top of page

Pag-atake ng Russia sa sentro ng ayuda sa Ukraine, nag-iwan ng dose-dosenang patay at nawawala

Isinalin ng Sari Story Network

November 5, 2026 at 3:44:16 AM

Larawan ng mga bangkay ng mga residente

Nakahandusay sa lupa at natatakpan ng mga plastic bag ang mga bangkay ng mga residenteng nasawi sa airstrike ng Russia kahapon sa isang silungang nasa ilalim ng lupa sa loob ng compound ng isang lokal na paaralan na ginagamit bilang sentro ng pamamahagi ng tulong pangkawanggawa. Kuha ang larawan sa bayan ng Komyshuvakha, na malapit sa front line o lugar ng labanan, sa rehiyon ng Zaporizhzhia, Ukraine, Nobyembre 3, 2026, sa gitna ng pag-atake ng Russia sa bansa.

REUTERS / Stringer

Umabot na sa 37 ang bilang ng mga nasawi sa pambobomba ng Russia sa isang lugar na pinamamahagian ng tulong sa rehiyon ng Zaporizhzhia sa timog-silangang Ukraine noong Lunes, habang dose-dosena pa ang nawawala, ayon sa mga opisyal. Itinuturing itong isa sa pinakamadugong pag-atake laban sa mga sibilyan ngayong taon.


Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga rescue worker sa mga posibleng nakaligtas sa mga guho ng dating paaralan sa nayon ng Komyshuvakha, ayon kay Mykhailo Semikin, acting head ng Regional Military Administration, nitong Miyerkules.


Sa isang pahayag sa Telegram, sinabi naman ni Ivan Fedorov, co-head ng Zaporizhzhia Regional Defense Council, na 59 katao ang nawawala.


Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy, unang naghulog ng mga bomba mula sa himpapawid ang mga puwersang Ruso sa gusali ng paaralan habang dumarating ang mga tao upang kumuha ng ayuda. Muli umano nilang binomba ang lugar na nagsisilbing kanlungan ng mga sibilyan.


Matagal nang sinuspinde ang klase sa paaralan dahil sa kalapitan nito sa front line o lugar ng labanan. Gayunman, nagsilbi itong kanlungan at namahagi ng tulong pangkawanggawa tuwing Lunes, ayon kay Zelenskiy.


Kabilang sa mga nasawi ang dalawang miyembro ng rescue team at apat na pulis, ayon sa mga emergency service.


Sinabi naman ng Russian Defence Ministry na ang target ng pag-atake ay mga yunit ng militar ng Ukraine sa paligid ng Komyshuvakha at dalawa pang pamayanan. Ayon dito, aabot sa 25 sundalong Ukrainian ang nasawi.


Kapwa itinatanggi ng Russia at Ukraine na sadyang pinupuntirya ng kanilang mga puwersa ang mga sibilyan.


Naganap ang pambobomba isang araw matapos magwakas ang anim na araw na tigil-putukan na naglalayong ilikas ang mga sibilyan mula sa bayan ng Oleshky sa katimugang Ukraine na kontrolado ng Russia.


Ayon kay US First Lady Melania Trump, na siyang namagitan upang maisakatuparan ang tigil-putukan, halos 800 katao ang nailikas sa ilalim ng kasunduan. Ginawaran naman siya ni Zelenskiy ng isang parangal ng estado bilang pagkilala sa kanyang naging papel.


Sinabi ni US envoy Steve Witkoff nitong Lunes na pagsasamahin ng Estados Unidos ang mga delegasyon ng Ukraine at Russia sa Abu Dhabi sa Nobyembre 10 hanggang 11 upang talakayin ang mga hakbang para wakasan ang sigalot, mga kasunduang pangseguridad matapos ang digmaan, at pagpapahupa ng tensiyon.


bottom of page