NCRPO, pinaigting ang kampanya laban sa banta ng bomba sa mga paaralan sa Metro Manila
Christopher Lloyd T. Caliwan/Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
October 25, 2026 at 8:23:01 AM
MANILA - Pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya sa pagpapabatid tungkol sa banta ng bomba sa mga paaralan sa Metro Manila. Binigyang-diin nito ang pangangailangan ng magkakaugnay na pagtugon, agarang pagsusuri sa mga banta at wastong pagsunod sa mga pamamaraang pang-emergency upang maprotektahan ang mga estudyante at kawani ng paaralan habang iniiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala ng mga klase.
Kasunod ito ng naiulat na banta ng bomba noong Oktubre 23 sa St. Martin de Porres Building ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila, kung saan matatagpuan ang Faculty of Medicine and Surgery.
Natagpuan ang isang liham na naglalaman ng banta sa loob ng isang cubicle sa palikuran ng mga babae, dahilan upang maantala ang mga klase.
Kabilang din sa tinukoy sa banta ang Main Building, kung saan matatagpuan ang Faculty of Civil Law, Faculty of Pharmacy at College of Science, gayundin ang tanggapan ng rektor at iba pang mga opisina, at ang Museum of Arts and Sciences. Kasama rin ang St. Raymund de Peñafort Building, na kinaroroonan ng Faculty of Arts and Letters at College of Commerce and Business Administration.
Bilang pag-iingat, lumipat ang UST sa remote learning kinabukasan.
Giniit ni NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano ang pangangailangang kumilos nang mabilis at maayos ang mga paaralan at awtoridad na tumutugon sa tuwing may iniuulat na banta ng bomba.
Inatasan niya ang mga yunit ng pulisya na palakasin ang koordinasyon sa mga administrador ng paaralan, tauhan ng seguridad, mga lokal na pamahalaan at mga emergency responders upang matiyak na malinaw na nauunawaan at wastong naipatutupad ang mga umiiral na protocol.
“Dapat seryosohin ang bawat banta ng bomba, ngunit dapat ding maging disiplinado, magkakaugnay at nakabatay sa mga itinakdang pamamaraan ang ating pagtugon (Every bomb threat must be taken seriously, but our response must also be disciplined, coordinated and guided by established procedures), ani Abrahano.
“Kailangang alam ng mga paaralan kung sino mismo ang dapat kontakin, paano iulat ang mga banta, kailan ipatutupad ang mga hakbang pang-emerhensiya at paano makikipagtulungan sa mga awtoridad na reresponde (We need schools to know exactly whom to contact, how to report threats, when to activate emergency measures and how to work with responding authorities), aniya.
Mahalaga ang malinaw na mga protocol upang maprotektahan ang buhay, maiwasan ang pagkataranta at maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa pagtukoy ng angkop na pagtugon, ayon kay Abrahano.
Dagdag pa nito, dapat saklawin ng mga kampanya ang wastong pag-uulat ng mga banta, agarang pakikipag-ugnayan sa pulisya at mga tagatugon sa emerhensiya, maayos na paglikas kung kinakailangan, pagsasara at pagtiyak sa seguridad ng mga apektadong lugar, at angkop na pagsusuri sa seguridad bago ipagpatuloy ang normal na mga aktibidad sa paaralan.
Pinaalalahanan din ng hepe ng NCRPO ang mga opisyal ng paaralan at mga pangkat ng seguridad na pangalagaan ang mga ebidensyang makukuha at iwasang magpakalat ng mga impormasyong hindi pa beripikado na maaaring magpalala sa pangamba ng publiko.

