top of page

Panama, nakapagtala ng mahigit 200 aftershock matapos ang magnitude 7.7 na lindol

Sari Story

October 13, 2026 at 5:13:26 AM

Larawan ng El Sitio Hotel

Makikita sa kuhang drone ang El Sitio Hotel na may mga bahaging gumuho matapos ang lindol na tumama malapit sa katimugang baybayin ng Panama, sa Playa Venao, lalawigan ng Los Santos, Panama, Oktubre 11, 2026.

Reuters / Enea Lebrun

Nakapagtala ang Panama ng mahigit 200 aftershock kasunod ng magnitude 7.7 na lindol noong Biyernes na sumira sa daan-daang bahay at imprastraktura sa mga lalawigan sa gitnang bahagi ng bansa. Dahil dito, nagdeklara ang pamahalaan ng pambansang state of emergency nitong weekend.


Walang naiulat na nasawi, ngunit hindi bababa sa 27 katao ang nasugatan at halos 900 bahay ang nasira, ayon sa mga awtoridad sa pagtugon sa sakuna. Posible pang madagdagan ang bilang habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa mga liblib na komunidad.


Ayon sa economy ministry, pahihintulutan ng deklarasyon ng state of emergency ang pamahalaan na maglaan ng hanggang $100 milyon para sa tulong nang hindi lalampas sa itinakdang target na 3.5% ng gross domestic product (GDP) para sa fiscal deficit ng bansa sa 2026.


“Nakapagtala na kami ng mahigit 200 aftershock at nagpapatuloy pa ang mga ito, ngunit humihina ang kanilang lakas at humahaba ang pagitan ng bawat pagyanig (We have already recorded more than 200 aftershocks, and they are continuing, but their magnitude is decreasing and the intervals between them are getting longer),” pahayag ni Nestor Luke, direktor ng Institute of Geosciences ng University of Panama, sa Reuters.


Nangako ang Estados Unidos ng $5 milyon na tulong at magpapadala ng 20-kataong pangkat upang tumulong sa mga operasyon sa pagsagip at pagsusuri sa pinsala sa imprastraktura, ayon kay US Ambassador Kevin Marino Cabrera.


Bumisita si Pangulong Jose Raul Mulino sa mga apektadong lugar upang maghatid ng tulong at nanawagan ng agarang pagkukumpuni sa mga kalsada at tulay upang mapadali ang paghahatid ng ayuda. Hindi bababa sa 14 na tulay ang nasira sa mga lalawigan ng Veraguas at Los Santos.


Sinuspinde ang mga klase sa buong bansa nitong Lunes, habang sinabi ng Panama Canal na hindi naapektuhan ng lindol ang operasyon ng pagpapadala ng mga kargamento.


bottom of page