North Korea, nagpakawala ng mga ballistic missile ilang araw matapos ang hypersonic missile test ng South Korea
Sari Story
October 12, 2026 at 7:16:34 AM
SEOUL — Nagpakawala ang North Korea ng ilang ballistic missile patungo sa dagat sa silangang baybayin nito nitong Lunes, ayon sa militar ng South Korea. Ito na ang ikaapat na pagpapakawala ng missile ng Pyongyang sa loob ng isang buwan, kasunod ng kamakailang pagsubok ng Seoul sa isang hypersonic missile.
Ayon sa Joint Chiefs of Staff ng South Korea, pinaniniwalaang magkakaibang uri ng ballistic missile ang pinakawalan mula sa lugar malapit sa Pyongyang bandang alas-9:20 ng umaga, lokal na oras (0020 GMT). Isa sa mga uri ng missile ang lumipad nang mahigit 900 kilometro (559 milya).
Nauna nang iniulat ng Japan Coast Guard na nagpakawala ang North Korea ng dalawang hindi pa nakikilalang projectile na pinaniniwalaang mga ballistic missile. Ayon dito, lumilitaw na kapwa bumagsak na ang mga ito.
Nagpatawag naman ng emergency meeting ang National Security Office ng South Korea, kung saan kinondena nito ang pagpapakawala ng mga missile bilang paglabag sa mga resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC) at nanawagan sa North Korea na agad na itigil ang mga naturang hakbang.
Saklaw ng mga parusa ng United Nations ang North Korea mula pa noong 2006. Layunin ng mga ito na pigilan ang pagpapaunlad ng Pyongyang ng mga sandatang nuklear at ballistic missile.
Naganap ang pinakahuling pagpapakawala ng missile sa gitna ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa nitong mga nakaraang linggo, kasunod ng mga pagsubok sa mga armas ng magkabilang panig.
Noong nakaraang linggo, pinangasiwaan ni South Korean President Lee Jae Myung ang unang test-firing ng bansa sa isang hypersonic missile. Bihira ang ganitong pampublikong pagpapakita ng isang pangulo ng South Korea habang isinasagawa ang pagsubok sa missile.
Ayon sa tagapagsalita ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea, ang pagpapakawala ng mga missile ng North Korea nitong Lunes ay tila pagpapakita ng puwersa bilang tugon sa matagumpay na pagsubok ng ating hypersonic missile, gayundin ang sinadyang pagpapamalas ng kakayahan nito sa missile.
Huling nagpakawala ng ballistic missile ang North Korea noong Oktubre 3. Iniulat noon ng state media na Korean Central News Agency (KCNA) na isa itong hypersonic missile na sinubukan sa ilalim ng pangangasiwa ni North Korean leader Kim Jong Un.
Sinundan ang mga pagsubok na ito ng pagsabog ng isang landmine sa may hangganan noong nakaraang buwan, na ikinasugat ng tatlong sundalo ng South Korea. Ayon sa Seoul, itinanim ng North Korea ang mga landmine at hiniling nito sa Pyongyang na humingi ng paumanhin. Gayunman, itinanggi ito ng North Korea at sa halip ay inakusahan ang South Korea ng probokasyon.
Nagsagawa na ang Pyongyang ng mga pagsubok sa missile sa mahigit 10 pagkakataon ngayong taon, kabilang ang apat sa loob lamang ng nakaraang buwan.
Ayon kay Song Seong-jong, propesor sa Daejeon University sa Seoul at dating opisyal ng South Korean Defence Ministry, ipinahihiwatig ng hindi pangkaraniwang dalas ng mga pagsubok na nais ng Pyongyang na palakasin ang impluwensiya nito bago ang posibleng pagpupulong nina Kim at US President Donald Trump.
"Talagang kailangan nilang itaas ang halaga ng kanilang katayuan bago makipagpulong kay Trump (They definitely need to raise the value of their status before meeting Trump),” pahayag ni Song.

