Pope, inaprubahan si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang kauna-unahang Asyanong dekano ng mga kardinal ng Simbahang Katolika
Sandra Samala-Salem
October 9, 2026 at 10:56:59 AM
VATICAN — Inaprubahan ni Pope Leo XIV ang pagkakahalal kay Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle bilang dekano ng College of Cardinals ng Simbahang Katolika, ayon sa Vatican nitong Biyernes. Si Tagle ang kauna-unahang Asyanong klerigo na mamumuno sa naturang grupo ng matataas na opisyal ng Simbahan na siyang pipili sa susunod na Santo Papa.
Dating arsobispo ng Maynila si Tagle at nagsisilbi bilang matataas na opisyal ng Vatican mula pa noong 2020. Kabilang siya sa mga itinuturing na posibleng kandidato sa pagka-papa noong conclave noong Mayo 2025, kung saan nahalal si Leo bilang pinuno ng Simbahan kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.
Papalitan ng 69-anyos na si Tagle si Italian Cardinal Giovanni Battista Re, 92, na magreretiro na sa nasabing tungkulin.
Sa edad na 71, itinuturing na medyo bata si Pope Leo XIV para sa isang Santo Papa. Mahilig din siya sa sports at nasa mabuting kalagayan ng kalusugan.
Itinuturing na “first among equals” ang dekano ng College of Cardinals sa hanay ng pinakamataas na opisyal ng Simbahan. Siya ang nangangasiwa sa lihim na proseso ng conclave na ginaganap sa Sistine Chapel, kung saan inihahalal ang bagong Santo Papa kapag namatay o nagbitiw sa tungkulin ang kasalukuyang pinuno ng Simbahan.
Inihahalal ng kapwa kardinal at inaaprubahan ng Santo Papa ang dekano, na may limang taong termino at maaaring muling mahalal nang isang beses, alinsunod sa batas ng Simbahan. Kadalasang mga Europeo ang humahawak sa posisyon, ngunit nagsilbi rin dito ang yumaong Beninese Cardinal Bernardin Gantin mula 1993 hanggang 2002.
Itinuturing na malapit na kaalyado ni Pope Francis si Tagle. Kilala rin siya sa kanyang palagiang ngiti at tinatawag kung minsan sa palayaw na “Chito.” Pinamumunuan niya ang Dicastery for Evangelization ng Vatican, ang tanggapang nangangasiwa sa gawaing misyonero ng Simbahang Katolika.

