top of page

Nasa 400 paaralan sa France, sarado matapos mauwi sa karahasan ang ilang protesta ng mga estudyante

Sari Story

October 2, 2026 at 10:01:17 AM

Larawan ng mga nagkikilos-protesta

Nagtipon-tipon ang mga French high school student sa labas ng Lycée Voltaire bilang bahagi ng nationwide protest upang hilingin ang pagkuha ng mga substitute teacher, paglalaan ng karagdagang resources, at pagpapatupad ng mas maayos na kondisyon sa pag-aaral. Mahigit 400 paaralan ang nananatiling sarado kasunod ng ilang araw na protesta ng mga estudyante na nauwi sa karahasan sa ilang lugar sa Paris, France nitong Oktubre 2, 2026.

Sarah Meyssonnier / Reuters

PARIS — Inaasahang mananatiling sarado hanggang Biyernes ang humigit-kumulang 400 paaralan sa France matapos mauwi sa karahasan sa ilang lugar ang mga protesta ng mga estudyante kaugnay ng kanilang mga hinaing sa sistema ng edukasyon.


Nagsimula noong nakaraang buwan sa Paris ang mga protesta laban sa kakulangan ng mga guro at mga sira o lumang gusali ng paaralan. Ngunit lalo itong naging marahas habang kumakalat sa iba't ibang bahagi ng bansa, kung saan dose-dosenang katao ang nasugatan at daan-daan ang inaresto ng pulisya.


“May isang aktibo at marahas na minorya (na nakikilahok sa mga protesta)... Hindi kami lubos na nakatitiyak kung mga high school student nga ba talaga sila (There is an active and violent minority (participating in the protests) ... We're not entirely sure that they are even high-school students themselves),” sinabi ni Justice Minister Gerald Darmanin sa RTL radio nitong Biyernes.


Aniya, nasa 2,000 katao na ang naaresto mula nang magsimula ang mga protesta, at humigit-kumulang dalawang-katlo sa mga ito ang isinailalim sa police custody.


“Mula sa mga demonstrasyon ng mga high school student, nauwi na ito sa kaguluhan sa kaayusang pampubliko. Kapag tinatarget na ang mga bus at sinusunog ang mga paaralan, hindi na lamang ito simpleng usapin ng protesta (We have gone from high-school student demonstrations to a public-order disturbance. When people target buses and set schools on fire, it is no longer simply a protest issue),” sabi pa ni Darmanin.


Sa panayam sa broadcaster na France 2 nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni French Education Minister Edouard Geffray na higit 400 paaralan at iba pang educational establishments ang mananatiling sarado sa Biyernes.


HARD-LEFT


Ayon sa isang source na malapit kay Prime Minister Sebastien Lecornu, sinabi umano ng mga intelligence agency sa isang crisis meeting nitong Huwebes na ang kilusang protesta ay sinimulan ng mga pulitiko mula sa hard left, kabilang ang mga miyembro ng La France Insoumise (LFI).


Itinanggi naman ni LFI lawmaker Louis Boyard ang naturang pahayag sa mga panayam sa French broadcasters.


Ayon sa mga opisyal, nagsimula ng sunog ang mga estudyanteng nagpoprotesta sa hindi bababa sa dalawang high school noong Huwebes. Sa ikatlong paaralan sa katimugang lungsod ng Marseille, hindi sinasadyang natalsikan ng gasolina ang ilang guro. Hindi bababa sa isang sasakyan naman ang sinunog sa Strasbourg sa silangang bahagi ng France, habang nakipagsagupaan ang riot police sa mga kabataan sa Toulouse sa timog-kanluran.


Samantala, nagsimula rin noong Huwebes ang protesta ng ilang high school student sa lungsod ng Liège sa kalapit na Belgium. Ayon sa local media, inanunsyo ng mga awtoridad sa Liège na isasara ang lahat ng paaralan sa lungsod sa Biyernes. Hindi naman agad nakumpirma ng isang tagapagsalita ng munisipyo ang naturang pagsasara.


bottom of page