng mga residente ang mga ganitong pangyayari bilang patunay na mas pinipili ng obispo ang pagkilos kaysa ang pagpapakita sa publiko.
“Hindi siya masyadong nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa media; mas kasama niya ang mga mahihirap at ang mga nasa gitna ng mga tunggaliang panlipunan (He wasn't very focused on being with the press; he was more with the poor and in social conflicts).”sabi ni Verónica Castillo, isang mamamahayag sa Chiclayo na nakasaksi sa pakikialam ni Prevost sa isang sigalot sa paggawa noong 2015.
“Isa siyang obispong nakikialam at kumikilos, at iyon ang naaalala ng mga tao (He was a bishop who intervened, who took action, and people remember that).” dagdag niya. Naalala niya kung paano tumulong si Prevost na mamagitan sa matagal na protesta ng mga manggagawa laban sa isang kompanya ng asukal na nauwi sa karahasan.
‘INAUNAWA ANG KALAGAYAN NG ISANG MIGRANTE’
Binago ng migrasyon ang malaking bahagi ng Latin America sa nakalipas na dekada, habang milyon-milyong Venezuelan ang tumakas mula sa pagbagsak ng ekonomiya at kaguluhang pampulitika. Tahanan ng ikalawang pinakamalaking komunidad ng mga Venezuelan migrant sa mundo ang Peru, na may mahigit 1.5 milyong migrante. Marami sa kanila ang dumating nang walang wastong dokumento at limitado ang access sa serbisyong pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.
Nagtatag si Prevost ng isang organisasyong Katoliko sa Chiclayo noong 2018 upang tumulong sa mga bagong dating.
“Una sa lahat, inilagay niya ang sarili niya sa kalagayan ng isang migrante at alam niya kung ano ang pinagdaraanan ng mga ito (He put himself in the shoes of a migrant first and foremost and knew what the situation was like).” sabi ni Augusto Martínez, na namumuno sa organisasyon.
Nakatulong na ang grupo sa libu-libong Venezuelan.
Bilang papa, nanawagan si Leo na tratuhin nang may dignidad ang mga migrante, kinondena ang human trafficking at binalaan ang mga trafficker na magsisi o harapin ang hatol ng Diyos. Pinuna rin niya ang mga patakarang laban sa imigrasyon, kabilang ang mga hakbang na isinusulong ni US President Donald Trump.
“Tumulong siya sa mga migrante upang magkaroon sila ng marangal na buhay dito sa Peru (He supported migrants on how to have a dignified life here in Peru).” sabi ni Lisbeth Coromoto Díaz, na nakatanggap ng tulong mula sa organisasyon sa Chiclayo. Ayon sa kanya, nagdaraos din si Prevost ng mga misa bilang parangal sa mga migrante.
Muling umusbong ang pag-asa ng mga Katoliko sa Eten, malapit sa Chiclayo, sa nakatakdang pagbabalik ni Leo sa Peru. Umaasa silang maisusulong niya ang matagal nang kampanya upang kilalanin ng Vatican ang iniulat na himalang Eukaristiko sa bayan.
Noong obispo pa siya, sinuportahan niya ang kampanya at nagharap sa Roma ng mga makasaysayang tala at libu-libong salaysay ng pananampalataya na may kaugnayan sa isang pagpapakita noong 1649. Ayon sa mga deboto, lumitaw ang larawan ng Batang Hesus sa isang ostiyang itinalaga para sa Eukaristiya.
Isinusulong ng mga opisyal ng turismo ang mga rutang kaugnay ng mga lugar kung saan nanirahan at nagtrabaho si Leo. Samantala, naglalagay naman ang mga tindahan ng souvenir ng mga sombrero, key chain at pin na may temang papa.
Sa isang tindahan sa distrito ng Gamarra, sentro ng industriya ng tela sa kabisera ng Lima, makikita sa isang T-shirt ang larawan ni Leo na nakangiti habang kumakain ng pagkaing Peruvian.
“Mayroon kaming larawan ng papa na masigla; mayroon ding papa na mahilig sa pagkain, na nasisiyahan sa masarap na ceviche at inihaw na manok. Mayroon pa kaming paglalaro sa mga salita: ‘Ang Papa at ang papa (patatas) ay Peruvian (We've got the pope looking spirited; we've got the pope as a foodie, enjoying delicious ceviche and rotisserie chicken. We even have the play on words: 'The Pope and the papa (potato) are Peruvian),” pagbababagi ni Victoria Quiñones, isang gumagawa ng damit.
Inaasahan ni Quiñones na tataas nang 200% ang kanyang trabaho at sinabi niyang paubos na ang kanyang tela para sa mga T-shirt.
Sa malapit na lugar, namimili naman ng mga T-shirt na may larawan ng papa si Maria Rodriguez, 70.
“Bibili ako ng ilan (I’m buying several),” sabi ni Rodriguez.
“Isusuot ko ang mga ito sa buong Nobyembre dahil Katoliko ako: Romano at Peruvian (I’ll be wearing them all through November because I am Catholic: Roman and Peruvian)."dagdag niya.

