top of page

Nepal, nagdeklara ng pambansang pagluluksa matapos ang mapaminsalang pagbaha

Sari Story

September 8, 2026 at 4:54:03 AM

Larawan ng mga nasirang bahay

Aerial view ng mga nasirang bahay matapos ang nakamamatay na biglaang pagbaha at pagguho ng putik sa Betrawati, distrito ng Nuwakot, Nepal, Setyembre 6, 2026.

Adnan Abidi / Reuters

Pumasok sa tradisyunal na huling araw ng pagluluksa sa Hinduismo nitong Lunes ang mga nagdadalamhating Nepali para sa daan-daang nasawi sa mapaminsalang baha sa kahabaan ng hangganan ng bansa sa China, habang ipinagpapatuloy naman ng pamahalaan ang search and rescue operations matapos ang apat na himalang pagsagip nitong mga nakaraang araw.


Ayon sa Home Ministry, ilagagay  sa half-mast ang watawat sa mga tanggapan ng pamahalaan sa bansang may 30 milyong populasyon na karamihan ay Hindu, gayundin sa mga diplomatic mission nito sa ibang bansa, bilang paggunita sa ika-13 araw mula nang masawi ang mga biktima. Itinuturing itong huling araw ng pagluluksa ng mga Hindu, na isinasagawa sa pamamagitan ng mga ritwal at pag-aalay ng pagkain.


Isang napakalaking tipak ng putik at bato, na sanhi ng pagguho ng isang glacier, ang bumulusok sa ilog sa Himalayan border ng Nepal at Tibet ng China noong Agosto 26. Tinangay nito ang mga bayan at nayon at natabunan ng putik ang mga kalsada at highway.


Hindi bababa sa 1,380 katao ang nasawi dahil sa mudslide, habang mahigit 5,500 naman ang nawawala.


Sa mga nakalipas na araw, apat na katao ang nailigtas ng mga search team sa Nepal, kabilang ang isang Chinese national na nasagip mula sa isang tunnel noong Sabado. Kabilang din sa mga nailigtas ang dalawang manggagawa sa hydropower na nasagip mula sa isa pang tunnel noong Biyernes, at isang Nepali na babae mula sa kanyang natabunang bahay noong Sabado.


Nakatuon ang rescue operations sa Nepal sa mga hydropower station sa rehiyon, ayon kay army spokesperson Raja Ram Basnet, dahil naniniwala ang mga awtoridad na maaari pang may mga nakaligtas doon.


Sinabi naman ng mga opisyal ng China noong Linggo na 12 pang bangkay ang narekober habang nagpapatuloy ang paghahanap sa daan-daang nawawala sa Tibet.


Walang seremonya habang nagpapatuloy ang search operations


Dahil patuloy pa rin ang paghahanap sa mga posibleng nakaligtas, walang mas malalaking aktibidad na inihanda ang pamahalaan para sa huling araw ng pagluluksa.


“Walang inorganisang programa ang pamahalaan dahil nagpapatuloy pa ang rescue at search operations sa mga lugar na sinalanta ng baha,” sinabi ni Phanindra Paudel ng National Emergency Operation Centre (NEOC) sa Reuters.

(There are no government programmes organised as the rescue and search operation is still going on in the flood-hit areas.)

Una nang binisita ni ceremonial head of state na si President Ram Chandra Paudel noong Lunes ang  mga lugar na sinalanta ng baha upang makita ang lawak ng pinsalang dulot ng kalamidad, ayon sa kanyang aide.


Ayon kay Prime Minister Balendra Shah sa isang social media post, nailigtas ng mga security personnel sa district jail sa Nuwakot, isa sa dalawang pinakamatinding naapektuhang distrito, ang 923 bilanggo matapos silang ilipat sa isang gusali sa mas mataas na lugar bago pasukin ng tubig-baha ang kanilang gusali na nasa mababang lugar.


Sinabi rin ni Shah na 50 bilanggo ang nahuli ng mga awtoridad matapos nilang sirain ang pader at gate ng kulungan nang magsimulang bumaha at tumakas, ngunit halos 100 metro lamang ang kanilang narating.


bottom of page