Pangasinan, isinailalim sa state of calamity; price freeze, ipinatupad
Sari Story
September 2, 2026 at 8:14:46 AM
MALASIQUI, Pangasinan — Idineklara na ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang state of calamity sa buong probinsya dahil sa matinding epekto ng habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Sa ilalim ng Provincial Resolution No. 985-2026, nakasaad na nagdulot ng matinding pag-ulan at malawakang pagbaha ang mga nasabing kalamidad, partikular sa mga mabababang lugar ng Pangasinan, na lubhang nakaapekto sa mga komunidad, imprastraktura, agrikultura, pribadong ari-arian at kabuhayan ng mga residente.
Inaprubahan ng provincial board ang resolusyon sa isang espesyal na sesyon na pinangunahan ni Vice Governor Mark Ronald Lambino.
Batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit 370,000 pamilya o tinatayang 1.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng mga sama ng panahon.
Walong lokal na pamahalaan na rin ang nagdeklara ng state of calamity, habang inaasahang tataas pa ang bilang ng mga apektado at halaga ng pinsala, kasabay ng pagpapatuloy ng assessment at relief operations.
Base sa datos nitong Agosto 30, 2026, tinatayang nasa 232.5 milyong piso ang pinsala sa imprastraktura, habang umabot naman sa 649.2 milyong piso ang pinsala sa agrikultura at 2.1 milyong piso sa mga alagang hayop.
Ito ang naging basehan ng rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, na sinuportahan naman ni Governor Ramon Guico III, upang mapabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente, at mapaigting ang mga hakbang para sa relief, recovery, at rehabilitation.
Kasabay ng deklarasyon, ipinatupad din ang automatic price freeze sa mga pangunahing bilihin at prime commodities, alinsunod sa Republic Act No. 7581 o Price Act.
Layunin nitong maiwasan ang sobrang pagtaas ng presyo, hoarding o pagtatago ng mga produkto, at profiteering habang umiiral ang state of calamity.
Ayon sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, hanggang alas-5 ng umaga nitong Lunes, 213 barangay sa 15 munisipalidad at dalawang lungsod ang nakaranas ng pagbaha.
Samantala, 12 barangay sa tatlong munisipalidad ang nakaranas ng flash flood, habang 17 barangay sa limang munisipalidad naman ang naiulat na nakaranas ng landslide.
May kabuuang 2,747 pamilya o 8,535 indibidwal ang kasalukuyang tumutuloy sa evacuation centers, habang 497 pamilya o 1,434 indibidwal ang lumikas at nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Patuloy naman ang evacuation at monitoring operations sa mga lugar na apektado ng pagbaha at iba pang epekto ng sama ng panahon.

