PNP pinaigting ang gun safety drive matapos ang serye ng insidenteng kinasangkutan ng mga menor de edad
PNA / Christopher Lloyd Caliwa; Isinalin ni Sandra Samala-Salem / Sari Story Network
September 27, 2026 at 1:52:00 PM
Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga lisensiyadong may-ari ng baril sa buong bansa na kagawian ang responsableng paghawak at ligtas na pagtatago ng kanilang mga armas upang maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit at makatulong na maprotektahan ang mga pamilya at komunidad.
Inilunsad ng PNP Civil Security Group (CSG) ang nationwide na “Gun Safety Advocacy Campaign” kasunod ng mga insidenteng may kaugnayan sa baril na kinasangkutan ng mga menor de edad sa mga paaralan, na muling nagbigay-pansin sa usapin ng pag-access sa mga baril na legal na pagmamay-ari.
Layunin ng kampanya na palakasin ang pananagutan ng mga may-ari ng baril at ipaalala sa kanila na ang legal na pagmamay-ari nito ay may kaakibat na responsibilidad na higit pa sa pagsunod sa mga rekisito sa paglilisensya.
“Ang mga kamakailang insidenteng may kaugnayan sa baril na kinasangkutan ng mga menor de edad ay nagpapaalala sa atin na hindi dapat balewalain ang gun safety. Pinatitibay natin ang ating adbokasiya upang matiyak na ang mga baril na legal na pagmamay-ari ay maayos na hinahawakan, ligtas na iniimbak at hindi napupunta sa kamay ng mga taong walang awtoridad na gumamit nito (Recent firearm-related incidents involving minors remind us that gun safety cannot be taken for granted. We are strengthening our advocacy to ensure that legally owned firearms are properly handled, securely stored and kept away from unauthorized persons),” pahayag ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang news release nitong Linggo.
Bitbit ang tagline na “Maging responsableng may-ari ng baril. Patuloy na pananagutan ang kaligtasan sa paggamit ng baril (Own a gun responsibly. Gun safety is a continuing duty),” itinataguyod ng kampanya ang responsableng pagmamay-ari ng baril, wastong pag-iimbak at ligtas na paghawak dito, gayundin ang mga hakbang upang maiwasang mapunta ang mga armas sa kamay ng mga taong walang awtoridad na magkaroon nito.
Inatasan ng PNP ang lahat ng Police Regional Office at local police unit na paigtingin ang mga information drive para sa publiko tungkol sa responsableng pagmamay-ari ng baril.
Inatasan din ang CSG na magsagawa ng mga seminar tungkol sa gun safety at makipag-ugnayan sa mga stakeholder sa buong bansa upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga ligtas na gawain sa paghawak at paggamit ng baril.
“Mahalaga ang pagpapatupad ng batas, ngunit maaaring mapigilan ng prevention ang isang insidente bago pa man ito mangyari. Sa pamamagitan ng pampublikong edukasyon at pakikilahok ng komunidad, nais nating maging bahagi ng pang-araw-araw na gawain ang responsableng pagmamay-ari at ligtas na paghawak ng baril (Enforcement is important but prevention can stop an incident from happening in the first place. Through public education and community participation, we want responsible firearm ownership and safe handling to become part of everyday practice),” ani Nartatez.
Sinusuportahan ng kampanya ang PNP Focused Agenda, partikular ang Enhanced Managing Police Operations program, na naglalayong palakasin ang kultura ng pananagutan sa mga may-ari ng baril at pagtibayin ang mensaheng nagsisimula sa pang-araw-araw na pag-iingat ang pag-iwas sa mga insidenteng may kaugnayan sa baril.
Samantala, hinikayat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko, partikular ang mga estudyante, guro at personnel ng mga paaralan, na maging pamilyar sa ALICE, isang hanay ng mga opsyon sa pagtugon na naglalayong tulungan ang mga tao na makagawa ng tamang desisyon sa mga kritikal na unang minuto ng isang insidenteng may aktibong shooter o iba pang marahas na emergency.
Ang ALICE ay nangangahulugang Alert, Lockdown, Inform, Counter at Evacuate.
Sinabi ni NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano na mahalaga ang kahandaan at presensya ng isip sa panahon ng emergency. Binigyang-diin niya na dapat alam ng mga tao ang kanilang mga opsyon at piliin ang pinakaligtas na hakbang batay sa sitwasyon.
“Sa panahon ng emergency, mahalaga ang bawat segundo. Nais naming tandaan ng ating mga estudyante, guro, personnel ng paaralan at buong komunidad ng Metro Manila ang ALICE—hindi bilang isang mahigpit na pagkakasunod-sunod ng mga hakbang, kundi bilang isang hanay ng mga opsyon na makatutulong sa kanilang mabilis at angkop na pagtugon kapag nahaharap sa panganib (During an emergency, every second matters. We want our students, teachers, school personnel and the entire Metro Manila community to remember ALICE -- not as a rigid sequence, but as a set of options that can help them respond quickly and appropriately when faced with danger),” aniya sa hiwalay na news release.
Ayon kay Abrahano, nakadepende sa mga pangyayari ang pinakaligtas na paraan ng pagtugon, kaya dapat patuloy na suriin ng publiko ang sitwasyon sa halip na awtomatikong sundin ang isang nakapirming pagkakasunod-sunod ng mga hakbang.
“Pinapaalala sa atin ng ALICE na mayroon tayong mga opsyon. Ang mahalaga ay manatiling kalmado hangga't maaari, suriin ang panganib, kumilos nang may pagpapasya at piliin ang opsyong nagbibigay sa iyo ng pinakamalaking posibilidad na makalayo sa panganib (ALICE reminds us that we have options. The important thing is to stay as calm as possible, assess the danger, act decisively and choose the option that gives you the best chance of getting away from harm),” aniya.
Hinimok ni Abrahano ang mga paaralan at iba pang institusyon na isama ang emergency preparedness sa kanilang mga safety program, kabilang ang pagiging pamilyar sa mga evacuation route, ligtas na lugar at mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa panahon ng emergency.

