top of page

Pagguho ng lupa, naranasan sa Mount Fuji dahil sa matinding pag-ulan sa Japan

Sari Story

September 10, 2026 at 3:08:52 AM

Larawan ng mga sasakyan

Stranded dahil sa gumuhong lupa ang mga sasakyan sa isang parking area sa bahagi ng 5th Station ng Fujinomiya Trail sa Mount Fuji dahil sa malakas na pag-ulan nitong Setyembre 9, 2026

Shizuoka Prefecture / Reuters

Nagkaroon ng pagguho ng lupa sa isa sa mga pangunahing starting point para sa mga umaakyat sa Mount Fuji sa Japan nitong Miyerkules, ayon sa lokal na brodkaster na TBS dahil sa malakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng gitnang Japan.


Tatlong sasakyan ang natabunan ng gumuhong lupa at debris, pero wala namang naiulat na nasaktan o nasawi, ayon sa brodkaster.


Nangyari ang insidente matapos ang pagbuhos ng magdamagang malakas na pag-ulan sa mga bulubunduking lugar ng Shizuoka Prefecture hanggang nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa Japan Meteorological Agency.


Isinara naman ang Fuji Subaru Line, isa sa mga pangunahing daan patungo sa Mount Fuji, dahil sa malakas na ulan, ayon sa website nito.


Samantala, dalawang climber ang natagpuang walang malay sa mga trail sa Mount Fuji madaling araw nitong Miyerkules, ayon sa Kyodo News, mula sa ulat ng Shizuoka prefectural police. Hindi iniugnay ng pulisya ang insidenteng ito sa landslide. Isang police mountain rescue team na ang ipinadala sa lugar, dagdag ng Kyodo.


Isa pang landslide ang naitala sa bayan ng Kawanehon sa Shizuoka Prefecture noong Martes ng gabi. Isang manggagawang naiwan na walang malay ang kalaunan ay kinumpirmang nasawi, ayon sa mga lokal na awtoridad.


Samantala, binayo rin ng malakas na ulan ang mga kalapit na prefecture ng Aichi at Gifu sa gitnang Japan noong Martes ng gabi, na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar at ikinasugat ng 41 katao, ayon sa Kyodo.

Sa Nagoya naman, kabisera ng Aichi Prefecture, umabot sa rekord na 104.5 millimeters ang naitalang ulan sa loob lamang ng isang oras noong Martes ng gabi, ayon sa pampublikong brodkaster na NHK. Dahil sa pagkaantala ng mga transportasyon dulot ng malakas na ulan, humaba naman ang mga pila ng mga commuter na stranded sa mga istasyon sa central Nagoya, base sa ulat ng NHK.


Inaasahang magpapatuloy ang malakas na pag-ulan hanggang sa Miyerkules ng hapon sa mga bahagi ng northeastern hanggang western Japan, ayon sa meteorological agency.


bottom of page