Pope Leo, bibiyahe patungong France sa gitna ng kinahaharap na krisis sa pang-aabuso ng Simbahang Katolika
Sari Story
September 23, 2026 at 2:40:43 AM
Nakatakdang bumiyahe patungong France si Pope Leo sa Biyernes para sa kanyang unang pormal na pagbisita bilang Santo Papa sa bansa, at unang pagbisita roon ng isang papa sa loob ng halos 20 taon. Umaasa ang mga lider ng Simbahang Katolika na makatutulong ito upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Simbahan matapos ang isang mapanuring ulat noong 2021 tungkol sa pang-aabuso sa mga bata ng mga paring Katoliko na nagdulot ng matinding pagkabigla sa buong bansa.
Makikipagkita si Pope Leo sa mga nakaligtas sa pang-aabuso sa loob ng kanyang apat na araw na pagbisita. Inaasahan din ang pagdagsa ng maraming tao sa isang outdoor Mass sa gitnang Paris, bukod sa mga pakikipagpulong at talumpati niya sa mga lider ng France, United Nations at European Union sa kanyang pagbisita sa tatlong lungsod.
“Nagdulot ng napakalaking interes ang pagbisita ni Pope Leo sa France (Pope Leo's visit to France has sparked a real tidal wave of interest),” sabi ni retired French Bishop Marc Stenger sa Reuters.
Aabot aniya sa 600,000 katao ang nagparehistro upang dumalo sa outdoor Mass sa Sabado, malapit sa tanyag na Avenue des Champs-Élysées sa Paris.
“Malinaw na sinasabi ng mga French Catholic na kailangan ng Simbahan na mahanap ang tamang direksiyon nito sa gitna ng mga hindi katiyakang kinakaharap ng mundo ngayon (French Catholics are ... saying loudly that they need the Church to find their way in these uncertain moments in world history),” dagdag pa ni Stenger kaugnay sa dami ng nagparehistro.
MALAKI ANG POSIBILIDAD NA TALAKAYIN NI POPE LEO ANG AI
Kasama sa agenda ni Pope Leo sa Paris ang mga talumpati sa harap ni French President Emmanuel Macron at iba pang lider ng France sa Élysée Palace, gayundin ang pakikipag-usap sa mga kawani ng UNESCO o United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization. Nahaharap ang UNESCO sa kakulangan sa pondo matapos bawiin ni US President Donald Trump ang suporta ng Estados Unidos sa ahensya noong 2025.
Naging sentro ng batikos ni Trump ang kauna-unahang American pope noong unang bahagi ng taon matapos punahin ni Leo ang digmaan sa Iran.
Noong Mayo, naglabas si Pope Leo ng isang mariing manifesto na nagbabala sa mga panganib ng artificial intelligence o AI at nanawagan para sa pandaigdigang regulasyon sa industriya. Inaasahang tatalakayin niya ang isyu sa kanyang pagharap sa UNESCO.
Ayon kay Matteo Bruni, tagapagsalita ng Vatican, malamang na muling igiit ng Santo Papa ang panawagan para sa pagpapabagal sa pag-unlad ng AI at talakayin ang epekto nito sa pagkatao.
Pangungunahan din ni Pope Leo ang isang prayer service sa Paris sa kasasaayos lang na Notre-Dame Cathedral. Ito ang magiging unang pagbisita ng isang papa sa katedral mula nang muntik itong tuluyang mawasak ng isang malaking sunog noong 2019.
Bukod sa Paris, kasama sa itinerary ni Pope Leo ang pagbisita sa tanyag na Catholic shrine sa Lourdes, sa timog-kanlurang bahagi ng France. Magtatapos ang kanyang paglalakbay sa Metz, isang lungsod malapit sa hangganan ng Germany na dating tahanan ni Robert Schuman, isa sa mga tagapagtatag ng European Union. Magbibigay si Pope Leo roon ng talumpati tungkol sa “mga ugat ng Europa para sa kapayapaan at pagkakaisa.”
Ayon kay Cardinal Jean-Claude Hollerich, arsobispo ng Luxembourg at dating lider ng komisyon ng Simbahan para sa mga obispo ng EU, mananawagan si Pope Leo sa mga lider ng Europe na maging patuloy at masigasig na tagapagtaguyod ng kapayapaan.
Sinabi ni Charles Personnaz, ambassador ng France sa Vatican, na inimbitahan ni Macron ang mga lider mula sa lahat ng 27 miyembrong bansa ng EU na dumalo sa talumpati sa Metz.
Gayunman, hindi malinaw kung ilan ang makadadalo dahil kasabay nito ang pagpupulong ng UN General Assembly sa New York.
Posible ring dumalo si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy, ayon sa mga ulat ng media. Pero hindi agad tumugon ang tanggapan ni Zelenskiy sa kahilingan para sa komento.
SIMBAHAN, “MALUBHANG NASUGATAN” DAHIL SA MGA ISKANDALO SA PANG-AABUSO
Makikipagkita si Pope Leo sa pitong nakaligtas sa pang-aabuso ng mga miyembro ng Catholic clergy sa Lourdes sa Linggo, ayon sa ilan sa mga survivor na kasali sa isang pahayag sa media.
Karaniwang naglalabas lamang ang Vatican ng impormasyon tungkol sa pakikipagkita ng Santo Papa sa mga biktima ng pang-aabuso pagkatapos ng naturang pagpupulong. Wala pa itong ibinigay na karagdagang detalye tungkol sa gagawing pagkikita.
Ayon sa isang ulat noong 2021, tinatayang 330,000 batang French ang nakaranas ng pang-aabuso mula sa mga miyembro ng Catholic clergy at mga lay leader sa loob ng pitong dekada.
Katulad ng mga ulat sa United States, Spain at Portugal, sinabi sa ulat na nagpakita umano ang Simbahan ng malalim, ganap at malupit na pagbalewala sa mga biktima.
Simula noon, nagpatupad ang mga French bishop ng mga hakbang para sa kompensasyon at proteksiyon sa mga posibleng biktima. Gayunman, patuloy na nananawagan ang mga survivor sa mga lider ng Simbahan na magpakita ng pananagutan.
Sinabi ni Stenger, na namuno sa Diocese of Troyes mula 1999 hanggang 2020, na ang mga iskandalo sa pang-aabuso ay nagdulot ng matinding pinsala sa Simbahan at sa kredibilidad nito.
LOURDES, MAY KONEKSIYON SA ISANG PARING INAKUSAHAN
Ibinahagi ng isang mataas na opisyal ng Vatican na hiniling ni Pope Leo na ang pagpupulong sa Lourdes ay isagawa bilang isang dayalogo at isama rito ang mga survivor mula sa iba't ibang sitwasyon, kabilang na ang mga taong nakaranas ng pang-aabuso noong sila ay nasa hustong gulang na, gayundin ang mga survivor mula sa iba't ibang bahagi ng France.
Ang Lourdes, isa sa pinakadinadayong Catholic pilgrimage sites sa mundo, ay konektado sa isang iskandalong patuloy na kinakaharap ng Vatican nitong mga nakaraang taon. Matatagpuan sa shrine na ito ang serye ng mga mosaic na ginawa ni Rev. Marko Rupnik, isang kilalang pari at artist na may koneksiyon sa Vatican at inakusahan ng sexual abuse.
Mahigit 20 babae ang nag-akusa kay Rupnik, bagama’t wala siyang pampublikong pahayag tungkol sa mga paratang. Kasalukuyan siyang sumasailalim sa canonical trial o proseso ng paglilitis sa ilalim ng batas ng Simbahang Katolika sa Vatican.
Noong Agosto, sinabi ni Lourdes Bishop Jean-Marc Micas na ipinag-utos niyang takpan ang mga mosaic para sa pagbisita ni Pope Leo.

