top of page

PNP, pinaigting ang pagbabantay laban sa krimen sa gitna ng paghina ng piso

RA Sibag / Paraluman News with Philippine Information Agency; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 29, 2026 at 11:21:18 AM

Larawan ng mga pulis

Mga pulis na pumila sa seremonya ng pagtataas ng watawat noong Lunes sa Pambansang Punong-himpilan ng PNP sa Camp Crame, Quezon City, na pinangunahan ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. noong Oktubre 26, 2026.

Facebook / Philippine National Police

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga operasyon ukol sa pangangalap ng impormasyon at pagpapatrolya sa mga komunidad habang patuloy na humihina ang piso laban sa dolyar ng Estados Unidos, na nagdudulot ng pangamba sa posibleng pagtaas ng mga krimeng may kaugnayan sa kalagayang pang-ekonomiya.


Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan ang mga yunit ng pulisya sa buong bansa na mahigpit na subaybayan at agad na tumugon sa mga insidente ng pagnanakaw, panghoholdap, pandaraya at scam na maaaring mangyari sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa ekonomiya.


Kasunod ito ng pagbagsak ng piso sa rekord na ₱64.17 kada dolyar ng Estados Unidos, na nagdudulot ng pangamba sa pagtaas ng presyo ng mga inaangkat na produkto at gastusin ng mga sambahayan.


“Bagama't ang mga awtoridad sa pananalapi ang namamahala sa mga pagbabago sa ekonomiya, aktibong sinusubaybayan ng PNP ang mga uri ng krimeng nagaganap sa mga lansangan upang maiwasan ang mga krimeng sinasamantala ang paghihirap sa pananalapi (While economic fluctuations are managed by our financial authorities, the PNP actively monitors street-level crime trends to prevent opportunistic offenses driven by financial strain),” pahayag ni Nartatez.


Dagdag niya, layunin ng pinaigting na mga hakbang sa seguridad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at gabay ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na protektahan ang mga mamimili at maliliit na negosyo, gayundin na maiwasang mauwi sa pangamba o kaguluhan ng publiko ang mga alalahaning pang-ekonomiya.


“Pinaigting namin ang mga operasyong paniktik at pagpapatrolya sa mga komunidad sa mga lugar na higit na nanganganib upang maprotektahan ang mga mamimili at may-ari ng maliliit na negosyo laban sa mga krimeng may kaugnayan sa kalagayang pang-ekonomiya, gaya ng pagnanakaw at mga scam (We are tightening intelligence and community patrols in vulnerable areas to protect consumers and small business owners from economic-related crimes like theft or scams), dagdag niya.


bottom of page