top of page

PNP, foreign counterparts nasagip ang 16 na biktima ng online sexual abuse sa Rizal at GenSan

RA Sibag

October 22, 2026 at 2:34:53 PM

Larawan ng laptop

Screen grab ng larawan na naglalarawan ng online scam.

Yudi Indrawan / Unsplash mula sa Wix

Labing-anim na biktima ng online sexual abuse, kabilang ang 15 menor de edad, ang nailigtas sa magkahiwalay. na operasyon sa Rizal at General Santos City, ayon sa Philippine National Police (PNP).


Isinagawa ang mga operasyon noong Oktubre 13 sa pangunguna ng PNP Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) bilang bahagi ng kampanya laban sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).


Ayon sa PNP, ang operasyon ay bunsod ng intelligence referrals na dumaan sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) at isinagawa sa pakikipagtulungan ng United States Homeland Security Investigations (HSI) at Dutch authorities.


Sa magkahiwalay na raid, isang 20-anyos na babae ang naaresto sa Cainta, Rizal habang isang 36-anyos na lalaki naman ang inaresto sa General Santos City.


Natukoy ng mga imbestigador na ang mga suspek ay mismong mga magulang o malalapit na kamag-anak ng ilan sa mga biktima.


Ayon sa pulisya, sangkot umano ang mga ito sa paggawa at pagpapakalat ng child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM) kapalit ng bayad mula sa kanilang kliyente sa ibang bansa.


Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang ilang cellphones at iba pang digital devices na isasailalim sa forensic examination bilang bahagi ng imbestigasyon.


Dahil dito, mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.


Matapos ang operasyon, isinailalim naman sa pangangalaga ng mga social welfare agency ang 15 menor de edad at isang adult victim upang mabigyan ng medical evaluation, psychosocial support, at iba pang kinakailangang serbisyo.


Samantala, binigyang diin ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon sa mga ulat ng pang-aabuso sa mga bata.


“Kapag may batang nasa panganib, every minute matters. Hindi sapat na makarating sa atin ang impormasyon. We have to act on it, coordinate with the right people, and make sure that the child is placed in a safe environment,” ani Nartatez.


Dagdag pa niya, nananatiling prayoridad ng PNP ang pagbibigay ng pangmatagalang suporta sa mga survivor at ang pagbuo ng matitibay na kaso laban sa mga responsable sa naturang krimen.

bottom of page