top of page

Pangulong Marcos, nakiisa sa panalangin para sa mabilis na paggaling ni Pope Leo

Ruth Abbey Gita-Carlos/ PNA; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

October 15, 2026 at 12:10:39 PM

Larawan ni Pope Leo sa isang poster.

Isang poster na may nakasulat na “Mabuhay ang Santo Papa!” sa labas ng Gemelli Hospital matapos ianunsyo ng Vatican na na-diagnose si Pope Leo na may kanser sa baga kasunod ng operasyon upang alisin ang bahagi ng kaniyang kanang baga, sa Rome, Italy, Oktubre 15, 2026.

Reuters / Stoyan Nenov

MANILA – Nakiisa sa panalangin para sa ganap na paggaling ni Pope Leo XIV si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes matapos ma-diagnose ang Santo Papa na may lung cancer.


“Kasama ng mga Katolikong mananampalataya sa buong mundo ang buong sambayanang Pilipino sa pananalangin para sa mabilis at ganap na paggaling ng Kanyang Kabanalan Pope Leo XIV (The entire Filipino nation joins the Catholic faithful around the world in praying for the swift and full recovery of His Holiness Pope Leo XIV),” ayon sa pahayag ni Marcos sa Facebook.


Umaasa ang Pangulo na maibabalik ng Santo Papa ang kanyang kalusugan at maipagpapatuloy ang paggabay sa mga Katolikong mananampalataya sa aspetong espirituwal.


“Inaasam namin ang kanyang muling paggaling at ang patuloy niyang pamumuno, paggabay at pagbabasbas sa mga mananampalataya (We look forward to his return to good health and to his continued spiritual leadership, guidance and blessings for the faithful),” dagdag niya.


Sumailalim sa operasyon si Pope Leo XIV, 71, nitong Martes sa Gemelli Hospital sa Rome upang alisin ang ibabang bahagi ng kanang baga matapos matukoy ng mga doktor ang isang maliit at lokal na bukol sa baga.


Kinumpirma ng Vatican na naging matagumpay ang operasyon at batay sa pagsusuri ng tissue, na-diagnose ang Santo Papa na may lung adenocarcinoma, isang karaniwang uri ng non-small cell lung cancer.


Ayon sa Lung Cancer Foundation of America, bumubuo ang lung adenocarcinoma ng humigit-kumulang 40 porsiyento ng lahat ng kaso ng lung cancer sa buong mundo.


bottom of page