top of page

Pinakamatinding karahasan sa France sa loob ng ilang dekada: lumala ang mga riot sa buong bansa

Janis Laizans, Stamos Prousalis at Yann Tessier / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 19, 2026 at 6:54:45 AM

Larawan ng pag-aresto

Arestado ang isang demonstrador sa gitna ng kaguluhan, isang araw matapos ang pambansang kilos-protesta laban sa mataas na gastusin sa pamumuhay at pagtaas ng presyo ng gasolina, sa Paris, France, Oktubre 18, 2026.

Abdul Saboor / Reuters

PARIS - Sumiklab ang mga riot sa iba't ibang lungsod sa France noong Sabado matapos mawalan ng kontrol ang ilang demonstrasyon laban sa tumataas na gastusin sa pamumuhay at paghina ng mga serbisyong pampubliko. Kabilang ito sa pinakamalulubhang karahasang nasaksihan sa bansa sa loob ng ilang dekada.


Habang daan-daang libong katao ang mapayapang nagmartsa sa maraming lungsod, tinarget naman ng mga marahas na grupo ang mga pampublikong gusali, ninakawan ang mga mamahaling tindahan at supermarket, at inatake ang mga sasakyan at tauhan ng pulisya.


Sa Limoges, sinunog ang city hall. Sa Marseille, pinasok ng mga nakaitim na demonstrador ang city hall at nilagyan ng mga graffiti na may temang anarkista ang gusali. Samantala, sinunog naman ng mga nagpoprotesta ang tanggapan ng turismo sa Lyon.


Sinabi ni French Prime Minister Sebastien Lecornu na hindi magpapadala ang pamahalaan sa karahasan. Sinisi niya ang mga grupong nasa dulong kaliwa ng politika at mga kriminal sa kaguluhan, ilang buwan bago ang nakatakdang halalan sa pagkapangulo sa susunod na taon.


“Sa mga malinaw na gustong gamitin ang karahasang ito bilang ‘paghahanda’ bago ang halalan sa pagkapangulo, malinaw kong sinasabi: Hindi tayo magpapadala sa pananakot. Walang sinuman ang magpapataw ng kanilang adyendang pampolitika sa pamamagitan ng karahasan (To those who clearly want to use this violence as a 'warm-up' before the presidential election, I say clearly: We will not let ourselves be intimidated. No one will impose their political agenda through violence),” isinulat niya sa X.


Ayon kay Lecornu, nasa 1,200 katao na ang inaresto kaugnay ng mga protesta. Sinabi niya ito habang binibisita ang mga lugar na naapektuhan ng kaguluhan noong gabi.


Ayon naman kay Interior Minister Laurent Nunez, nasa 550,000 katao ang lumahok sa mga demonstrasyon sa buong bansa. Tinataya ng unyon ng mga manggagawa na CGT na umabot sa 800,000 ang bilang ng mga nagprotesta, ayon sa Reuters.


Nangako si President Emmanuel Macron na kakasuhan at parurusahan ang mga responsable sa mga pag-atake.


“Magkakaisa tayong lahat laban sa mga naghahasik ng kaguluhan, na ang tanging layunin ay pahinain ang ating mga institusyon at pigilan ang mga mapayapang nagpapahayag ng kanilang mga hinaing (We will all stand united against the sowers of chaos, who only seek to undermine our institutions and prevent those who peacefully express their demands from doing so),” isinulat niya sa X.


Nagsagawa rin ng mas maliliit na protesta sa Belgium, Portugal at Italy noong Sabado dahil sa pagtaas ng gastusin sa pamumuhay sa Europa. Sa Albania, muling nagrali ang mga nagpoprotesta laban sa umano'y korapsyon sa pamahalaan, kakulangan ng trabaho at mahinang kalidad ng edukasyon.


Sinabi ng mga demonstrador na mapayapang nagmartsa ang karamihan at ang mga manggugulo ang nasa likod ng malaking bahagi ng karahasan. Ayon sa kanila, sadyang nagdulot ng pinsala at nakipagsagupaan sa pulisya ang mga grupong ito.


Marami sa mga nagprotesta ang may dalang mga plakard na may mga islogan laban sa pulisya, pangulo at mayayaman.


“Naglalaban kami dahil napakabigat na ng gastusin sa pamumuhay, napakamahal ng gasolina, at marahas na sinasaktan ang mga estudyante sa high school sa buong bansa dahil lamang sa pagsisikap nilang magprotesta at humingi ng mas maraming guro at maayos na kondisyon sa pag-aaral (We are fighting because the cost of living is too harsh, because the price of fuel is too high, because high school pupils are being violently attacked and hurt all over the country just for trying to protest and ask for more teachers and decent learning conditions),” sabi ni Lola, 19-anyos na demonstrador sa Paris.


TEAR GAS, SUNOG AT PANGNANAKAW


Nagsimula ang karamihan sa mga protesta bandang tanghali, habang may ilang demonstrasyon na nauna pa sa opisyal na oras ng pagkilos.


Sa ilang bahagi ng Paris, nagpaputok ng tear gas ang pulisya habang umatras sa harap ng karamihang kabataang nagpoprotesta. Marami sa mga ito ang nakaitim at nakasuot ng mga hoodie, maskara at salaming panangga laban sa tear gas.


Tinangka ng mga nag-riot na pasukin ang department store na Galeries Lafayette, sinira ang ilang bangko, nilimas ang tindahan ng Lacoste at iba pang boutique, at ninakawan ang isang tindahan ng SFR na nagbebenta ng mga mobile phone.


Nagsunog din ang mga nagpoprotesta ng iba't ibang bagay sa buong maghapon, kabilang ang maraming sasakyan.


Sa Brussels, Belgium, ilang daang katao, karamihan ay kabataan, ang nagprotesta na bahagyang naimpluwensiyahan ng mga pagkilos sa France. Ang ilan ay nakipagsagupaan sa pulisya.


Ayon sa mga grupong pang-estudyante sa Belgium, tumututol sila sa pagtaas ng gastos sa edukasyon at sa mga repormang pinangangambahang magpapahirap sa pagpasok sa mga institusyon ng mas mataas na edukasyon.


Sa Albania, nagpaputok ang pulisya ng tila mga bala na goma laban sa mga nagpoprotesta sa ikalimang araw ng malawakang kilos-protesta ng mga estudyante na nananawagang magbitiw si Prime Minister Edi Rama.


Sa Portugal, sampu-sampung libong katao ang nagmartsa sa Lisbon matapos ang ilang araw ng kaguluhan upang iprotesta ang gastos sa pabahay at iba pang gastusin sa pamumuhay. Dumoble na ang presyo ng pabahay sa Portugal mula noong 2017, na nagpalala sa isa sa pinakamalulubhang krisis sa abot-kayang pabahay sa Europa.


Sa Italy, nauwi sa kaguluhan ang isang martsa laban sa mataas na gastusin sa pamumuhay sa Milan. Gumamit ang pulisya ng tear gas upang paalisin ang mga tao sa plasa sa harap ng pangunahing katedral ng lungsod.


Gumamit naman ng mga water cannon ang pulisya sa Bologna upang buwagin ang mga nagkakagulong tao at umaresto ng pito matapos mauwi sa karahasan ang isa pang protesta, ayon sa ahensiya ng balita na ANSA.


SINUSURI ANG HAKBANG NG PULISYA SA FRANCE


Nagsimula noong nakaraang buwan ang mga protesta sa mga high school sa hilagang bahagi ng Paris, kung saan maraming manggagawang naninirahan. Ang galit dahil sa kakulangan ng mga guro at hindi maayos na pasilidad ay lumawak at naging kilusan laban sa hindi pagkakapantay-pantay, paggasta ng pamahalaan at mababang antas ng pamumuhay.


Sa Paris noong Sabado, hinarangan ng mga nagpoprotestang nakasuot ng mga dilaw na vest ang mga kalsada. Nagpaalala ito sa kilusang Yellow Vest na naging malaking hamon sa nakaraang termino ni Macron bilang pangulo.


Mas marami ang dumalo sa mga protesta noong Sabado kumpara sa kasagsagan ng kilusang Yellow Vest. Gayunman, mas mababa pa rin ang bilang ng mga nagprotesta kumpara sa malawakang kilos-protesta noong 2023 laban sa reporma ni Macron sa sistema ng pensiyon.


Nasa huling bahagi na ng kaniyang termino si Macron bilang pangulo. Nahaharap siya sa watak-watak na kalagayang pampolitika at lumalaking presyur dahil sa ekonomiya.


Hindi napawi ng mga hakbang ng France upang bawasan ang utang ng pamahalaan ang pangamba ng mga mamumuhunan. Dahil dito, umakyat sa pinakamataas na antas sa mahigit dalawang dekada ang gastos sa pangungutang ng pamahalaan.


Binatikos din ang mga taktika ng pulisya kasunod ng mga pagkakasugat ng mga demonstrador. Kabilang dito ang isang menor de edad na nawalan ng kamay matapos pulutin ang isang stun grenade.


Iniimbestigahan ng police watchdog ang hindi bababa sa 24 na alegasyon ng karahasan ng pulisya.


Sinabi ni Lecornu na mahigit 150 pulis ang nasugatan sa mga protesta noong Sabado. Gayunman, hindi niya sinabi kung may mga nagprotestang nasugatan din.


Kinumpirma naman ni Nunez ang mga ulat na naputol ang kamay ng isang tao sa sagupaan sa pulisya noong Sabado. Iniulat ng French media na sinubukan nitong pulutin ang isang stun grenade.


Nag-post ang unyon ng pulisya na UNSA ng video sa X na nagpapakita ng mga taong umaatake sa mga police van gamit ang mga pamalo at ladrilyo sa iba't ibang lugar.


Nagbabala ang unyon na malapit nang maabot ng mga puwersa ng pulisya ang kanilang hangganan.


“Muli, sa bawat sulok ng France ngayon, ginagawa na namang punching bag ang aming mga kasamahan. Binabato, sinasaktan at kinukulong sila sa mga tunay na pananambang (Today again, in every corner of France, our colleagues are being used as punching bags. Pelted with stones, injured, trapped in real ambushes),” pahayag ng unyon. “Dapat managot ang lahat. Hindi ito maaaring magpatuloy nang walang katapusan. Sagad na sagad na ang aming pasensiya (Let everyone take responsibility: this cannot go on indefinitely. The rope is stretched to its maximum).”


bottom of page