top of page

NASA satellite telescope muling papasok sa atmospera ng daigdig pagkatapos ng 22 taon

Steve Gorman; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 4, 2026 at 9:56:14 AM

Larawan ng Logo ng NASA

Ang logo ng NASA sa seremonya ng paglalahad ng misyon nitong Artemis III sa NASA Johnson Space Center sa Houston, Texas, United States, noong Hunyo 9, 2026.

Antranik Tavitian / Reuters

Isang tumatandang satellite telescope ng NASA na tinangkang sagipin ng isang robotic spacecraft sa isang misyon nitong tag-init na nauwi sa kabiguan ang nakatakdang muling pumasok sa atmospera ng Daigdig pagsapit ng madaling-araw nitong Miyerkules, halos 22 taon matapos itong ilunsad sa orbit. Nabigo ang tangkang pagsagip dito ng isang robotic spacecraft na ipinadala noong tag-init.


Inaasahang babagsak mula sa orbit at masusunog sa atmospera bandang alas-3:30 ng madaling-araw (EST) o alas-8:30 ng umaga (GMT) ang Neil Gehrels Swift Observatory, na tumitimbang ng humigit-kumulang 3,200 libra (1,452 kilo). Ayon sa NASA, malabong magdulot ng panganib sa mga mataong lugar ang mga piraso nito na posibleng makaligtas sa muling pagpasok sa atmospera.


Ayon sa pahayag ng NASA na inilathala online, tinaya ng US Space Force na isa lamang sa bawat 2,100 ang posibilidad na may sinumang tao sa Daigdig na mapahamak dahil dito.


Mula nang ilunsad noong 2004, pinag-aaralan na ng ipinagmamalaking Swift satellite ng NASA na nagkakahalaga ng $500 milyon ang mga gamma-ray burst at iba pang penomenong kosmiko gamit ang tatlong teleskopyo nito. Ito ang kauna-unahang space observatory na idinisenyo upang magsagawa ng mga obserbasyon sa maraming wavelength.


Walang sariling propulsion system ang observatory kaya ilang buwan na itong unti-unting lumalayo sa orbit nito at papalapit sa inaasahang tuluyang pagbagsak.


Umaasa ang mga astronomo na mapatatagal pa nang ilang taon ang misyon ng Swift sa pamamagitan ng paghahanap ng paraan upang maiangat muli ang satellite telescope sa mas mataas na orbit.


Noong Hulyo, inilunsad ng NASA at ng startup na Katalyst na nakabase sa Arizona ang isang espesyal na ginawang sasakyang pangkalawakan na tinawag na LINK. Layunin nitong makipagtagpo sa Swift, kumapit dito at hilahin ang observatory pabalik sa mas mataas at mas matatag na orbit.


Ngunit nagsimulang umikot nang hindi makontrol ang LINK spacecraft di-nagtagal matapos itong makarating sa kalawakan. Pagsapit ng kalagitnaan ng Agosto, tuluyan nang itinigil ng mga tagapamahala ng misyon ang operasyon at tinanggap na lamang na haharapin ng Swift ang nakatakda nitong kapalaran.


Lalong naging mahalaga ang nabigong tangkang pagsagip dahil ito ang kauna-unahang misyon ng ganitong uri ng Estados Unidos at nagsilbing demonstrasyon ng bagong teknolohiya sa panghuhuli at pagkakapit sa mga bagay sa orbit. Itinuturing ang teknolohiyang ito na mahalaga sa magiging resulta ng karera sa kalawakan sa pagitan ng US at China.


Mahigpit na sinubaybayan ang operasyon ng LINK bilang pagsubok sa isang mahalagang teknolohiya para sa pagpapanatili at pagkukumpuni ng mga satellite, na maaari ring magkaroon ng dalawahang gamit sa mga operasyong militar sa kalawakan.


Inilarawan ng Katalyst ang misyon bilang isang makasaysayang pagsisikap, kung saan dinisenyo, ginawa at sinubukan ang LINK rescue vehicle sa loob lamang ng siyam na buwan—isang hindi pa nagagawang bilis ng produksiyon—sa ilalim ng kontratang nagkakahalaga ng $30 milyon mula sa NASA.


Inilunsad ang Swift mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas upang pag-aralan ang pinakamalalakas na pagsabog na natukoy sa sansinukob—ang mga pagsabog ng gamma-ray na nagmumula sa mga sentro ng malalayong kalawakan.


Orihinal na idinisenyo para sa pangunahing misyon na tatagal lamang ng dalawang taon, mas matagal na nanatiling gumagana ang Swift at nakapagsagawa ng mga obserbasyon sa iba't ibang bagay sa kalawakan. Kabilang dito ang mga kalawakang pinatatakbo ng napakalalaking black hole, mga bituing naglalabas ng X-ray flare, gayundin ang mga kometa at asteroid na dumaraan sa sarili nating solar system.


— Steve Gorman sa Los Angeles; Inedit ni Jacqueline Wong/Reuters



bottom of page