top of page

PCG, nagtala ng 114,000 pasaherong pandagat sa buong bansa ngayong Undas

Paraluman News / Joyce Ann Rocamora/Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 1, 2026 at 4:34:04 AM

Larawan ng Philippine Coast Guard at ng pasahero

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mahigit 114,000 pasaherong dumaan sa mga pantalan sa buong bansa sa paggunita ng Undas ngayong Nobyembre 1 at 2.

Philippine Coast Guard

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mahigit 114,000 biyahero sa mga pantalan sa buong bansa habang milyun-milyong Pilipino ang umuuwi sa mga probinsya para sa taunang paggunita ng Undas (Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa (All Saints’ Day and All Souls’ Day).


Batay sa pinakahuling datos ng ahensya na inilabas nitong Sabado, umabot sa 60,411 ang mga pasaherong paalis at 54,291 naman ang mga pasaherong dumarating sa mga pantalan sa buong bansa.


Upang matugunan ang pagdagsa ng mga biyahero ngayong holiday season, nagtalaga ang PCG ng 6,221 tauhan sa frontline sa 17 distrito nito. Naisagawa na rin ng mga opisyal ang inspeksiyon sa 540 sasakyang-pandagat at 806 motorbanca upang matiyak ang pagiging ligtas ng mga ito sa paglalayag at pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan sa karagatan.


“Nananatiling nakaalerto ang aming mga tauhan upang tumulong sa mga pasahero, magsagawa ng mga inspeksiyon pangkaligtasan, at magbantay sa mga pantalan upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe (Our personnel remain on heightened alert to assist passengers, conduct safety inspections, and monitor ports to guarantee orderly and safe travel),"ayon sa PCG sa isang pahayag. “Pinaaalalahanan din namin ang publiko na mahigpit na sundin ang lahat ng alituntunin sa mga pantalan at mga protocol sa kaligtasan ng mga sasakyang-pandagat (We also remind the public to strictly follow all port guidelines and sea vessel safety protocols)."


Naka-heightened alert ang lahat ng distrito, himpilan at sub-himpilan ng PCG simula Oktubre 29 upang mapangasiwaan ang pagdagsa ng mga biyahero ngayong mahabang weekend. Nauna nang sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na posibleng umabot sa dalawang milyon ang kabuuang bilang ng mga pasahero sa buong bansa sa loob ng holiday period.


—Paraluman News, batay sa ulat ni Joyce Ann Rocamora


bottom of page