PCG, natapos na ang paghahanap sa mga cabin ng nasunog na barko sa Palawan
Sari Story
September 16, 2026 at 2:54:24 AM
Natapos na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghahanap sa mga passenger cabin at crew area ng nasunog na MV June Aster na nasa karagatan ng Coron, Palawan.
Inatasan din ng PCG ang operator ng barko na kumuha ng isang salvor o kumpanyang magsasagawa ng karagdagang recovery operations.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na ganap nang napasok at nahanap ng response teams ang bridge, crew accommodation, economy passenger accommodation at air-conditioned passenger accommodation areas ng barko.
“100 porsyento nang napasok at nahanap ng aming response teams ang mga lugar na ito. Magsasagawa pa ng ikalawang paghahanap upang matiyak na makukuha ang anumang natitirang ebidensya at iba pang materyales na mahalaga sa nagpapatuloy na imbestigasyon (These areas have been 100 percent penetrated by our response teams. A secondary sweep will be conducted to ensure the recovery of any remaining evidence and other materials relevant to the ongoing investigation),” sabi ni Cayabyab.
Samantala, nasa 65 porsyento na rin ng cargo hold ang napasok ng mga awtoridad, habang nagpapatuloy ang operasyon sa mga natitirang bahagi nito.
Mula noong Sabado, patuloy ang operasyon ng magkasanib na mga awtoridad para sa pagsisipsip ng tubig mula sa engine room ng barko. Ang nakuhang tubig na may halong langis ay inilagay naman sa 13 drum para sa maayos na paghawak at disposal.
Nagpadala na rin ang PCG ng demand letter sa shipping company at inatasan itong agad kumuha ng isang kwalipikadong salvor para magsagawa ng karagdagang siphoning operations.
Ayon kay Cayabyab, susuriin din ng salvor ang structural integrity at kondisyon ng barko.
Maglalaan din ang ahensya ng legal team upang tulungan ang mga biktima at mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa kanilang mga claim.
“Patuloy ang Coast Guard sa pagsasagawa ng maritime safety investigation at maritime crime investigation upang matukoy ang mga pangyayari sa insidente at malaman kung sino ang maaaring managot (The Coast Guard continues to conduct its maritime safety investigation and maritime crime investigation to establish the circumstances surrounding the incident and determine possible liabilities),” giit ni Cayabyab.
Nauna nang iniulat ng PCG na umabot na sa 76 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa sunog matapos matagpuan noong Setyembre 12 ang 41 karagdagang sunog na labi ng mga biktima.
Ayon sa PCG, 12 katao pa rin ang hindi natatagpuan batay sa manifest na naglalaman ng pangalan ng 134 katao na sakay ng barko.
Sumiklab ang sunog sa MV June Aster noong Setyembre 9 habang bumibiyahe ito mula Maynila patungong Coron, Palawan.
Ipinag-utos naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan ang pagpapadala ng lahat ng available na resources, kabilang ang mga barko, helicopter at medical personnel, para sa search and recovery operations.

