PH, pauuwiin ang pitong OFW na nasugatan sa mga pag-atake ng Houthi sa Saudi Arabia
Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
October 16, 2026 at 12:22:24 PM
Magbibigay ang Department of Migrant Workers (DMW) ng tulong pinansyal at medikal sa pitong manggagawang Pilipino na nasugatan sa mga pag-atakeng iniuugnay sa mga puwersang Houthi sa Saudi Arabia. Kabilang din sa tulong ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.
Sa panayam sa Radyo Pilipinas, tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na tutulungan ng pamahalaan ang mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs), lalo na ang mga nananatili sa ospital.
“Meron po tayong assistance na binibigay dun sa pitong nasugatan, napinsala. Apat po sa kanila nakalabas ng hospital pero meron tayong, bukod sa financial assistance, meron tayong ongoing assistance sa kanila (We have assistance being provided to the seven injured, affected individuals. Four of them have been discharged from the hospital, but aside from financial assistance, we also have ongoing assistance for their medical treatment),” aniya.
“Meron po tatlo na nasa ICU. Dalawa sa kanila ay napipinto na ring ma release sa ICU and to be transferred to a regular ward. However, yung isa remains critical. Nagkaroon ng dalawang operasyon pero successful ang dalawang operasyon kaya hopefully recovery mode na rin siya. (There are three in the ICU. Two of them are about to be released from the ICU and transferred to a regular ward. However, the other one remains critical. There were two surgeries, but both were successful, so hopefully, he is now in recovery mode),” dagdag niya.
Sinabi ni Cacdac na nakadepende sa kanilang pagpapagamot at pahintulot na bumiyahe ang pagbabalik sa Pilipinas ng mga manggagawa.
Gayunman, plano aniya ng pamahalaan na maiuwi sila sa lalong madaling panahon.
“Kailangan nila makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay (They need to be with their loved ones),” aniya.
Samantala, sinabi ni Cacdac na tumutulong din ang DMW, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa mga Pilipinong nakansela o inilihis ang mga biyahe patungong Riyadh dahil sa sitwasyon ng seguridad at pagsasara ng paliparan sa Riyadh.
Sinabi niyang nagbibigay ng matutuluyan at tulong sa pag-book ng mga flight ang pangkat ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan sa mga manggagawang nasa Maynila na bibiyahe sana patungong Riyadh.
Tinutulungan din ang mga Pilipinong ang mga flight ay inilihis sa Jeddah upang makarating sila sa Riyadh.
Ayon kay Cacdac, nag-aalok ang DMW ng libreng tiket sa eroplano at tulong sa pagpapauwi sa mga OFW na na-stranded sa Riyadh at kailangang bumalik sa Pilipinas. Kabilang dito ang mga nakatapos na ng kontrata at ang mga kailangang magbakasyon bago matapos ang kanilang kontrata.

