top of page

PH gov't naghahanda ng tulong sa edukasyon at kabuhayan para kay Mary Jane Veloso

Sari Story

October 6, 2026 at 3:36:40 AM

Larawan ni Mary Jane Veloso

FILE PHOTO: Dumating sa Pilipinas si Mary Jane Veloso matapos ang halos 15 taong pagkakadetine sa Indonesia. Si Mary Jane Veloso, isang Overseas Filipino Worker (OFW), ay ipinatapon pabalik sa Pilipinas mula Indonesia noong Disyembre 18, 2024, matapos ang halos 15 taong pagkakadetine dahil sa alegasyong sangkot siya sa drug trafficking at nahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport, inilipat siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City, Philippines, kung saan siya sinalubong ng kanyang pamilya at mga mahal sa buhay. Mananatili siya sa naturang pasilidad habang hinihintay ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng apela para sa clemency na inihain ng kanyang mga abogado at mga miyembro ng kanyang pamilya. Makikita si Mary Jane Veloso na nakasuot ng itim kasama ang kanyang mga kapamilya.


DeoxMontesclarosx / Reuters

Inilalapit ng Department of Migrant Workers (DMW) si Mary Jane Veloso sa mga ahensiya ng pamahalaan na may mga programang makatutulong sa kanyang pagpapatuloy ng pag-aaral at paghahanapbuhay habang muli niyang binubuo ang kanyang buhay kasama ang pamilya sa Nueva Ecija.

 

Sa inilabas na pahayag nitong Linggo, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na sa pamamagitan ng National Reintegration Network (NRN), nakikipag-ugnayan ang DMW para sa psychosocial support, edukasyon, at tulong sa kabuhayan para kay Veloso habang siya ay umaangkop sa pagbabalik sa kanyang pamilya at komunidad.

 

“Tutulungan natin si Mary Jane na makapag-adjust at makapagsimulang muli,” ani Cacdac.

 

Ayon kay Cacdac, bumisita na kay Veloso ang Department of Education (DepEd) Division of Nueva Ecija upang matulungan siyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).

 

Ibinahagi ni Schools Division Superintendent Ericson Sabacan na nag-aral si Veloso habang nakakulong at naghihintay ng pardon.

 

“Malaki ang hangarin niyang matuto, kaya buo ang suporta ng ating mga ALS teachers,” ani Sabacan.

 

Para naman sa kabuhayan, sinabi ni Cacdac na nakikipagtulungan ang DMW sa Department of Trade and Industry (DTI) upang gabayan si Veloso sa negosyong nais niyang itayo at tulungan siya sa mga kinakailangang hakbang para makapagsimula.

 

Nagbigay rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tulong pinansyal at patuloy na umaalalay sa pamilya Veloso sa pamamagitan ng mga social worker nito.

 

Samantala, sinabi ni General Mamerto Natividad Mayor Larry Ponce na tumutulong din ang lokal na pamahalaan kay Veloso sa kanyang pagbabalik at muling pag-angkop sa komunidad.

 

“Masaya kaming nakauwi na si Mary Jane, kaya’t inaasikaso namin ang maayos at ligtas niyang pagbabalik dito sa Natividad,” ani Ponce.

 

bottom of page