top of page

Poland, nagluluksa para sa mga biktima ng pamamaril sa Krakow kasabay ng tumitinding pangamba sa seguridad

Fedja Grulovic / Kacper Pempel / Jakub Porzycki; Isinalin ng Sari Story Network

November 9, 2026 at 5:27:17 AM

Larawan ng mga kandila at bulaklak

Inilagay ang mga kandila at bulaklak malapit sa main market square, kasunod ng malawakang pamamaril sa Krakow, Poland, noong Nobyembre 8, 2026.

REUTERS / Jakub Porzycki

KRAKOW—Sinimulan  ng Poland nitong Linggo ang dalawang araw na pambansang pagluluksa, na sinabayan din ng pagpapaigting ng mga pulis ng seguridad, matapos masawi ang anim na indibidwal sa malawakang pamamaril sa Krakow. Ayon sa pamahalaan, posibleng naimpluwensiyahan ng far-right ideology ang suspek.


Nagdulot ng matinding pagkabigla sa publiko ang pag-atake noong Sabado sa makasaysayang main square ng lungsod. Ipinagmamalaki ng Poland na mas ligtas ito kaysa sa maraming karatig-bansa nito sa Kanlurang Europa. Lalo pang tumindi ang pangamba ng publiko matapos ang sunod-sunod na pananaksak sa mga paaralan noong Oktubre na iniugnay ng mga opisyal sa mga extremist content online.


Labing-anim na katao ang nasugatan sa pag-atake. Kabilang diyan ang dalawang pulis at ang hinihinalang salarin na isang 24-anyos na lalaking Polish, na ngayo’y nasa kritikal pa ring kondisyon sa ospital, ayon sa mga lokal na awtoridad.


Kabilang ang lumang bayan ng Krakow sa UNESCO World Heritage Site at dinarayo ito ng mga turista mula sa iba't ibang panig ng mundo. Ilang dayuhan din ang kabilang sa mga nasawi at nasugatan. Kinilala ang isa sa mga nasawi bilang isang British citizen, habang lima pang dayuhan mula Austria, Germany, Portugal, Russia at Britain ang kabilang sa mga nasugatan.


TATLONG KATAWAN AT MGA BARIL, NATAGPUAN SA TAHANAN NG SUSPEK


Sa bayang kinalakhan ng suspek na Ostrowiec Swietokrzyski, may layong humigit-kumulang 200 kilometro (124 milya) sa hilaga ng Krakow, natagpuan kalaunan ng mga pulis ang mga bangkay ng kaniyang mga magulang at kapatid na babae sa kanilang tahanan.


Sinabi ni Daniel Prokopowicz, tagapagsalita ng Tanggapan ng Tagausig, na malaki ang posibilidad na iisang tao ang nasa likod ng mga pagpatay sa Ostrowiec Swietokrzyski at Krakow, ngunit nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.


May mga tama ng bala ang mga bangkay. Narekober din sa bahay ang pitong baril at maraming bala, dagdag ni Prokopowicz.


“Kapag pinagsama-sama ang mga natuklasan sa iba pang lugar sa Krakow, umabot na sa 11 ang kabuuang bilang ng mga baril. Alinsunod ito sa aming mga tala tungkol sa bilang ng mga armas na nabigyan ng mga permit, kapwa sa suspek at sa kaniyang ama (When combined with findings made elsewhere in Krakow, this brings the total to 11 firearms - which aligns with our records regarding the number of weapons for which permits had been issued, both to the perpetrator and his father),” aniya.


ISINARA ANG MGA KALSADA KASABAY NG PAG-IIWAN NG MGA KANDILA NG MGA NAGLULUKSA


Sa Krakow, nanatiling sarado ang main market square ng lumang bayan at ang mga nakapaligid na kalsada. Tanging mga manggagawang may mahahalagang tungkulin ang pinayagang makadaan ng mga pulis. Marami ring kalapit na cafe ang nagsara, habang nakababa sa kalahati ng poste ang mga watawat sa city hall. Nag-iwan naman ng mga kandila ang mga nagluluksa sa ilang bahagi ng lugar.


Pansamantalang sinuspinde nang 12 oras ang tradisyonal na pagtugtog ng trumpeta kada oras mula sa St. Mary's Church na matatagpuan sa liwasan, bilang paggunita sa mga nasawi. Iniulat ng state news agency na PAP na ito ang unang pagkakataong nangyari ito mula noong 1939.


Sa kabisera ng Warsaw, sinabi ng mga pulis noong Sabado na pinaigting nila ang mga hakbang sa seguridad sa mga mataong lugar na dinarayo ng mga turista. Naglagay rin ng mga harang sa mga kalsadang patungo sa Krakowskie Przedmiescie, isang lansangan sa makasaysayang sentro ng kabisera.


MGA PAG-ATAKE, NAGPAPATINDI SA PANGAMBA SA SEGURIDAD


Sa Krakow, nagpahayag ng pagkabigla ang mga residente at turista nitong Linggo.


“Napakasakit nito para sa akin dahil nangyari ito sa Poland, gayong hindi pa kailanman nangyari rito ang ganito... Sa palagay ko, maaaring magsimula na ito ng isang bagong panahon sa aking bansa (This is terrible for me, that [this] can happen in Poland because it's never happened like this in Poland... I think that this can be a new era in my country),” sabi ng residente na si Witold Slowikowski.


Sa Warsaw, sinabi naman ni Maria, isang 20-anyos na empleyado ng cafe, na halos maiyak siya nang mabalitaan ang pamamaril.


“Talagang naaapektuhan ng mga pangyayari kamakailan—hindi lamang ang insidenteng ito kundi pati ang iba pang nangyari nitong mga nakaraang panahon—ang pakiramdam natin sa seguridad (Recent events - not just this one, but things happening lately - are really affecting our sense of security),” aniya.


Sa isang editoryal, sinabi ng pangunahing pahayagang Rzeczpospolita na tuluyan nang winakasan ng malawakang pamamaril ang panahon kung kailan itinuturing ang Poland na isang ligtas na kanlungan.


Pinuri naman ng mga opisyal at mamamayan ang pagkilos ng mga pulis na nakahuli sa suspek matapos ang palitan ng putok sa malapitan.


Naglabas ang pulisya ng agarang panawagan para sa donasyon ng dugo para sa isa sa dalawang nasugatang pulis na nakikipaglaban para sa kaniyang buhay sa ospital.


“Tunay na mga bayani sina Senior Constable Jakub Kulik at Senior Constable Artur Moranski. Malamang na marami silang nailigtas na buhay nang hindi inaalintana ang panganib sa kanilang sarili (Senior Constable Jakub Kulik and Senior Constable Artur Moranski are true heroes. They likely saved many human lives, disregarding the risk to their own),” pahayag ni Prime Minister Donald Tusk noong Sabado sa isang post sa X.


Pag-uulat nina Jakub Porzycki sa Krakow, Kacper Pempel sa Ostrowiec Swietokrzyski, Karol Badohal at Marek Strzelecki sa Warsaw; Pagsulat ni Alan Charlish; Pag-eedit nina Helen Popper / Reuters


bottom of page