top of page

Panganib sa pag-atake ng mga tanker, tumaas matapos magbanta ang Iran na haharangin ang iba pang ruta sa Strait of Hormuz

Sari Story

October 9, 2026 at 4:21:49 AM

Larawan ng cargo ship

FILE PHOTO: Isang cargo ship ang dumaong sa Port of Fujairah, sa gitna ng limitasyon sa pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz bunsod ng sigalot ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Kuha ito sa Fujairah, United Arab Emirates noong Mayo 6, 2026.

Reuters / Amr Alfiky

Mas nanganganib sa mga pag-atake at pananakot ang mga tanker, na nagdadala ng mahahalagang kargamento sa pamamagitan ng pagdaan sa Strait of Hormuz, matapos magbabala ang Iran na haharangin nito ang iba pang ruta sa lugar na hindi nito pinahintulutan, ayon sa mga source.


Noong nakaraang linggo, naitala ang pinakamataas na bilang ng mga pag-atake sa mga tanker sa mahalagang daluyan ng tubig na ito mula nang magsimula ang digmaan sa pagitan ng Iran at mga kalaban nito. Dahil dito, bumaba sa pinakamababang antas sa loob ng mahigit dalawang buwan ang bilang ng mga barkong nagtatangkang dumaan sa naturang kipot.


Nagbabala na rin ang Iran sa mga bansa sa rehiyon na ituturing nitong ‘hostile’ o pagalit na hakbang ang anumang pagtatangkang magbukas ng mga bagong ruta para sa pag-export ng langis, ayon sa isang matataas na opisyal sa rehiyon na malapit sa Tehran at nakapanayam ng Reuters.


Bahagi ito ng planong napagkasunduan ng mga pinunong pampolitika ng Iran at ng Revolutionary Guards, dagdag ng opisyal.


'PATAKARAN NG TAKOT AT MGA BANTA'


“Walang intensiyon ang Iran na hayaang mawala sa mga kamay nito ang kontrol sa Strait of Hormuz, at nakahanda na ang mga plano nito para harangin ang mga rutang ginagamit ng ilang bansa sa rehiyon sa pag-export ng langis (Iran has absolutely no intention of allowing control of the Strait of Hormuz to slip from its hands, and has plans ready to block routes that some regional countries have for exporting oil),” pahayag ng isang senior diplomat sa rehiyon na binigyan ng impormasyon ng Tehran, sa hiwalay na panayam sa Reuters.


“Maaari itong samahan ng mga pag-atake gamit ang mga missile at drone laban sa mga barko, o pagpapadala ng mga bangka upang takutin at palayuin ang mga ito (This could involve missile and drone attacks on ships, or sending boats to scare ships away),” dagdag ng diplomat.


“Plano nitong ipagpatuloy ang patakarang ito ng pananakot at pagbabanta (It plans to continue this policy of fear and threats),” aniya pa.


Sa mga nakalipas na buwan, nagmamadali ang mga bansang gumagawa ng langis sa Gulf na magpadala ng kanilang mga kargamento sa pamamagitan ng mga rutang malapit sa baybayin ng Oman sa Strait of Hormuz. Pagkatapos, inililipat ang langis sa mga bukas na karagatan sa Gulf of Oman sa tulong ng suporta mula sa himpapawid ng Estados Unidos, ayon sa mga source na nakausap ng Reuters.


Sa pinakahuling insidente sa nakalipas na 24 oras, tinamaan ng mga projectile ang isang tanker na nasa layong humigit-kumulang 51 nautical miles mula sa baybayin ng Qatar, sa loob ng Gulf, ayon sa UK Maritime Trade Operations (UKMTO), isang ahensiya ng hukbong-dagat ng United Kingdom.


Ayon sa mga source na sumusubaybay sa seguridad sa karagatan, tinamaan ng ilang projectile ang chemical tanker na Acers, na may watawat ng Antigua and Barbuda, sa hilaga ng Madinat ash Shamal sa Qatar. Ilang tripulante nito ang nagtamo ng bahagyang mga pinsala.


“Dahil sa pag-atake sa Acers, posibleng lumawak ang saklaw ng labanan at maapektuhan ang mga rutang pandagat patungo sa Qatar, Bahrain, Saudi Arabia, Kuwait at Iraq (The Acers strike raises the prospect of a wider combat area affecting approaches to Qatar, Bahrain, Saudi Arabia, Kuwait and Iraq),” ayon sa ulat nitong Huwebes ng Clearwater Dynamics, isang subsidiary ng maritime risk intelligence group na Pole Star Global.


Hindi naman makontak para sa kanilang pahayag ang operator ng barko na nakatala sa mga shipping database bilang Valvoria Shipping, na nakabase sa Antigua and Barbuda.


“Ang sunod-sunod na pag-atake na iniuugnay kamakailan sa Iran ay tila nagpahina sa kagustuhan ng mga may-ari ng barko na dumaan sa Strait of Hormuz (The recent spate of Iranian attacks seems to have dampened the appetite of shipowners to sail through the Strait),” ayon kay Jakob Larsen, chief safety and security officer ng BIMCO, isang asosasyon sa industriya ng pagpapadala.


“Lumilitaw na mas tumindi ang banta mula sa Iran (The Iranian threat appears to have increased),” dagdag pa niya.


'ANG DIGMAAN SA DAGAT AY HINDI NATATAPOS SA DAGAT'


Pinag-aaralan ni US President Donald Trump ang mga susunod na hakbang laban sa Iran, kabilang ang posibilidad na palawakin ang mga pag-atake bago o pagkatapos ng midterm elections sa Nobyembre, na magtatakda kung aling partido ang magkakaroon ng kontrol sa Kongreso ng Estados Unidos. Kasabay nito, ipinagpapatuloy niya ang isang naval blockade na naglalayong dagdagan ang pressure sa ekonomiya ng Tehran upang mapilitan itong makipagkasundo at wakasan ang labanan.


Naging mahalagang isyu sa kampanya sa politika ang digmaan, na nagkakahalaga ng tatlong bilyong dolyar kada buwan.


Kumukuha ng langis mula sa kanilang mga reserba ang mga pamahalaan at kompanya ng enerhiya upang maibsan ang pressure  sa pandaigdigang pamilihan ng langis, na nahaharap sa hindi pa nagagawang pagkaantala sa suplay ngayong taon. Isa rin sa mga sanhi nito ang digmaan sa Ukraine.


Ayon sa mga opisyal ng industriya na dumalo sa isang forum sa London ngayong linggo, umuunti na ang nakaimbak na langis na maaaring magamit sa pandaigdigang pamilihan. Dahil dito, nagiging mas marupok ang merkado at tumitindi ang presyur na tumaas ang mga presyo.


Lalong lumalawak ang epekto ng krisis sa pandaigdigang ekonomiya. Inanunsiyo nitong Huwebes ng Maersk, isang kompanya ng pagpapadala mula Denmark, na tataasan nito ang emergency fuel surcharge para sa inland transportation sa United Kingdom at Ireland dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.


“Wala nang pagbabalik sa dating mundo, at hindi na maibabalik ang katatagan at kasaganaan na tinamasa natin sa nakalipas na ilang dekada (There is no going back to the old world, no harboring back to the stability and the prosperity of the last several decades),” pahayag ni Major General Paul Maynard, Assistant Chief of the Naval Staff ng Royal Navy ng United Kingdom, sa isang kumperensiya ng UK Chamber of Shipping Riviera sa London ngayong linggo.


“Ang digmaan sa dagat ay hindi natatapos sa dagat (A war at sea does not remain at sea),” aniya pa.


bottom of page