North Korea, ipinakita ang missile na kayang umabot sa US
Joyce Lee at Kyu-seok Shim / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 14, 2026 at 6:27:15 AM
SEOUL — Bumisita si North Korean leader Kim Jong Un sa isang defence industry museum na nagpapakita ng intercontinental ballistic missile (ICBM) na kayang umabot sa United States, ayon sa mga larawang inilabas ng state media na KCNA nitong Martes.
Lumabas ang ulat isang araw matapos sabihin ni US President Donald Trump na posibleng makipagkita siya kay Kim sa nakatakda niyang pagbisita sa Asya. Inaasahang dadalo si Trump sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa China sa kalagitnaan ng Nobyembre.
Ayon sa KCNA, kasama ang kanyang anak na babae na kilala sa pangalang Ju Ae at asawang si Ri Sol Ju, dumalo si Kim sa pagbubukas ng bagong Defence Revolution Museum noong Linggo.
Makikita sa mga larawang inilabas ng KCNA ang iba’t ibang armas na binuo sa ilalim ng pamumuno ni Kim, mula sa mga drone hanggang sa Hwasong-20 intercontinental ballistic missile (ICBM).
Ayon kay Shin Jong-woo, secretary-general ng Korea Defence and Security Forum, ipinakita sa isang display sa harap ng Hwasong-20 launcher ang disenyo ng missile na may maraming warhead. Makikita rin dito ang isang mapa ng mundo na nagpapakita ng abot ng missile hanggang sa mga lugar sa labas ng mainland ng US, kabilang ang Middle East, Australia, at South America.
“Mukhang layunin ng eksibisyon na bigyang-diin ang mga tagumpay ng programa ni Kim sa pagpapaunlad ng agham sa depensa. Nagbigay ito ng impresyon na isa itong propaganda na naglalayong makakuha ng estratehikong kalamangan bago ang posibleng summit sa pagitan ng North Korea at US (The exhibition appears intended to highlight the achievements of Kim's defence science development programme. It gave the impression of propaganda aimed at gaining a strategic advantage ahead of potential a North Korea-US summit),” ani Shin.
Ayon sa mga analyst, ipinapakita rin ng museo ang mas malawak na pagsisikap ni Kim na gawing pangmatagalang simbolo ng mga tagumpay ng rehimen sa militar ang mga pagpapakita ng armas ng North Korea.
“Sa pamamagitan ng paggawa sa dating pansamantalang mga eksibisyon ng armas bilang isang permanenteng museo, isinasapormal ni Kim ang kanyang mga tagumpay sa militar at inilalarawan ang pagpapalawak ng nuclear at missile capabilities ng North Korea bilang isang natapos at pangmatagalang pamana (By turning what were once temporary weapons exhibitions into a permanent museum, Kim is institutionalising his military achievements and portraying North Korea's nuclear and missile buildup as a completed and enduring legacy),” ayon kay Lim Eul-chul, propesor sa Institute for Far Eastern Studies ng Kyungnam University.
Samantala, sinabi ng North Korea na nagsagawa ito ng test firing ng isang tactical ballistic missile noong Lunes upang kumpirmahin ang matagumpay na teknikal na pagpapahusay sa isang hindi tinukoy na mahalagang bahagi nito.
Ayon sa KCNA, mahalagang hakbang ang naturang pagpapahusay sa pagpapabuti ng kakayahan ng lahat ng sistemang ginagamit sa mga opensibang operasyon. Gayunman, wala itong ibinigay na karagdagang detalye.
Sinabi naman ng militar ng South Korea nitong Lunes na nagpaputok ang North Korea ng maraming ballistic missile patungo sa karagatan sa silangang baybayin nito.
Ito na ang ikaapat na pagpapaputok ng missile ng Pyongyang sa loob ng isang buwan, kasunod ng kamakailang pagsubok ng Seoul sa isang hypersonic missile.

