Pentagon, iniimbestigahan ang freezer malfunction sa mga base militar ng US na hinihinalang cyberattack
Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 30, 2026 at 1:24:31 AM
Itinuturing ng Pentagon na posibleng hacking ang sunod-sunod na misteryosong malfunction sa mga freezer na naging sanhi ng pagkasira ng mga pagkain sa ilang base militar sa Estados Unidos noong Agosto, ayon sa apat na opisyal na may kaalaman sa imbestigasyon.
Ayon sa isa sa mga opisyal, nakikipag-ugnayan ang mga imbestigador ng militar sa kanilang mga counterpart sa France kaugnay ng kahalintulad na cyberattack sa mga komersiyal na freezer na nakaapekto sa operasyon ng mga supermarket doon noong unang bahagi ng buwang ito.
Hindi matukoy ng Reuters kung gaano na kalayo ang narating ng imbestigasyon ng Pentagon o kung nakabuo na ito ng anumang konklusyon tungkol sa nangyari at kung sino ang posibleng responsable. Nang tanungin tungkol sa imbestigasyon, sinabi ng Pentagon na isang unit ng Cyber Command, ang sangay ng militar na nakatuon sa cyber operations, ang mahigpit na nakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensiya ng gobyerno at mga tagapagpatupad ng batas. Hindi na ito nagbigay ng karagdagang detalye.
Kinumpirma naman ng US Army Criminal Investigation Division na kasali sa imbestigasyon ang Cyber Field Office nito at nakikipagtulungan ito sa mga awtoridad ng France upang higit na maunawaan ang mga pagkawala ng operasyon ng mga refrigeration system sa Europa.
Batay sa pagsusuri ng Reuters sa mga post sa Facebook at mga update sa website ng mga base militar noong panahong iyon, naapektuhan ng mga malfunction noong huling bahagi ng Agosto ang hindi bababa sa anim na commissary o mga tindahan sa loob ng mga base militar kung saan bumibili ng pagkain ang mga tauhan ng militar. Sa hindi bababa sa isa sa mga insidente, hindi lamang basta tumigil sa paggana ang mga freezer. Sa halip, biglang tinaasan ang temperatura ng mga cooling unit habang gabi, kaya't nadatnan kinabukasan ang maraming pagkain na nalanta o natunaw.
Sa isang post noong Agosto 26, ipinaliwanag ng Facebook account ng Fort Huachuca sa Arizona na ang kanilang freezer ay napunta sa defrost mode kung saan uminit ang lahat ng pagkain. Maniwala kayo sa amin nang sabihin naming nasira ang mga ito.
Unang iniulat noong Agosto 28 ng bagong likhang blog na Signal and Silence ang sunod-sunod na kakaibang malfunction sa mga freezer at ang posibilidad ng cyber sabotage. Iniulat naman ng pahayagang Stars and Stripes at ng Daily Telegraph ng Britain ang pakikipag-ugnayan ng mga imbestigador ng militar ukol dito at ang komunikasyon nila sa mga awtoridad ng France.
Ngunit ngayon lamang unang iniulat na itinuturing ng mga imbestigador na posibleng hacking ang insidente.
Hindi sumagot ang Embahada ng France sa Washington nang hingan ng komento tungkol sa insidente.
INATAKE RIN ANG MGA FREEZER SA FRANCE
Kung makukumpirma na cyberattack ang sanhi ng mga malfunction sa mga refrigerator, isa na naman itong patunay kung gaano kadaling galawin ng mga hacker ang mahahalagang imprastraktura, partikular ang mga pasilidad para sa cold storage o pag-iimbak ng mga produktong kailangang panatilihing malamig.
Sa cyberattack sa France, nabago ng mga hacker ang mga temperature control ng mga komersiyal na cooling unit sa mahigit 350 establisimyento. Dahil dito, kinailangang alisin ang mga nasirang produkto sa mga estante ng frozen food sa mga supermarket. Sa halip na basta patayin o mawalan ng koneksiyon ang mga cooling unit, sadyang tinaasan ng mga hacker ang temperatura sa loob ng mga ito. Katulad ito ng nangyari sa Fort Huachuca sa Arizona.
Sa ilang pasilidad sa France, sobrang taas ng itinakdang temperatura ng mga refrigeration unit kaya nagkaroon pa ng sunog. Tinatayang maaaring umabot sa sampu-sampung milyong euro ang kabuuang pinsala ng cyberattack sa buong France, ayon sa isang may-ari ng supermarket na nagbigay ng pagtataya noong unang bahagi ng buwang ito.
Ayon sa mga eksperto na naunang nakausap ng Reuters, tila madaling naisagawa ang cyberattack sa France. Sinabi ng Danish company na Danfoss, na gumawa ng mga controller na ginagamit sa marami sa mga naapektuhang cooling unit, na luma na ang maraming controller o kaya ay gumagamit ng hindi na napapanahong firmware. Dahil dito, posibleng naging madali para sa mga hacker na makapasok sa mga sistema. Hindi matukoy ng Reuters kung Danfoss o ibang brand ng freezer controller ang ginagamit sa mga naapektuhang base militar sa Estados Unidos. Hindi rin sumagot ang Danfoss sa mga mensaheng humihingi ng komento.
MAPANGANIB NA CYBERATTACK SA MGA REFRIGERATION SYSTEM
Mahalaga ang mga refrigeration system sa pamamahagi ng mga sariwang pagkain. Matagal nang itinuturing na malaking banta ang posibilidad na masabotahe sa pamamagitan ng internet ang mga pasilidad para sa cold storage, katulad ng panganib na dulot ng pagkawala ng suplay ng kuryente o pagkasira ng mga pasilidad ng tubig.
Sa unang bahagi ng taong ito, nanawagan ang Global Food Safety Initiative, isang organisasyon sa industriya ng pagkain, sa mga eksperto sa food safety at mga IT leader na magtulungan upang matiyak ang “robust cybersecurity" para sa teknolohiya ng refrigeration. Binigyang-diin din ng organisasyon na “ang isang cooling system na na-hack ay kasing-panganib ng isang sirang sistema.”
May mga nauna nang insidente ng pananabotahe sa mga refrigerator at freezer ng mga hacker sa Estados Unidos at iba pang bansa.
Ayon sa Danfoss, noong 2022, tinarget o pinasok ng mga hacker ang mga supermarket sa Russia at Israel na gumagamit ng mga lumang bersiyon ng kanilang cold storage controller. Noong Disyembre ng nakaraang taon, kinasuhan naman ng mga federal prosecutor sa Los Angeles ang isang Ukrainian woman na umano'y bahagi ng isang grupo ng mga hacker na nagpahinto sa operasyon ng refrigeration system sa isang pasilidad ng pagpoproseso ng karne noong 2024, na naging sanhi ng pagkasira ng mahigit 2,000 libra ng karne.
Ayon kay Bill Moore, chief executive ng industrial cybersecurity firm na Xona Systems, ang pangunahing problema ay ang pagkakakonekta sa internet ng mga controller na orihinal na idinisenyo bilang mga sistemang hiwalay sa internet at inaasahang personal na aayusin ng mga technician. Sinabi niyang hindi lamang refrigeration system ang nanganganib sa ganitong uri ng online exposure, ngunit maaari itong magdulot ng mas malubhang epekto sa sektor na ito.
“Talagang maaari nitong maantala ang supply chain ng pagkain (It can definitely disrupt the supply chain for food),” aniya.

