top of page

Pangangalaga sa ecosystem sa harap ng banta ng El Niño, pinalalakas ng pamahalaan ng Pilipinas

RA Sibag / Sari Story Network / Marita Moaje / Philippine Information Agency

October 30, 2026 at 1:24:31 AM

Larawan ng mga diver

Inaalis ng mga diver ang mga abandonadong lambat sa pangingisda na sumabit sa mga bahura sa karagatan ng Casiguran, Aurora, bilang bahagi ng mga pagsisikap na protektahan ang mga marine ecosystem laban sa karagdagang pinsala. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Huwebes (Oktubre 28, 2026), pinalalakas ng ahensiya ang pagpapanumbalik ng mga wetland, paglilinis ng mga daluyan ng tubig at pangangalaga sa mga coral reef sa buong bansa upang matulungan ang mga ecosystem at komunidad na makayanan ang matinding init at mga epekto ng napakalakas na El Niño.

DENR

Pinalalakas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga hakbang sa pangangalaga ng tubig, pagpapanumbalik ng mga wetland at proteksiyon sa yamang-dagat sa harap ng banta ng posibleng napakalakas na El Niño.


Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna nitong Huwebes, layunin ng mga hakbang sa buong bansa na tulungang makayanan ng mga ecosystem ang matinding init at maprotektahan ang mga komunidad na umaasa sa likas na yaman.


Sa Pampanga, inalis ng DENR ang 98,618.93 kilo ng solid waste, katumbas ng 15,267 na sako, mula sa mga daluyan ng tubig sa loob ng 10 araw na paglilinis. Isinagawa ito katuwang ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment upang maiwasan ang pagbabara sa mga sanga ng ilog na dumadaloy patungo sa Manila Bay.


Sa Caraga Region, nagsasagawa ang mga awtoridad ng muling pagtatanim ng mga puno sa mga pampang ng ilog at pagsubaybay sa mga kanal ng daluyan ng tubig sa Agusan Marsh Wildlife Sanctuary. Layunin nitong maiwasan ang pagkawala ng tubig at mapangalagaan ang mga wetland na tumutulong sa pagkontrol ng daloy ng tubig at pag-iimbak ng carbon.


Sa Masbate, sinusubaybayan ng mga tauhan ng DENR kada dalawang linggo ang coral bleaching o pamumuti ng mga korales at pagkamatay ng mga isda sa Mobo at San Jacinto.


Nilinis din nila ang mga daluyan ng tubig upang mapanatili ang pagdaloy ng tubig-dagat sa mga bakawan. Ipinagbawal din ang paghuhulog ng angkla ng mga bangka at pagkuha ng yamang-dagat sa mga bahura na naapektuhan ng matinding init upang matulungan ang mga ito na makabawi.


Sinusubaybayan din ng DENR ang epekto ng matinding pag-init ng karagatan sa Aurora, Bataan at Zambales, gayundin ang mga pinagkukunan ng tubig at mga daluyan nito sa buong Central Luzon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya.


Binigyang-diin ni Cuna na nakatutulong ang mga wetland, ilog at bahura sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa matinding init. Gayunman, partikular na bulnerable sa mataas na temperatura ang mga bahurang nasa mababaw na bahagi ng dagat at mga seagrass bed o lugar na tinutubuan ng halamang-dagat.


bottom of page