top of page

North Korea, sumubok ng dalawang uri ng cruise missile na inilulunsad mula sa submarine

Jack Kim at Joyce Lee / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 15, 2026 at 6:24:58 AM

Mga larawan ng strategic cruise missiles

Pinagsama-samang larawan ng dalawang uri ng strategic cruise missile na inilulunsad mula sa submarine, na ayon sa KCNA ay sinubukan noong Miyerkules, Oktubre 14, 2026. Inilabas ang larawan ng opisyal na Korean Central News Agency ng North Korea noong Oktubre 15, 2026.

KCNA sa pamamagitan ng Reuters

SEOUL — Sinabi ng North Korea na sinubukan nito noong Miyerkules ang dalawang uri ng strategic cruise missile na inilulunsad mula sa submarine upang tiyakin ang kakayahan ng hukbong-dagat na magsagawa ng mga misyon at ang pagiging maaasahan ng mga sandatang panlaban nito, ayon sa ulat ng state media na KCNA nitong Huwebes.


Patuloy na nagsisikap ang Pyongyang na bumuo ng mga modernong submarine na may kakayahang maglunsad ng mga missile, kasabay ng pagpapaunlad nito ng mga ballistic at cruise missile na sinusubukan nitong ilunsad mula sa iba't ibang plataporma, kabilang ang isang lumang submarine.


Ipinakikita ng pinakahuling mga pagsubok ang pagsisikap ng North Korea na magkaroon ng maaasahang nuclear deterrent na nakabase sa dagat, isa sa mga pangunahing prayoridad sa militar ni Kim Jong Un, bagaman sinabi ng mga analyst na hindi pa nito naipakikita ang ganap na kakayahang operasyonal ng naturang sistema.


Ayon sa KCNA, nasaksihan ng matataas na opisyal ng militar ang mga pagsubok na isinagawa sa karagatan sa silangang baybayin ng North Korea.


Wala nang ibinigay na karagdagang detalye ang KCNA tungkol sa mga missile o sa paglulunsad ng mga ito, maliban sa pahayag na walang negatibong epekto ang mga pagsubok sa seguridad ng mga kalapit na bansa.


Sinabi ng Joint Chiefs of Staff (JCS) ng South Korea nitong Huwebes na minonitor at sinubaybayan nito ang mga paglulunsad gamit ang iba't ibang kagamitan, mula bago ilunsad ang mga missile hanggang sa yugto ng kanilang paglipad at paglapit sa mga target.


Ayon sa isang tagapagsalita ng JCS, ini-assess ng militar na inilunsad ang isang uri ng cruise missile mula sa isang vertical launch system, habang ang isa naman ay mula sa tubo ng torpedo.


Ipinahiwatig ng mga larawang inilabas ng KCNA na nagpapakita ng isang submarine at mga missile na inilulunsad mula rito na isinagawa ang mga pagsubok gamit ang Kim Kun Ok Hero, isang binagong submarine na pinatatakbo ng diesel na inilantad ng North Korea noong Setyembre 2023, ayon sa mga analyst ng South Korea.


Sinabi ni Shin Jong-woo, secretary-general ng Korea Defence and Security Forum, na ipinakikita ng mga paglulunsad na “isinasagawa na ang mga pagsubok sa mga sistemang pangkombat para sa operasyonal na paglalagay sa serbisyo (combat system tests for operational deployment are under way).”


“Posible ring maglunsad sila ng SLBM sa lalong madaling panahon (They are also likely to fire an SLBM before long),” dagdag ni Shin, na tumutukoy sa submarine-launched ballistic missile o ballistic missile na inilulunsad mula sa submarine.


Sinabi rin ng mga analyst sa depensa na ang mga vertical launch system, gaya ng posibleng ginamit ng North Korea noong Miyerkules, ay nagbibigay-daan sa mga submarine na maglunsad ng mga missile nang mas mabilis at nang maramihan kumpara sa paggamit ng mga tubo ng torpedo.


Maaari nitong paikliin ang oras ng babala sa mga kalaban at gawing mas mahirap ang pagtugon ng mga sistemang panlaban.


Ang paglalarawan ng Pyongyang sa aktibidad bilang isang “regular na inspeksiyon sa kahandaan para sa mobilisasyon,” sa halip na isang pagsubok sa pagpapaunlad ng armas, ay tila naglalayong ipakitang papalapit na sa aktuwal na paglalagay sa serbisyo ang submarine, ayon kay Hong Min, senior researcher sa Korea Institute for National Unification.


Gayunman, sinabi ni Hong na nananatiling “limitado ang kakayahan nito sa operasyonal na paggamit (limited operational capability)” sa ngayon dahil hindi pa naipakikita ang paglulunsad ng mga missile habang nakalubog ang submarine, ang mahahabang pagpapatrolya sa dagat at ang operasyon ng mga SLBM.


bottom of page