top of page

Pope Leo, hindi na nangangailangan ng karagdagang gamutan para sa kanser, ayon sa mga doktor

Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 22, 2026 at 10:29:15 AM

Larawan ni Pope Leo

Binabati ni Pope Leo ang mga mananampalataya sa kanyang pagdating sa St. Peter’s Square sa Vatican noong Oktubre 21, 2026, upang pangunahan ang kanyang unang lingguhang pangkalahatang pagtitipon mula nang sumailalim sa operasyon dahil sa kanser.

Reuters / Yara Nardi

VATICAN CITY — Hindi na mangangailangan ng karagdagang gamutan si Pope Leo matapos sumailalim sa operasyon sa baga dahil sa kanser noong nakaraang linggo, ayon sa kanyang mga doktor nitong Miyerkules. Ipinahihiwatig nito na hindi kumalat ang kanyang tumor sa ibang bahagi ng katawan.


Gayunman, hindi pa malinaw kung matutuloy ang plano na pagbisita ng Santo Papa na ipinanganak sa Estados Unidos sa Uruguay, Argentina, at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17.


Inalis sa pamamagitan ng operasyon noong Oktubre 13 ang ibabang bahagi ng kanang baga ng 71-anyos na Santo Papa. Na-diagnose siya na may lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga.


Ayon sa pahayag ng mga doktor na inilabas ng Vatican, kinumpirma ng mga huling pagsusuri sa histolohiya at mga pagsusuri sa molecular biology sa tinanggal na tisyu ang diagnosis. Nanatiling lokal o limitado sa isang bahagi ng katawan ang sakit.


“Kinumpirma ng kasunod na pagsusuri para sa kanser na hindi na kailangan ng karagdagang gamutan (A subsequent oncological evaluation has confirmed that no further therapy is required),” pahayag ng pangunahing surgeon ng Santo Papa na si Stefano Margaritora at ng kanyang personal na doktor na si Luigi Carbone.


Pinalabas na ng ospital si Pope Leo noong Sabado at unti-unti na niyang ipinagpapatuloy ang kanyang mga karaniwang tungkulin. Nitong Miyerkules, muli siyang nagtungo sa St. Peter’s Square para sa lingguhang pagtitipon kasama ang mga peregrino.


Inihayag ni Margaritora noong nakaraang linggo na walang klinikal na dahilan upang pigilan ang Santo Papa na maglakbay patungong Timog Amerika. Gayunman, ipinahiwatig ng kalihim ng estado ng Vatican na maaaring kailanganin ng Santo Papa na baguhin ang bilis at daloy ng kanyang mga nakatakdang gawain upang makatulong sa kanyang paggaling



bottom of page