Paglilinis sa hanay ng pulisya sa Metro Manila: 13 sinibak, 57 iba pa sinuspinde
Sandra Samala-Salem
October 9, 2026 at 10:56:59 AM
Tumataya sa 70 pulis sa Metro Manila ang nahaharap sa mga kasong administratibo bilang bahagi ng nagpapatuloy na programa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na linisin ang hanay nito at alisin ang mga pasaway at lumalabag sa mga patakaran. Ipinatutupad ang programa alinsunod sa patakarang walang pagpapalampas sa mga paglabag, ayon kay NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano nitong Biyernes.
Mula nang manungkulan si Abrahano bilang pinuno ng pulisya sa Metro Manila noong Agosto 23, may 70 pulis na ang napatawan ng parusa sa mga kasong administratibo, kabilang dito ang 13 pulis na sinibak sa serbisyo at 57 na sinuspinde.
Kabilang sa mabibigat na paglabag na naging dahilan ng pagkakasibak ng 13 pulis ang pagliban sa tungkulin nang walang opisyal na pahintulot (Absence Without Official Leave o AWOL), paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, at estafa, bukod sa iba pa.
Samantala, kabilang sa mga paglabag na naging dahilan ng pagsuspinde sa 57 pulis ang ilegal na pag-aresto, pagpapaputok ng baril, kawalan ng katapatan, kapabayaan at iba pang paglabag sa mga tuntunin at regulasyon ng pulisya.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Abrahano na hindi lamang pagpapataw ng parusa ang layunin ng kampanya ng NCRPO na linisin ang hanay nito. Layunin din nitong matiyak na karapat-dapat pa rin sa uniporme at tiwala ng publiko ang bawat pulis.
“Patuloy na responsibilidad ang paglilinis sa hanay ng pulisya. Hindi tayo maaaring humingi ng disiplina sa publiko kung hindi natin maipatupad ang disiplina sa sarili nating hanay. Dapat aksiyunan ang bawat reklamo, lutasin ang bawat kaso batay sa ebidensiya at tamang proseso, at panagutin ang bawat tauhang lumalabag sa mga patakaran (Internal cleansing is a continuing responsibility. We cannot demand discipline from the public if we cannot enforce discipline within our own ranks. Every complaint must be acted upon, every case must be resolved based on evidence and due process, and every erring personnel must be held accountable),” aniya.
Ang limang distritong saklaw ng NCRPO ay ang Manila Police District, Quezon City Police District, Northern Police District, Southern Police District at Eastern Police District.
Nagbabala rin si Abrahano sa lahat ng pulis laban sa hindi awtorisadong paggamit ng gasolina at mga sasakyan ng pamahalaan para sa pribado o personal na layunin. Binigyang-diin niyang mga pampublikong yaman ang mga ito na dapat gamitin lamang sa mga opisyal na tungkulin ng pulisya.
Inatasan niya ang lahat ng distritong pulisya at yunit na mahigpit na subaybayan ang paggamit ng gasolina at mga sasakyan ng pamahalaan, at tiyaking may wastong pahintulot at dokumentasyon ang bawat biyahe at direktang may kaugnayan ito sa mga opisyal na operasyon ng pulisya.

