top of page

Pangulong Marcos, hinimok ang mga mambabatas ng Bangsamoro na panatilihin ang kapayapaan at isulong ang pag-unlad ng rehiyon

RA Sibag / Paraluman News with Philippine Information Agency; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network

October 30, 2026 at 8:29:25 AM

Larawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

PANAWAGAN SA PAGKAKAISA. Naghahatid ng talumpati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa inaugural session ng kauna-unahang halal na Parlamento ng Bangsamoro sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City nitong Biyernes (Oktubre 30, 2026). Hinimok ni Marcos ang mga bagong halal na mambabatas na pairalin ang pagkakaisa, pagtutulungan, at mabuting pamamahala upang makabuo ng mas mapayapa at maunlad na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Screenshot mula sa RTVM

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga miyembro ng bagong tatag na Parlamento ng Bangsamoro na pangalagaan ang mga napagtagumpayan sa proseso ng kapayapaan at magsikap para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


Sa kanyang talumpati sa inaugural session ng kauna-unahang halal na Parlamento ng rehiyon sa Cotabato City nitong Biyernes, Oktubre 30, inilarawan ni Marcos ang pagtitipon bilang isang makasaysayang hakbang sa transisyon ng BARMM tungo sa sariling pamamahala kasunod ng kauna-unahang halalan para sa parlamento nito.


Hinimok ng Pangulo ang mga pinuno ng rehiyon na isantabi ang kanilang mga pagkakaiba at pairalin ang pagtutulungan sa pagsisimula nila ng kanilang mga tungkulin sa ilalim ng sistemang parlamentaryo. Binigyang-diin niya na ang tagumpay ng proyektong Bangsamoro ay hindi lamang nakasalalay sa halalan, kundi gayundin sa mahusay na pamumuno at paglilingkod sa publiko.


Ipinaalala ni Marcos sa 80-miyembrong lehislatura na dapat nilang bigyang-pugay ang mga sakripisyong ginawa sa buong proseso ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagsusulong ng pananagutang pamamahala at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad ng Bangsamoro.


Nagpahayag siya ng optimismo na makatutulong ang bagong Parlamento sa pagpapatibay ng kapayapaan at paglikha ng mas maraming oportunidad pang-ekonomiya sa buong rehiyon. Aniya, mahalaga ang katatagan para sa pag-unlad, pamumuhunan, at pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.


Tiniyak din ng Pangulo sa mga mambabatas ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan. Sinabi niyang nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa Maynila sa pakikipagtulungan sa pamunuan ng rehiyon na bubuuin ng Parlamento.


Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, tungkulin ng Parlamento na ihalal ang Punong Ministro ng rehiyon at gampanan ang mahahalagang tungkuling lehislatibo, kabilang ang pag-apruba sa mga badyet, pagpapatibay ng mga batas panrehiyon, at pangangasiwa sa mga programa ng pamahalaan.


Itinatag ang BARMM noong 2019 matapos pagtibayin ang Bangsamoro Organic Law, na nagpatupad sa mahahalagang probisyon ng kasunduang pangkapayapaan noong 2014 sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front.


bottom of page