Pope Leo, binuksan ang pagpupulong sa Vatican ukol sa muling pag-aasawa at gay Catholics
Sandra Samala-Salem
October 8, 2026 at 10:02:33 AM
Hinimok ni Pope Leo ang tinatayang 150 obispo mula sa iba’t ibang panig ng mundo na humanap ng “mga panibagong paraan (renewed ways)” upang matulungan ang mga modernong pamilya, sa pagsisimula ng isang linggong pagpupulong sa Vatican, ang pinakamalaking pagtitipon ng mga lider ng Simbahan na kanyang pinangunahan sa ngayon.
Magtatapos sa Oktubre 14 ang pagpupulong na nakatuon sa mga turo ng Simbahang Katolika tungkol sa buhay-pamilya. Inaasahang mapag-uusapan dito ang mga sensitibong usapin tulad ng pagtrato ng Simbahan sa mga miyembro ng LGBT at mga diborsyado na muling nag-asawa, bagama’t hindi pormal na kasama sa agenda ang mga ito.
Hiniling ni Leo na “bigyan tayo ng Diyos ng kalayaang makinig sa isa’t isa, karunungan upang makilala ang kanyang pagkilos sa kanyang mga nasasakupan, at tapang na sundan kung saan niya tayo inaakay (give us the freedom to listen to one another, the wisdom to recognise his work among his people, and the courage to follow where he leads us).”
Ipinatawag ng papa ang pagpupulong kasama ang mga pangulo ng mga Catholic bishops’ conference sa iba’t ibang panig ng mundo upang gunitain ang ika-10 anibersaryo ng isang mahalagang dokumentong inilabas noong 2016 ng kanyang yumaong hinalinhan na si Pope Francis.
Ang dokumentong pinamagatang “Amoris Laetitia” (The Joy of Love) ay nanawagan sa Simbahan na maging hindi gaanong mahigpit at higit na mahabagin sa mga “hindi perpektong (imperfect)” Katoliko, kabilang ang mga diborsyado na muling nag-asawa.
Sa ilalim ng kasalukuyang turo ng Simbahan, hindi maaaring tumanggap ng komunyon ang mga Katolikong muling nag-asawa maliban kung iiwas sila sa pakikipagtalik sa kanilang bagong asawa, dahil itinuturing pa ring balido ng Simbahan ang una nilang kasal.
Nagbigay si Francis ng posibilidad na makatanggap ng komunyon ang mga muling nag-asawa nang sabihin niya sa isang footnote ng dokumentong inilabas noong 2016 na maaari silang tumanggap ng “tulong ng mga sakramento (the help of the sacraments),” ngunit hindi siya naglatag ng malinaw at unibersal na patakaran para sa buong Simbahang Katolika.
Hindi tahasang binanggit ni Leo ang usapin sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, ngunit sinabi niyang kailangang “kilalanin ng Simbahan ang gawain ng biyaya kahit sa mga sitwasyong may mga limitasyon, sugat at tila kabiguan (recognise the work of grace even in situations marked by limits, wounds and apparent failure).”
Lumahok sa pagpupulong ang mga obispo mula sa mahigit 115 bansa, kabilang ang dalawang obispo mula sa China, na nakipagkasundo kay Francis noong 2018 sa isang kontrobersyal na kasunduan na nagbigay-daan sa normalisasyon ng pagtatalaga ng mga Catholic bishop sa bansa matapos ang ilang dekadang tensyon.
Kasama rin sa pagpupulong ang 11 lay Catholic couples na inaasahang magbabahagi ng kanilang mga karanasan sa buhay.

