Pilandok, isa nang tropical storm, pero hindi inaasahang magla-landfall
Sari Story
September 2, 2026 at 8:26:20 AM
MANILA – Lumakas na bilang isang tropical storm ang bagyong Pilandok (international name: Krovanh), ngunit wala pa ring itinaas na wind signal ang weather bureau sa alinmang bahagi ng bansa.
Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 65 kilometro bawat oras (kph) malapit sa gitna nito, at pagbugsong umaabot sa 80 kph, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa inilabas nitong 11 a.m. bulletin nitong Martes.
Huling namataan ang bagyo 1,060 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon at halos hindi kumikilos.
Ayon sa weather bureau, maliit ang posibilidad na mag-landfall si Pilandok at mananatili itong malayo sa kalupaan.
Inaasahan ng PAGASA na lalabas ang sama ng panahon sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Miyerkules o Huwebes.
Samantala, makararanas pa rin ng malalakas na gale-force na pagbugso ng hangin ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin ang Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Camiguin, Dinagat Islands, Davao Occidental, at Davao Oriental dahil sa habagat o southwest monsoon.
Nananatili rin ang gale warning sa hilaga at kanlurang baybayin ng Northern Luzon, dagdag ng PAGASA.

