Pagguho ng Agana Bridge: Isa, patay sa Dagupan; tatlo pa, nawawala
Sari Story
September 2, 2026 at 5:20:42 AM
Narekober na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ng isa sa limang sakay ng sasakyan na nahulog sa Tarlac River kasunod ng bahagyang pagguho ng Agana Bridge sa Tarlac City nitong Sabado.
Sa pahayag ng PCG nitong Martes, sinabi nitong narekober ang bangkay sa karagatan na bahagi ng Barangay Pugaro, Dagupan City, Pangasinan noong Linggo.
Si Nataniel Dizon, 20, ang nag-iisang nakaligtas sa insidente, habang tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap.
Bandang tanghali nitong Linggo nang makatanggap ng ulat ang PCG Station Dagupan tungkol sa isang bangkay na lumulutang sa tubig at nakita ng operator ng isang motorbanca sa bahagi ng Barangay Pugaro.
Agad namang nagpadala ang PCG ng response team upang beripikahin ang ulat at magsagawa ng retrieval operations.
Kinumpirma ng mga responder ang pagkakatuklas sa bangkay at agad itong narekober. Dinala ito sa Barangay Poblacion Oeste at ini-turn over sa Dagupan City Police Station 5 para sa kaukulang disposisyon.
Kinumpirma naman ni Tarlac City Mayor Susan Yap na ang narekober na bangkay ay isa sa mga biktima ng insidente sa Agana Bridge.
Patuloy ang search and rescue operations para sa tatlo pang nawawala. Habang patuloy rin ang paghahanap ng mga response team sa Tarlac River at mga downstream area, katuwang ang mga awtoridad.
Ayon sa PCG, umabot na sa 35 kilometro ng Tarlac River ang kanilang nasuyod mula Barangay Aguso patungo sa Ablang River sa Paniqui, Tarlac, hanggang alas-6 ng gabi nitong Lunes.
Pinalawak din ng mga search team ang operasyon nito hanggang Ablang Bridge at Paniqui Bridge, ngunit wala silang nakita rito.

