Pagputok ng Anak Krakatau sa Indonesia, nakaapekto sa mga flight, klase, at pangingisda
Sari Story
September 7, 2026 at 7:10:19 AM
JAKARTA — Nagdulot ng suspensyon ng daan-daang flight sa pangunahing paliparan ng Jakarta ang pagputok ng Bulkang Anak Krakatau sa Indonesia nitong Linggo, habang ilang aktibidad sa mga paaralan at pangingisda ang itinigil.
Inanunsyo ng Soekarno-Hatta International Airport sa Instagram ang suspensiyon ng mga biyahe hanggang alas-9:30 ng umaga (0230 GMT) dahil sa volcanic ash.
Ayon sa Ministry of Transportation ng Indonesia, umabot sa 209 flight, kabilang ang ilang international flight, ang naapektuhan ng suspensyon. Una nang itinakda ang itigil- operasyon hanggang alas-5:30 ng umaga.
Patuloy na pumuputok ang Anak Krakatau mula pa noong Biyernes ng gabi, at natukoy ang volcanic ash sa paliparan noong madaling araw ng Linggo, ayon sa ministry.
Ayon naman sa meteorological agency na BMKG, umabot sa 20,000 talampakan o 6,000 metro ang taas ng abo sa bahagi ng Java, habang umabot naman sa 50,000 talampakan o 15,000 metro ang volcanic plume sa bahagi ng Sumatra at ilang lugar sa lalawigan ng Banten sa Java.
Matatagpuan ang Anak Krakatau sa halos gitna ng Java at Sumatra sa malawak na kapuluan ng Indonesia, na bahagi ng Pacific “Ring of Fire,” kung saan madalas mangyari ang mga lindol at pagputok ng mga bulkan.
Hinimok ng disaster mitigation agency ng Indonesia's o BNPB ang publiko na manatiling kalmado ngunit maging mas alerto.
“Sa oras ng ashfall, pinapayuhan ang mga tao na magsuot ng mask at proteksyon sa mata, bawasan ang mga aktibidad sa labas, takpan ang mga pinagkukunan ng tubig at mag-ingat sa pagmamaneho dahil maaaring mabawasan ng volcanic ash ang visibility,” ayon kay BNPB spokesperson Berton Panjaitan.
(In the event of ashfall, people are advised to wear masks and eye protection, reduce outdoor activities, cover water sources and exercise caution when driving, as volcanic ash can reduce visibility.)
Ilang paaralan ang nagkansela ng mga aktibidad noong Sabado matapos makaranas ng iritasyon sa mata ang mga estudyante at residente dahil sa abo. Kinansela rin ng mga mangingisda ang kanilang mga pangingisda dahil sa pagputok ng bulkan, ayon sa local media outlet na Kompas.
Sinabi naman ng disaster mitigation agency noong Sabado na walang agarang banta ng tsunami mula sa bulkan.
Noong 2018, isang tsunami na dulot ng pagputok ng Anak Krakatau ang ikinasawi ng daan-daang tao at ikinasugat ng marami pa sa Java at Sumatra.
Ang Anak Krakatau, na nangangahulugang “anak ng Krakatau,” ay umusbong isang siglo na ang nakalipas mula sa lugar na dating kinaroroonan ng Krakatau, na kilala noon bilang Krakatoa.
Nawasak ang Krakatoa noong 1883 nang ang napakalakas na pagputok nito ay ikinasawi ng mahigit 36,000 katao dahil sa serye ng mga tsunami.

